Nasa last part na ng grand presscon ng bagong primetime teleserye ng ABS-CBN, ang Tanging Yaman kagabi, January 4, nang makahabol pa ang isa sa mga main cast ng show na si Melissa Ricks. Kaya bukod sa bidang si Erich Gonzales ay nagmistulang nag-grand entrance din si Melissa sa 9501 restaurant.
Paliwanag ni Melissa, mula raw sa airport ay dumiretso na siya sa ABS-CBN. Kadarating lang niya kasi mula Hawaii kung saan nagbakasyon siya with her family last Christmas break. May dalawang pinsan daw siya na nasa U.S. Navy at naka-base sa Hawaii, kaya bukod sa pagbabakasyon ay dumalaw na rin sila sa mga kamag-anak nila roon. Pinilit daw talaga niyang makauwi para makaabot sa presscon.
LAYAS ISSUE. Tungkol sa family vacation ang agad na naging tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang press pagkatapos ng presscon proper. Nababalita kasi ngayon ang tungkol sa pag-aaway nila diumano ng mommy niya. May problema ba talaga sa family nila?
"Wala namang problema sa family. Nababasa ko nga sa mga diyaryo. Pero wala naman," sabi niya.
Bakit patuloy ang paglabas ng balita na may problema sila talaga?
"Lahat naman ng tao may problema. Dumadaan ka sa stage na ganyan, pero naaayos naman lahat," sagot ni Melissa.
Totoo nga bang lumayas siya sa bahay nila?
"Hindi, hindi totoong lumayas ako," tanggi niya.
Saan siya nakatira ngayon?
"Sa bahay namin. Never akong umalis ng bahay namin. If ever umalis ako sa bahay namin, nag-sleep-over lang ako sa bahay ng mga kaibigan ko. Nagpaalam naman ako. Pero never akong lumayas."
Bakit sinabi ng ka-loveteam niya at Tanging Yaman co-star na si Matt Evans na totoong naglayas raw siya at nagpunta lang siya sa ABS-CBN? Binigyan din daw siya ng advice ng binata. Ano ang masasabi niya rito?
"Binigyan niya ako ng payo hindi dahil sa lumayas ako. Binigyan niya ako ng payo sa personal problems ko at hindi dahil sa pamilya ko or what. Matt naman always give me advice. Siya lang naman yung lagi kong kasama. Siya yung laging kausap ko. Nakikita niya pag nalulungkot ako or whatever, ganyan. So, talagang binibigyan niya ako ng advice. Kung anuman yung problema ko, sa aming dalawa na lang ni Matt yun. At saka I don't think na sasabihin ni Matt na lumayas ako," saad ni Melissa.
Para mas maging malinaw ang lahat, saglit na tinawag ng press si Matt para samahan si Melissa sa pagpapaliwanag.
"Hindi siya lumayas, nag-unwind lang siya," paglilinaw ni Matt. "Wala akong sinabing oo. Nabalitaan ko lang na may isyung lumalabas na lumayas daw. Pero sinabi niya sa akin na hindi siya lumayas."
So, kanino nag-sleep-over si Melissa tulad ng sinabi niya?
"Kay Kitkat," sagot ng dalaga.
So, hindi totoong magkaaway sila ng mommy niya?
"No!" bulalas ni Melissa. "E, magkasama nga kami sa Hawaii, e. Imagine kung magkaaway kami, di ba?"
JAKE CUENCA. Diumano, ang dahilan daw ng pag-aaway nina Melissa at ng mommy niya ay ang panliligaw ni Jake Cuenca sa aktres. Ano ang reaksyon ng young actress dito?
"My mom is just being protective of me. Lahat naman ng nanay gustong mapabuti ang anak. And mother is always right naman. Pero wala naman siyang sinasabing masama kahit kanino. Yun lang, sana huwag nang idamay ang mama ko," pakiusap niya.
Pero kinausap ba ng mommy niya si Jake?
"Nagkausap naman sila before."
Sinabihan ba ng mommy niya si Jake na huwag muna siyang ligawan?
"Wala naman siyang sinabing ganun. It's my decision din. I'll be turning 20 on Saturday [January 9], so matanda na rin po ako. Alam ko na yung tama at mali."
So, okay lang ba sa mommy niya na magpaligaw siya at magkaroon ng boyfriend?
"Oo, okay naman sa kanya. My mom knows everything. Wala akong itinatago sa kanya."
Ano ba ang totoong relasyon nila ni Jake? May mga lumalabas kasi na nanliligaw pa lang si Jake. Meron din namang nagsasabi na mag-boyfriend na raw sila talaga.
"Gusto ko lang sabihin na wala naman kaming relasyon ni Jake na kailangang ibulgar namin. And if ever na meron nga hindi naman namin itatago yun. Karapatan din naman ng mga fans na malaman yun," sabi ni Melissa.
Totoo bang ayaw niyang umamin tungkol sa kanila ni Jake dahil prinoprotektahan lang niya ang loveteam nila ni Matt Evans?
"Hindi, kasi kung idadahilan lang yung loveteam namin, from the start naman, hindi naman talaga kami ni Matt. Hindi naman po talaga nanligaw sa akin si Matt. We just enjoy working together and I don't want to work with anybody else as a loveteam aside from Matt. Kasi I'm very comfortable na with Matt and parang hindi kami nape-pressure na kailangan naming magpakilig, kasi may natural chemistry na kami onscreen."
Naguluhan naman ang PEP at iba pang press kay Melissa nang sabihin niyang hindi naman nanliligaw si Jake sa kanya.
"Hindi naman siya nanliligaw sa akin. Oo, nagpapadala siya ng pagkain. Nagpaparamdam siya, pero hindi siya nanliligaw sa akin," sabi ng Star Circle Quest alumna.
Sa isang interview kasi kay Melissa ay nasabi na nito na nanliligaw sa kanya si Jake. Bakit ngayon ay nagbabago siya ng statement?
"Ang hirap naman nito!" tila nape-pressure na sabi ni Melissa hanggang sa mapilitan na itong magsalita. "O sige, nanliligaw siya sa akin, pero hindi ko pa siya boyfriend. So, wala naman akong aaminin."
Natanggap niya ba ang Christmas gift sa kanya ni Jake at ano yun, kasi sabi ni Jake sa kanya na lang daw itanong?
"Yes, meron. Pero hindi ko sasabihin. Ayokong namang i-broadcast sa lahat yung ibinibigay sa akin. Kasi yun ang nangyari kay Jolo [Revilla]. Nung sinabi ko, parang ang nangyari... si Jolo sabi, 'Paano nila nalaman yun?' Parang naging press release ang lumabas. So, si Jake, he gave me a gift. I appreciate it at nagustuhan ko. It's the thought that matters. Hindi naman sa kung ano yung regalo."
Siya ba binigyan niya rin ba ng regalo si Jake?
"Meron po. Sunglasses... Ray-Ban."
JOLO REVILLA. Bukod kay Jake, nali-link din si Melissa sa leading man niya sa Pepeng Agimat na si Jolo Revilla. Nanliligaw din ba sa kanya si Jolo?
"No, hindi," sagot niya. "Kami naman ni Jolo, we're just really friends. Siguro yung mga pagbibigay ng regalo niya ay nasa ugali lang niya talaga na generous siya, mabait siya sa mga leading ladies niya. Sinabi niya sa akin yun. Siguro nami-misinterpret lang talaga yung kabaitan niya."
Hindi niya ba pinagbawalan si Jolo na huwag manligaw o magregalo sa kanya?
"Hindi ko naman pinagbawalan si Jolo. Hindi ko naman sinabi na huwag mo akong bigyan o huwag mo akong padalahan. Hindi ko sinabi yun. Sinabi ko lang sa kanya na, 'Huwag mo naman ako masyadong binibigyan kasi hindi ako sanay.' Siyempre, yung hihingi ako ng prutas, ganyan. He's just very nice. Pero sabi ko, 'Huwag namang masyado kasi nahihiya na ako sa iyo.'"
E, bakit si Jake hindi niya binabawalang magpadala ng regalo sa bahay niya?
"Hindi, not all the time naman," paglilinaw ni Melissa.
Sabi ni Jake nagseselos daw siya kay Jolo, na may kurot daw sa puso niya. Ano ang comment ni Melissa rito?
"Hindi ko alam kung ano yung sinabi niya. Wow, ang taray!" biro niya.
Kinilig ba siya sa sinabi ni Jake?
"Ewan, hindi ko alam," ani Melissa, pero halata namang kinikilig nga siya.
So, mahal niya ba si Jake?
"Mahal ko siya bilang isang mabuting kaibigan. Hindi naman po kami nagde-deny."
Okay lang bang magsabay sa panliligaw sina Jake at Jolo?
"Baka magselos naman si Lovi," tila inosenteng wika ni Melissa.
E, di ba, hiwalay na sina Jolo at Lovi?
"Talaga? Ewan ko. Hindi ko alam. Sa kanila na yun."
Sino ang mas gusto niyang maging taging yaman niya in the future, si Jake o si Jolo?
"Si Matt!" sabay tawa ni Melissa at agad nag-comment ang mga press ng "echos" at "promo ba ito."
"Hindi, actually kasi dito sa Tanging Yaman, sa start I'll be paired with Enchong. Pero as the story goes, ang tanging yaman ko pala ay si Matt Evans," palusot niya.
MELISSA VS. ERICH & KIM. Samantala, ano ang comment niya na pinagtatapat-tapat sila nina Erich Gonzales at Kim Chiu bilang mga drama princesses ng ABS-CBN?
"Actually, I'm very happy, kasi like me and Erich, we're very good friends. Magkakabarkada kami and lagi kaming magkakasama sa mga production numbers sa ASAP, also with Kim. Siyempre, yung mga shows namin nagre-rate lahat, so happy kami. And this time, I'll be working with Erich. It's our first time, so I'm very excited din. And I'm proud of her because she waited so long for her break. And after Katorse, may kasunod na kaagad."
Kumusta naman katrabaho si Erich sa Tanging Yaman?
"Actually, I wanted to work with Erich for the longest time," sabi ni Melissa. "Magkaibigan na talaga kami ni Erich since sa start pa lang ng SCQ niya. I never thought na I would be able to work with her. Noong una nga medyo nakakailang kasi sanay kami ng puro tawanan, barkadahan, ganyan. So, this time, dramahan naman ang labanan naming dalawa. This is her time to shine again after Katorse. Good luck din sa aming dalawa."
Ang unang eksena raw na ginawa nila together ay ang kanilang confrontation scene kung saan kailangan hilahin ni Melissa si Erich sa damit. Paano nila inatake ang eksenang ito?
"Parang natatakot nga akong saktan siya, e. Kasi, di ba, sa trailer pupunitin ko yung damit niya? Natatakot ako na baka pagpunit ko, mahatak ko siya or masaktan ko siya. Kaya sabi ko sa kanya, 'Uy, friends tayo, ha. Joke lang ito, ha.' Maganda naman yung resulta."
Kontrabida ba siya sa Tanging Yaman as Isabel?
"Hindi po ako kontrabida rito. Siguro for a part... kung bakit ako kontrabida may dahilan. Dahil may hinanakit din ako," paliwanag ni Melissa.
Directed by Lino Cayetano at Manny Palo, ang Tanging Yaman ay mapapanood sa ABS-CBN Primetime Bida simula sa January 11 pagkatapos ng Precious Hearts Romances.