At present, the upcoming lead of Panday Kids plays the role of Ding in Darna, where he formed a deep friendship with his Ate Marian Rivera.

 

Says Buboy Villar, "Mami-miss ko po si Ate Yan [Marian]. Aalis din kasi at magbabakasyon. Sabi naman niya na magpakabait ako at natutuwa siya at may bago akong show sa GMA-7. Mawala man daw ang Darna, magkikita pa rin naman daw kami sa GMA-7. Siyempre, nagkaiyakan kami pero konti na lang."

Photo: Noel Orsal

Nagkaroon na ng story conference ang bagong telefantasya ng GMA-7 na Panday Kids sa 17th floor ng GMA Network Center noong Lunes, Enero 18. Ang naturang proyekto, na pagbibidahan ng award-winning child actor na si Robert "Buboy" Villar, ay sa ilalim ng direksiyon ni Mike Tuviera at mula sa panulat ni Suzette Doctolero.

Bukod kay Buboy, present din sa story conference sina JC de Vera, Polo Ravales, Tirso Cruz III, Gelli de Belen, Pen Medina, Nanette Inventor, Marissa Delgado, Ryan Eigenmann, Jose Manalo, at Iza Calzado, na gaganap sa natatanging papel ni Maria Makiling.

Kasali rin sa cast ng Panday Kids sina Jolina Magdangal, Jackie Rice, Lovi Poe, at Marvin Agustin, na gaganap bilang si Lizardo. Pero wala silang apat sa story conference at nasa kanya-kanyang mga trabaho noong araw na 'yon.

Pinaka-excited si Buboy dahil sa kanya magmumula ang istorya ng Panday Kids, na TV spin-off ng original Panday story na isinulat ni Carlo Caparas. Maraming characters ang makakasalamuha ni Buboy rito bilang si Oliver.

Abot hanggang tenga ang mga ngiti ni Buboy dahil nabigyan na siya finally ng magandang break ng GMA-7 pagkatapos niyang lumabas sa mga sumusunod na GMA-7 primetime series: Super Twins, Impostora, Zaido: Pulis Pangkalawakan, Dyesebel, LaLola, Zorro, at Darna.

"Siyempre po, natutuwa ako sa bigay na ito ng GMA-7 sa aming lahat. Hindi lang naman po ako ang bida rito kasi marami po kami. Lahat po kami rito ay bida at gagawin naming maganda ito para sa mga Kapuso," nakangiting sabi ni Buboy sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Hindi na nga matatawaran ang kasikatan ni Buboy dahil bukod sa kanyang pagiging busy sa TV at pelikula, may mga product endorsements pa siya. Pinakabago ang TV commercial niya para sa isang chocolate cupcake.

"Sinusuwerte lang po tayo," ngiti niya. "Lahat naman po 'yan ay galing kay Lord. Basta kapag may bagong trabaho, nagpapasalamat po ako kay Lord kasi napakabait Niya po sa pamilya ko. Hindi po Niya kami pinapabayaan."

Excited na si Buboy na masimulan ang taping ng Panday Kids. Maganda raw kasi ang costumes at gagawa raw ng malalaking set para sa mga eksena nila.

"Marami nga pong special effects ang Panday Kids kaya gusto ko na pong simulan. Maghintay lang daw po ako kasi malapit na kami magsimula," sabi niya.