Kris Aquino and James Yap had a "tampuhan" on Christmas eve and the PBA player left their home. But, according to a source, the couple immediately resolved it and are now back in each other's arms.

Photo: Noel Orsal

All's well that ends well sa pagitan ng mag-asawang Kris Aquino at James Yap.

May kumalat na balita kasi na nagkaroon ng tampuhan sina Kris at James at umalis daw ng kanilang tahanan ang sikat na basketball player. Upang kumpirmahin ang balita, kinausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang isang taong malapit kay Kris.

Ayon sa nakausap namin, totoong nagkaroon ng tampuhan ang mag-asawa noong umaga ng December 24. Totoo rin daw na umalis sa kanilang bahay si James, pero bumalik din ito kinagabihan pagkatapos nilang magkaayos ni Kris. Kaso lang, hindi na nakahabol si James sa noche buena.

Sa mismong araw naman ng Pasko, December 25, ay naglaro na si James para sa koponan ng Purefoods Tender Juicy kung saan tinalo nila ang Burger King, 85-74.

CAUSE OF THE SPAT. Ang pinag-ugatan daw ng tampuhan ng mag-asawa ay dahil sa trabaho ni Kris. Bukod kasi sa nightly showbiz news program na SNN: Showbiz News Ngayon  at weekly showbiz-oriented show na The Buzz, busy rin ngayon si Kris sa halos araw-araw na taping para sa upcoming primetime series ng ABS-CBN na Kung Tayo'y Magkakalayo.

Sa isang panayam nga ng PEP kay Kris ay inamin nitong Sabado na lang ang araw ng pahinga niya. Pero minsan ay nakukuha pa rin ito ng trabaho niya, gaya ng shooting para sa commercial ng kanyang ini-endorse na produkto.

Pakiramdam daw ni James ay hindi na siya naaasikaso ni Kris. Sa parte naman ni Kris, nagtampo rin siya dahil tila hindi naa-appreciate ng kanyang mister ang efforts at sakripisyo niya para sa kanilang pamilya.

Hindi naman kaila sa marami na puspos ang pagtatrabaho ngayon ni Kris upang matulungan financially ang kapatid niyang si Noynoy Aquino sa kandidatura nito bilang presidente sa 2010.

Sa kabila ng tampuhang ito ay nagkaayos rin sa huli sina Kris at James. Sa katunayan, napag-alaman ng PEP na kalilipad lang ngayong araw ng mag-asawa, kasama sina Josh at Baby James pati na ang mga yaya nila, papuntang Bangkok, Thailand.

Pagbalik ni Kris ay magla-live na siya sa SNN.