Kahit sabihin pa na dumaan sa matinding intriga ang mag-asawang Jinkee at Manny Pacquiao, tila hindi ito naging hadlang para maging masaya at memorable ang 30th birthday ni Jinkee.
Sa Samal Island sa Davao ginanap ang birthday party niya na naging eksklusibo lamang sa mga piling bisita na inanyayahan ng mag-asawa. Nakausap ng Showbiz Central si Jinkee, at sinabi niya na plano sana ng pamilya na magkaroon ng bakasyon sa Vancouver, Canada.
"Malamig daw ngayon, nag-i-snow. So, sabi ko, baka hindi naman mag-enjoy ang mga bata kasi malamig. So, hindi na kami natuloy. 'Tapos yung Singapore naman, parang tinamad na kaming mag-travel sa plane. So, sabi ko, dito na lang, para makasama rin ang mga cousins nila, sa malapit na lang."
Masaya rin daw si Jinkee na kahit sa March 13 na ang laban ni Manny kay Joshua Clottey, ang welterweight boxer na taga Ghana, nag-decide pa rin itong mag-stay para sa birthday niya.
"Wala namang materyal na bagay na gift. E, palagi naman siyang nagbibigay sa akin. Okey na sa akin yung presence niya na nandiyan siya. Hindi siya umalis for States for training. Masaya na magkasama kami palagi."
MOMMY D RELATES TO JINKEE. Aminado rin si Jinkee na dahil sa intrigang kinasangkutan nilang mag-asawa last year, doon niya nakita kung gaano kalakas ang suportang nakuha niya, higit sa kanyang pamilya.
Naging daan din daw ito para mas lalo silang mapalapit sa isa't isa ng kanyang biyenan na si Mommy Dionisia.
"Naging close kami. Parang nakaka-relate kami sa aming mga experiences, kaming dalawa," nakangiting sabi ni Jinkee sa Showbiz Central.
Kinumpirma ni Mommy Dionisia ang tinuran ni Jinkee. Sabi niya sa interview pa rin ng Showbiz Central, "'Sobrang saya, Ma. Bilib ako sa 'yo,' sabi niya. Natanggap ko na. Na-feel niya raw ang pagmamahal ko sa kanila.
"Malakas ang loob ko sa anak ko. Malakas ang fighting spirit ko na hindi niya magawa... Kasi hindi naman, wala naman siyang time. Nandiyan naman kay Jinkee... ang lahat. Ang kagandahan, maganda ang misis niya. May mga anak na sila. Siyempre, narinig ko sa anak ko. Ang sabi niya, Mommy, ang pagmamahal ko sa pamilya ko, nandiyan naka-focus. Nakalagay na sa puso ko ang mga pamilya ko. Huwag kayong mag-alala sa mga sinasabi."
Sabi naman ni Jinkee, bilang ina, alam daw niyang naapektuhan din si Mommy Dionisia sa mga naging isyu.
"Naapektuhan din siya as a mother. Yung sympathy niya, parang naawa rin siya sa akin. Parang naranasan niya before yung ganung problema. So, happy naman ako na nandiyan siya nung kinailangan ko [siya]."
