Flattered ang aktres na si Angel Locsin sa panunuyo sa kanya ng CNN Hero na si Efren Peñaflorida. Ito ang inamin ni Angel sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Ayon kay Angel, pormal nang nagpaalam si Efren sa kanyang ama na si Mr. Angel Colmenares para ligawan siya. Kung saka-sakaling mauwi sa isang seryosohang relasyon ang panililigaw na ito ni Efren, si Angel ang magiging kauna-unahang girlfriend ng tinaguriang CNN Hero kung nagkataon.
Pero diniretso na ni Angel si Efren at sinabing mas mabuti kung maging magkaibigan muna sila. Hindi pa raw kasi handang pumasok sa panibagong pakikipagrelasyon ang aktres pagkatapos magwakas ang relasyon nila ni Luis Manzano noong isang taon.
"Nagulat ako," sabi ni Angel. "Nag-usap kami. Tinanong ko siya kung sigurado ba siya kasi baka mas mabuti na mas magkakilala muna kaming mabuti. Kilalalanin niya muna ako para if ever na may makita siyang hindi masyadong maganda sa akin, okey lang na mag-backout siya. Sinabi ko sa kanya, maging friends muna kami, no expectations, walang efforts.
"Ayokong masira yung hope, kahit sabihin na hindi ako ang hope, instrumento nila ako... Yung maging instrument ka kaya marami kang nai-inspire na mga tao na gumawa ng mabuti, tumulong sa kapwa, magbagong-buhay. Ayokong ma-pollute yun dahil may mga intrigang galing showbiz," paliwanag niya.
NOT BECAUSE OF LUIS. Hindi kaya ang isa sa dahilan kung bakit ayaw munang i-entertain ni Angel ang panliligaw ni Efren sa kanya ay dahil sa balitang bumabalik at gumagawa talaga ng efforts si Luis para magkabalikan sila?
"Sa ngayon kasi, ayoko munang ma-involve," sagot ng dalaga. "Nag-uusap uli kami ni Luis. Ngayon, nag-uusap uli kami. Ayoko naman kasing magpaasa, ayokong sabay-sabay na may dine-date. Mas okey sa akin yung friendship. 'Saka medyo fresh pa rin yung sa amin ni Luis, 'saka gusto niyang ayusin naman.
"Ako, 2010 na, forward na lang tayo kasi ang tagal na rin naman nung nag-break kami. Ilang months na rin. Ang importante sa akin, yung okey ako sa dalawa, lalo na si Luis kasi iba ang pinagsamahan namin."
Aminado naman si Angel na mataas ang respeto niya kay Efren at sobra niyang na-appreciate na pormal itong nagpaalam sa kanyang ama para manligaw.
"Kinausap niya ang daddy ko, mas nauna pa niyang kinausap ang daddy ko," sabi niya. "Nung magsasalita sa akin si Daddy, sinabihan ko siya na ayokong malaman kasi maiiba ang ano ko, madidiskaril ako. Pero I must admit na-touch ako, respeto sa daddy ko yun. Masayang-masaya ako na nirerespeto niya ang daddy ko. Binibigyan niya ng chocolate ang daddy ko. Simula nung magsabi siya, nagte-text na siya sa akin.
"Sobrang ina-admire ko siya. Sobrang taas ng respeto ko sa kanya. Sobrang nakaka-flatter. Sabi ko nga sa kanya, 'Pag-isipan mo kaya muna?' Sagot niya sa akin, 'Five years na akong nag-iisip, pang-anim na taon ko na ito.' 'A, okey. Ayaw mo nang mag-isip?' Ang sabi niya sa akin, 'Okey na yata ang pag-iisip ko.'
"Sabi ko nga," patuloy ni Angel, "nahihirapan akong mag-explain kasi hindi pa naman ako sanay mag-explain. Hindi ko rin alam kung maiintindihan niya kasi never din naman siyang nagkaroon ng girlfriend. Twenty-eight na siya at hindi pa siya nagkaka-girlfriend. Medyo kakaiba nga lang, hindi ko alam kung naiintindihan niya ang mga ganung bagay."
MIKO SOTTO'S DEATH ANNIVERSARY. Last December 29 ay 6th death anniversary ng dating boyfriend ni Angel na si Miko Sotto, na aksidenteng nahulog mula sa ninth floor ng isang condominium sa Mandaluyong City. Nagpasalamat si Angel sa Facebook account niya sa mga taong nakaalala sa kamatayan ng kanyang dating kasintahan.
"May nag-greet sa akin na parang anniversary ngayon ni Miko," banggit ni Angel. "Na-appreciate ko na hindi niya nakakalimutan si Miko, di ba? Nagpasalamat lang ako dun sa mga nakaalala, sa mga nagdasal para kay Miko. Nag-usap din kami ni Tita Ali [Sotto, Miko's mother]. Sabi niya, naa-appreciate niya na naaalala ko."
IS SHE STILL WITH BECKY? Para kay Angel, maraming magaganda at kakaibang nangyari sa kanya noong 2009. Pero positibo naman niyang tinitingnan ang pagpasok ng 2010.
"Maraming nangyari nung 2009, hindi lang sa akin kundi sa buong Pilipinas," sabi niya. "Yung Lobo nomination ko in Emmys, Ondoy, Pepeng... awareness na naging mas open tayo... Shop and Share nabuo, mga bagong kaibigan, tapos may mga pinagdaanan din ako na hindi maganda... Hopefully this 2010, panibagong start naman, fresh start."
Excited na rin daw siya sa mga bago niyang projects sa ABS-CBN this year.
"Kokey, excited ako kasi Direk Wenn [Deramas], si Vhong [Navarro]. Tapos yung soap namin ni John Lloyd [Cruz]. Story pa lang ang napi-present sa amin, exciting kasi iba siya, nakaka-challenge talaga. Mahirap siya kung sa mahirap, pero masaya ako sa ganun. Mas nae-excite ako pag nagtsa-challenge ako," saad niya.
Usap-usapan naman na tuluyan na raw umalis si Angel sa poder ng talent manager na si Becky Aguila. Dito ay umiwas na magbigay ng anumang pahayag ang aktres.
"Hindi ko masasagot 'yan, 'saka hindi na muna ako magko-comment tungkol diyan," ang nakakaintrigang sagot ni Angel.
