Marami nang entertainment writers ang nakapansin na iisa lang ang hitsura ng mga lalakeng iniibig ng TV, movie and stage actress na si Eula Valdes. Magkakahawig nga sina Ronnie Quizon, Richard Litonjua, at ang latest, ang male model and Pinoy Big Brother ex-housemate na si Rocky Salumbides.
Pare-parehong mga moreno, matangkad, mataas ang cheekbones, may matigas na jawline, matangos na ilong at matipunong katawan sila.
Di raw ito napuna ni Eula hanggang banggitin sa kanya.
"Buti pa kayo, napansin niyo 'yon. Ako kasi, kung sino ang nandiyan at nagmahal sa akin, hindi ko tinitingnan ang physical features niya. Ang puso ang nararamdaman ko. Yung good intentions lang ang napapansin ko.
"Later na lang ang looks and nagulat din ako na magkakahawig nga sila Ronnie, Richard at Rocky. They are all tall, dark and handsome pala. Tapos puro letter R pa ang simula ng names nila, di ba? Ano ba 'yan?!" ang tawa ni Eula.
SON'S REQUEST. Wala naman daw problema sa panganay niyang si Miguel (kay Ronnie Quizon) na may bago siyang pag-ibig. Nasanay na raw ito sa mga pangyayari sa buhay pag-ibig niya. Pakiusap lang daw ng anak na huwag na itong magpakasal ulit.
"My son is already 15 years old and he's very tall, 5'11 na ang height niya. Surprisingly, magkasundo sila ni Rocky. They work out together sa gym and they have so many things in common. Kasi nga kung ano ang hilig ni Miguel, yun din ang hilig ni Rocky. Kaya they jive at magka-vibes sila sa maraming bagay.
"Pero yun nga, ang tanging request lang naman ng anak ko ay huwag na akong magpakasal ulit. Nagulat nga ako kasi bigla siyang lumapit sa akin at sinabi niya na, 'Mom, please don't get married again.' Talagang natulala ako sa sinabi na 'yon ng anak ko.
"I've been married twice already and to do it for the third time ay parang hindi na rin tama... I guess iga-grant ko ang request ng anak ko," nakangiti niyang sinabi.
Kasalukuyang inaayos na nina Eula at ni Richard ang kanilang annulment. Okey naman daw ang relasyon ni Eula kay Richard na naka-base sa Australia, at ganoon din kay Ronnie.
"Sa totoo lang, wala akong problema sa kanilang dalawa. They've been very supportive naman sa akin. Ako naman, I want things to be okay between the people na nakarelasyon ko. Matapos man ang samahan namin, I make sure na friends kaming lahat.
"Mahirap din na may samaan kayo ng loob, di ba? Okey lang ang mga tampo-tampo kasi madaling maayos iyon. What's important is kung saan kami maligaya, doon kami at magsusuportahan kami bilang magkaibigan.
"Nandiyan naman silang dalawa kapag kailangan ko ng tulong with the kids. My kids loves their fathers and yun ang pinakaimportante para sa akin."
SOMEONE TO GROW OLD WITH. Pinagdarasal nga ni Eula na si Rocky na ang huling lalake sa buhay niya.
"Hindi naman kaila sa lahat na hindi na tayo bata and you always wanted a partner that will stay with you forever, di ba? Someone to grow old with.
"I really wish that Rocky would be the last man in my life. Kung noon, akala mo ito na ang huling lalake dahil kinasal na kayo, hindi pa rin pala. Hindi rin pala assurance iyon.
"Kaya I wish and I do hope that Rocky will be the last. Sana yun din ang wish ni Rocky na ako na rin ang huling babae sa buhay niya," pagtatapos ni Eula Valdes.
