"Walang-wala kaming problema ni Meryll, masayang-masaya kami. Ang masasabi ko lang, kung sinuman ang nagsasabi na break na kami o kung ano ang pinagdadaanan namin, nagkakamali sila. Okey na okey kami ni Meme [palayaw ni Meryll]," says Joem Bascon (in photo) about his relationship with girlfriend Meryll Soriano.

Photo: Noel Orsal

Ayon kay Joem Bascon, ang role niya sa Nurserye na Habang May Buhay ang itinuturing niyang "meatiest and most challenging role" na ginampanan niya in his showbiz career, so far.

"Ito na yung pinakamalaki at big break ko talaga sa primetime teleserye," sabi niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Ito yung pinakamahaba at pinakamahirap na nagawa ko as of now. Ito na yun, itong-ito na. 

"Ako dito si Raon, kababata ko si Juday [Judy Ann Santos] na nakakaalam ng lahat ng sikreto sa buhay ni Derek [Ramsay], nila Ms. Tetchie [Agbayani], ni Ms. Rio [Locsin], ni Sir John [Arcilla]. So lahat-lahat ng characters dito, ako ang nakakaalam ng background nila, ng sikreto nila sa buhay. Isa ako sa mga lalake sa buhay ni Juday, ni Jane Alcantara."

Ipinahayag din ng aktor ang kanyang kasiyahan sa pagkakasama niya sa naturang primetime series at maging isa sa leading men ni Judy Ann Santos.

"Alam ninyo, sobrang natutuwa ako na maka-work si Juday dahil hindi lang sa mabait siya kundi ang dami kong natututunan sa kanya bilang isang magaling na aktres. Hindi siya yung nagbibigay ng aral, pero pag kaeksena mo siya, ang dami mong natututunan talaga sa kanya. Kusa yun na hindi mo napapansin na, 'Ay, yun na pala ang natutunan ko!' Parang ganun," saad ni Joem.

Mahigit dalawang taon ang hinintay nila bago naipalabas ang Habang May Buhay, na nabalita pa nga noon na na-shelve na raw nang tuluyan. Pero sinabi ni Joem na hindi sila nagkaroon ng pangamba  dahil every now and then ay kinakausap naman daw sila ng management at sinisigurong matutuloy ang proyekto.

"Tulad nga ng sinabi ni Ms. Linggit Tan [Entertainment Head ng ABS-CBN] na kinakausap naman niya kami from time to time kung bakit nade-delay. Kasi nga, medyo ingat sila kasi ibang klase itong soap na ito. Medyo mag-a-adjust kami from time to time sa mga eksena, sa work, so kaya medyo natagalan. Right now, more than half na ang na-can namin. Patapos na kami ng last scripts, so okey na okey na talaga," pagtiyak niya.

MERYLL SORIANO. Hindi naman itinatanggi ni Joem ang relasyon nila ng aktres na si Meryll Soriano, pero kamakailan ay may lumabas na balitang nagkakalabuan na raw sila. Mariin naman itong itinanggi ni Joem sa PEP.

"Hindi totoo 'yan, natatawa naman ako!" sambit ng aktor. "Gagawan at gagawan ka talaga ng isyu, nanahimik man kayo o open kayo sa publiko.  Walang-wala kaming problema ni Meryll, masayang-masaya kami. Ang masasabi ko lang, kung sinuman ang nagsasabi na break na kami o kung ano ang pinagdadaanan namin, nagkakamali sila. Okey na okey kami ni Meme [palayaw ni Meryll].

"Kahit naman kaninong relasyon, walang perfect relationship na matatawag. Pero yun nga ang masaya sa isang relasyon, nagta-try kayong maging perfect in spite of your imperfections."

For Joem, advantage talaga na kahit na binuksan nila sa publiko ang totoong estado ng kanilang relasyon ni Meryll ay nandun pa rin ang pagiging pribado nila sa maraming aspeto.

"Hindi naman kasi kami showbiz na couple, hindi kami showbiz na tao. At yun ang pinanghahawakan namin, yung pagiging private talaga ng relasyon naming dalawa. 'Saka kahit noon pa man, kahit hindi ko pa girlfriend si Meme, hindi naman ako naging open sa mga naging karelasyon ko, mapa-showbiz man o non-showbiz. Madamot talaga kasi ako pagdating sa pribadong buhay ko," saad niya.

May mga usap-usapan na may mood swings daw si Meryll, na minsan ay mahirap pakibagayan ng ibang tao, dala na rin siguro ng pagiging isang artist nito. Pero sa kaso ni Joem, nasasakyan daw niya ang mood swings ng girlfriend at tanggap niya ang buong pagkatao nito.

"Basta masaya ako kay Meme, wala akong problema sa kanya. Kahit ano pa 'yan, tanggap ko talaga nang buung-buo," sabi niya.