Bongga ang pasok ng 2010 para sa Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas. Dalawang malalaking proyekto ang nakatakda niyang gawin para sa ABS-CBN. Una ay ang pagiging third judge niya sa nalalapit na nationwide talent search program ng Kapamilya network, ang Pilipinas Got Talent.
"Bigla na lang dumating sa akin. Sinabi nila judge raw ako. E, akala ko normal lang yun. Akala ko, normal na ako. Yun pala, pahulaan yun. Ang dami palang pinagpilian doon," pagbubunyag ni Ai-Ai noong makausap namin sa set ng Pepeng Agimat.
"Hindi naman nila ako pinadalhan ng kung anumang papers para sabihin," kuwento pa ng komedyana. "Sinabi lang sa akin ni Boy [Abunda, her manager] mga five days ago."
Sa tingin ba niya nakuha niya ang stint dahil magkaibigang matalik sina Kris at ang manager niya?
"Hindi ko alam. Alam ko siya una talaga. Napanood ko siya, e, [sa] TV Patrol na siya. Tapos si FMG [Freddie M. Garcia, ABSC-CBN president]. Siguro gusto nila komedyante naman dahil seryoso na sila. Malamang ganun nga."
WITTY AND FUNNY. Magiging mabait ba siya sa mga contestant?
"Ah, depende. Konting kamalditahan, hahaha! Yung nararapat lang. Magiging ano ako doon, witty and funny."
Noong Huwebes nag-pictorial na si Ai-Ai para sa Pilipinas Got Talent. Solo lang siya dahil nauna na two weeks ago sina Kris at Freddie Garcia. Kasama rin si Ai-Ai sa magaganap na nationwide auditions simula sa Cebu on January 22.
Nakatakdang mag-premiere ang show sa mismong birthday ni Kris sa February 14. Six months lang daw ang kontrata ni Ai-Ai para sa Pilipinas Got Talent.
"Nakakatuwa kasi ano, marami akong gagawin this year. Ano siya, happy year. Kasi may isa pa akong show na gagawin this year.
"Ay, ayaw pang sabihin, e. Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga kasama ko. Ang alam ko si Aga [Muhlach] lang."
DRAMEDY WITH AGA MUHLACH. Mag-asawa ba ang papel nila ni Aga sa show na ito for ABS-CBN?
"Parang hindi ganun. Parang papunta pa doon. Ang alam ko lang din yung direktor namin si Jeffrey Jeturian. Comedy-drama ito. Yun lang ang alam ko."
Hindi kaya matakot sa kanya si Aga, knowing napaka-playful niya?
"Natural. Hahaha! Harot-harot," ngiti ni Ai-Ai.
May balita ring gagawa siya ng pelikula with the Pinoy Big Brother Double Up winners. Kasama raw sa premyo ng mga mananalo itong paggawa ng pelikula with Ai-Ai under Star Cinema. Sa mga housemates, isa sa mga matunog ang pangalan ay si Melissa "Melai" Cantiveros.
Anong tingin niya kay Melai na sinasabing may comic flair daw?
"May timing siya," aminado ang veteran comedian.
TWENTY YEARS. This year nakaplano ding gawin ni Ai-Ai ang ikatlong bahagi ng super successful franchise niya na Ang Tanging Ina, na nag-number one sa Metro Manila Film Festival noong 2008. Baka sa June daw ito umpisahan.
Kung lovelife naman niya ang pag-uusapan, "wala pa rin. Wala, wala talaga," ang sagot niya.
Kung papipiliin siya between her lovelife and career sa panahon ngayon, alin ang pipiliin niya?
"Ah, half-half. Kasi, hindi naman na ako bata, e. Ang mga nag-aano lang ng career or lovelife mga 17, yung mga nag-i-start pa lang. E, 20 years na ako in show business. Dapat lang ako magkaroon ng lovelife."
Months pa lang naman ang binibilang na wala siyang karelasyon, "pero ano, ayoko munang isipin [ang lovelife]. Ang daming ginagawa, e."
Isa na rito ang pinaplanong major concert niya na malamang na matuloy sa Nobyembre.
"Oo, 20 years ko in showbiz. Wala pang guest. Ano siya, 20 in 2010."
Ngayon pa lang ay pinaplano na ni Ai-Ai kung paano siya magiging bonggang-bongga para sa concert niya.
"Magdya-jogging ako, lahat, [a la] Madonna, gym. Magdyi-gym pa ako. Tumaba kasi ako nitong nakaraang bakasyon," sabi ni Ai-Ai.