"Walang ibang taong puwedeng sumira ng matagal na naming pagsasama ni Manny. Hindi pa kilala si Manny sa buong mundo, kami na ang magkasama. Sabay naming pinagdaanan ang hirap at sakit ng buhay noong maging mag-asawa kami. Hindi nila alam ang mga pinagdaanan naming hirap kaya wala silang karapatan na sirain ang pamilya namin," says Jinkee Pacquiao.

Photo: Ruel J. Mendoza & Belo Medical Group

Game na game ang misis ni Manny "Pacman" Pacquiao na si Jinkee sa pagsagot ng mga tanong na may kinalaman sa tunay na estado ng relasyon nilang mag-asawa, at maging sa muling pagbabalik sa bansa ng nali-link sa kanyang mister na si Krista Ranillo.

Inakala ng lahat na iiwas na si Jinkee sa media pagkatapos nitong magsalita sa kanyang mga naunang panayam. Pero marami ang natuwa sa press dahil sa pagiging prangka niya at pagiging tunay na palaban.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jinkee sa dalawang okasyon kahapon, December 8. Una ay sa opening and ribbon-cutting ng kanilang boutique na Team Pacquiao by Manny Pacquiao sa Robinson's Midtown sa Ermita, Manila. Pangalawa ay sa Christmas and victory party na ibinigay ni former governor Chavit Singson para kay Pacman sa Corinthian Gardens residence nito sa Quezon City.

Sa parehong okasyon ay masayang-masaya at walang ipinakitang pagkailang si Jinkee sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa kanilang dalawa ni Manny.

"THERE IS SUNSHINE AFTER THE RAIN." Sa blessing ng kanilang boutique ay sabay na dumating sina Manny at Jinkee at magka-holding hands pa sila. Inaalalayan din ni Manny si Jinkee dahil sa maraming tao ang dumalo sa event na ito.

"Nagpapasalamat kami ni Manny dahil nandito na naman sila para suportahan ang bagong business venture namin," simula ni Jinkee. "Dapat lang na nandito kaming dalawa dahil negosyo namin ito at nakakahiya sa mga taong sumusuporta sa aming pamilya.

"Wala naman na kaming problema ni Manny, e. Lahat maayos na. Hindi puwedeng magkaproblema kami ng mabigat dahil maaapektuhan ang mga bata at ang ibang mga taong malapit sa amin. Nag-uusap naman kami parati at alam ko na malaking pressure ang nasa balikat naming dalawa ngayon. Lahat kasi, gustong malaman ang mga nangyayari sa amin. Para tuloy kaming may TV show na lahat nakatutok.

"Pero nasabi ko nga na there is sunshine after the rain. Paboritong quote ko 'yan ngayon. Kahit na gaano katindi ang lakas ng ulan, bagyo man siya, pagkatapos ng lahat ay lalabas din ang araw. Magiging maayos ulit ang lahat," nakangiting pahayag ni Jinkee.

PINAKAMATINDING BAGYO. Inamin ni Jinkee na ang pagkaka-link ni Manny kay Krista ang pinakamatinding bagyo na dumating sa buhay nilang mag-asawa. Hindi nahiyang sabihin ni Jinkee na iniyakan niya nang husto ang pangyayaring ito.

"Kahit sino naman, di ba?" sabi ng misis ni Pacman. "Tao lang naman tayo na nakakaramdam na may nangyayaring hindi tama. Babae ako at malakas ang pakiramdam ko sa ganyan. Talagang iniyakan ko siya nang husto at talagang sumama ang loob ko.

"Pero nagdasal ako sa Panginoon at sinabi ko na ipaglalaban ko ang pagsasama namin. Walang ibang taong puwedeng sumira ng matagal na naming pagsasama ni Manny. Hindi pa kilala si Manny sa buong mundo, kami na ang magkasama. Sabay naming pinagdaanan ang hirap at sakit ng buhay noong maging mag-asawa kami. Hindi nila alam ang mga pinagdaanan naming hirap kaya wala silang karapatan na sirain ang pamilya namin.

"Tulad nga ng sinabi ko, ipaglalaban ko ito nang patayan. Walang makakasira sa amin at kung ipagpipilitan nila, hindi sila magwawagi. Kakampi ko ang Diyos at ang mga taong nagmahal sa amin sa simula't simula pa."

CHANCE MEETING WITH KRISTA. Pinakumpirma rin ng PEP kay Jinkee kung totoong nagkasabay sila ni Krista sa Chanel boutique sa Los Angeles, California. Ito ay noong kainitan ng mga issue tungkol kina Manny at Krista.

"Totoo 'yon," mabilis na sagot ni Jinkee. "Noong pumasok ako sa Chanel, nandoon na siya. Naka-side view lang siya, pero may nagsabi na sa akin na si Krista raw 'yon. At siya talaga 'yon.

"Wala naman akong ginawa sa kanya. Nandoon siya para mamili at nandoon din ako para bumili rin. Pero aaminin ko na parang nasira ang araw ko noong araw na 'yon. Kasi 'yon yung kainitan ng tsismis, di ba? Tapos makikita mo pa siya doon.