Mapapanood ang real-life mother-and-daughter tandem nina Jean Garcia at Jennica Garcia sa bagong Sine Novela ng GMA-7 na Ina, Kasusuklaman Ba Kita?, na magsisimulang mapanood sa January 25.
Sa presscon ng afternoon soap na ito noong Miyerkules, Jan. 19, tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jean kung naikukuwento ba ni Jennica sa kanya na kinakabahan ito na sila ang magkabatuhan ng linya?
"Sinasabi niyang nate-tense siya," banggit ni Jean. "Parang nate-tense siya actually sa project. Nate-tense siya sa pressure na yung ibinigay na tiwala, yung binigay na project. Kasi, bida siya, e. Pero yung pressure na kaming dalawa, wala siyang ganun."
Sa palagay ba ni Jean ay confident ang anak na sila ang magkaeksena?
"Well, siguro confident siya na 'Nandito ang Mama ko, e.' O, parang dahil mag-ina kami, may mga eksena nga kami na bina-blocking pa lang kami ni Direk [Gil Tejada Jr.], pero nakakaano na agad... feel na feel na agad. Rehearsal pa lang, umiiyak na agad si Jennica," saad ng aktres.
Ayon kay Jean, never daw siyang naging stage mother kay Jennica. Kahit magkasama sila ngayon sa isang project, hindi pa rin daw niya gagawin yun. Hindi rin daw siya nakikialam sa mga eksena nilang dalawa.
"No, minsan sabi ko nga, lalo na sa mga ibang actors, tinatanong ako, 'Ms. Jean, papaano po?' Nagtuturo pa ako. Nagbibigay ako ng ilang pointers. Pero kay Jennica, maski na gusto kong magbigay, hindi ko magawa. Unang-una, nagagawa naman niya ang mga trabaho niya.
"At saka ayokong manahin niya or ginaya lang niya ang gusto kong mangyari. Sorry, hindi dahil sa nanay ako, pero bilib ako sa anak ko pagdating sa acting talaga. So, gusto ko meron siyang sariling identity. Meron siyang sariling pag-arte. Bahala siya," aniya.
Nakikita niya ba ang kanyang sarili kay Jennica pagdating sa pag-arte?
"Sobra! Sobra akong proud!" bulalas ni Jean.
Nagmana sa kanya?
"E, kanino pa siya magmamana talaga? Magmana siya sa iba, e, magagalit ako dahil ako ang nanay!" natatawang sabi niya. "Pero nagmana naman sa tatay niya [Jigo Garcia] sa comedy. Bilang magaling din naman siyang komedyante."
HOPELESS ROMANTIC. Aminado si Jean na pareho silang hopeless romantic ni Jennica. Pero aniya, mas strong daw ang anak niya kesa sa kanya.
"Mas strong ang anak ko. At saka mas mature siya. Iba na kasi ang generation ngayon. Mas alam nila kung ano ang priority nila. Hindi love, e. Ang priority nila is more work, career."
So, mas gusto niyang walang lovelife si Jennica?
"Sa ngayon, honestly, mas gusto kong i-prioritize niya yung trabaho niya," sagot ni Jean.
Pero may mga nanliligaw ba kay Jennica ngayon?
"Meron, meron... At saka kapag happy naman siya, halimbawa, lumabas siya at nakita ko na happy naman siya, kinikilig naman ako for her. Pero sabi ko nga sa kanya, 'Huwag ka munang mag-commit, Honey, i-enjoy mo muna yung pagiging single.'"
Natutuwa ba siya na nakipag-break na si Jennica sa dating boyfriend nito na si Mart Escudero?
"Honestly? Oo, kasi mga bata pa sila. At saka parang hindi naman nagwo-work ang relationship... Naku, nagsalita na 'ko! Dati hindi ako nagsasalita. Naku, baka magalit na naman sa akin ang anak ko!" napapatili niyang sabi.
"Nothing against Mart, ha, nothing against him," bawi ni Jean. "Kahit sino pang karelasyon or naging karelasyon ng anak ko, wala na sila ngayon, happy ako. Kasi, yun nga, makakapag-concentrate siya sa trabaho at magagawa niya ang mga gusto niya. Mapa-prioritize niya ang mga gusto niyang gawin. Hindi niya kailangang magpaalam. Wala siya in a relationship na kailangan niyang i-ano pa yung feelings nung isa dahil committed nga siya rito, di ba? So, mas maganda yung i-enjoy niya muna ang pagiging teenager niya."
MOTHER-DAUGHTER RELATIONSHIP. Sinabi ni Jennica sa hiwalay na panayam na may time talaga na nagtampo siya sa kanyang ina. So, paano bumawi si Jean sa tampong yun ng kanyang anak?
"Ano kasi kami ni Jennica, all her life, wala akong itinago sa kanya," simula ni Jean. "Ang hindi ko lang ginawa sa kanya is sirain yung father niya sa kanya. At hindi ko ipinagkait yung father niya sa kanya. Yung time, kapag gustong makita ni Jigo, or kahit may tampo ako kay Jigo, walang oras, hindi niya [Jennica] nalalaman yun, pinagtatakpan ko. Kasi, ayokong masira yung relationship nila which is maganda. Now, sobrang close nila.
"Hindi rin naman kasi kailangan na kapag bitter ka sa tatay ng anak mo, hindi mo pinepersonal. Kasi, kawawa yung bata. So, yun naman, nagpunta ako ng Japan dahil kailangan kong magtrabaho, single mother ako. Sinabi niya sa akin na nagtatampo siya. Pero ang sabi ko, 'Oo, Honey, alam ko, pero wala akong magagawa. Walang magtatrabaho para sa atin. Walang bubuhay para sa atin. E, gusto kitang bigyan ng magandang buhay.'
"Hindi sa mayabang akong tao, pero ayoko siyang bigyan ng mahirap na buhay. Ayokong magdusa ang mga anak ko dahil lang single mother ako. Gagawin ko ang lahat para sa kanila hanggang ngayon."
Sa title ng soap opera nilang Ina, Kasusuklaman Ba Kita?, habang binabasa nila ang script, na-imagine niya ba na posibleng masabi ni Jennica yun sa kanya in some circumstances?
"Naisip ko ba? Parang never! Parang kahit ano siguro ang gawin ng anak ko, hindi ko siya kasusuklaman. At kung si Jen, knowing my daughter, na parang galing siya sa akin, hindi niya gagawin.
"At saka parang kahit ano ang gawin ko, kasi lahat naman tinanggap niya. Yung pagiging single mother ko lang, wala akong quality time. Kung kailangan kong magtrabaho, so iniintindi niya. I guess, hindi siguro mangyayari."
Nabanggit din ni Jean na may eksena sila sa Ina, Kasusuklaman Ba Kita? na sasampalin niya si Jennica.
"Naku, oo, at kapag hindi ko naman siya sinampal nang bonggang-bongga, baka sabihin may favoritism ako. Alam nga ng lahat sa set na hindi ko pa siya nasasampal kaya sabi nila, 'O, kalimutan niyo na lang muna na mag-ina kayo.' Kaya pagsampal ko at pag-cut ni Direk, sabi ko, 'Honey, sorry.' Sabi niya, 'Mama, okey lang.'"
E, kung siya ang sampalin ni Jennica?
"Naku, parang ang sakit nun!" natatawa niyang sabi. "Uy, in real life, siguro ang anak ko na puwedeng magawa sa akin na masasaktan ako nang bonggang-bongga at hindi ko kakayanin, baka atakihin ako sa puso, yung murahin ako ng anak ko at saktan ako."
JEAN'S LOVELIFE. Seryosohang relasyon naman daw ang palaging nilu-look forward ni Jean Garcia. Kahit na marami na siyang pinagdaanan pagdating sa kanyang lovelife, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang aktres na makakahanap siya ng isang lalake na magmamahala sa kanya nang totoo at habambuhay.
"Seryoso naman, alam niyo naman 'yan," sabi niya. "Never naman na hindi nagseryoso and ipinagmamalaki ko naman 'yan, di ba? Kumbaga, kapag nagmahal ako, e, mahal talaga. Kaya kapag natapos, masakit naman talaga. Magiging honest naman ako. Pero siyempre, kailangan tayong mag-move on dahil unang-una, sanay na rin naman akong mag-isa at may mga anak akong dapat itaguyod.
"So, tayo lang nang tayo. Pero sa ngayon, parang magri-risk na naman ng another pagmamahal na hindi naman worth it, masyado naman yata akong masokista nun or martir nun, di ba? Sabihin na nating pantay na pagmamahal, pero parang mas masarap din naman yata na sa edad ko, mas mahal ako."
Natagpuan na ba niya ang klaseng pagmamahal na yun?
"Hindi pa! Parang ang hirap!" natatawang sabi ni Jean.
Hindi rin itinatanggi ni Jean na pangarap pa rin niyang makasal.
"Pinangarap ko rin naman po yun," aniya. "Kung hindi ibibigay, okey rin lang. Pero kung ibibigay, marami pong salamat. Pangarap naman nating lahat 'yan at gusto ko rin siyempre na magseryoso ba... Yung 'eto na, kasama mo na habambuhay at magiging tatay sa mga anak ko. Meron silang mga sariling tatay, pero meron silang pamilya na any time, buo at matatakbuhan nila. Lalo na si Jennica, she's getting older. Darating ang time, mag-aasawa rin siya. So, gusto ko rin naman na meron siyang matatakbuhan na nanay at tatay na magkasama talaga."
Open book ang maagang pagpasok ni Jean sa relasyon with Jigo Garcia, na kasamahan niya noon sa That's Entertainment. Ang naturang pagmamahalan ay nagbunga ng isang anak—si Jennica.
Pero nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang relasyon. Pagkatapos nito ay ilang relationships pa ang pinagdaanan ni Jean. Hindi pa ba napapagod si Jean emotionally after several failed relationships?
"Hindi mo naman masasabing napapagod. Siguro it's more on parang ayaw mo na lang ulit mangyari. Parang naging lesson na sa 'yo, di ba? Kaya nag-iingat ka na lang. At sa edad ko naman na ito, siguro naman, kailangan namang huwag na yung sugod na lang nang sugod. Kailangan din nating mag-isip at kailangan din mahalin natin ang sarili natin. I-prioritize ang happiness na hindi naman panandalian lang," saad niya.
Aminado si Jean na nakikipag-date siya ngayon. Nag-e-enjoy naman siya, pero hindi pa raw siya nagko-commit kahit na kanino.
"Siguro magko-commit lang ako sa isang tao na makikita kong magko-commit talaga. Hindi lang sa akin kung hindi sa buong family ko."
Non-showbiz daw ang nakaka-date ni Jean at natawa siya when asked kung sino.
"Iba-iba po, e! Actually, ine-enjoy mo lang kung may mag-i-invite sa 'yo to have lunch, to have coffee. Why not, di ba? So, mga ganung date-date lang. Si Jennica naman, meron naman siyang mga nakikilala."
Aminado rin si Jennica na mas maraming admirer ang nanay niya. Ano ang masasabi ni Jean dito?
"Sabi niya, di ba?" natatawang reaksiyon niya. "Hindi ko alam. Basta ako lang, usually may ipinapakilala ang mga kaibigan. So ako, open ako. Basta ang gusto ko lang, hindi naman kailangan na nasa isang relasyon. Unang-una, maraming trabaho at saka priority ko nga ang mga bata.
"Hindi naman kailangang nasa isang relasyon ako para maging masaya. So, umaano lang ako... parang I go out. May mga nakikilala ako. Natutuwa naman ako sa kanila. At natutuwa rin naman sila sa akin."
