Pagkatapos ng Are You The Next Big Star?, ang talent search ng GMA-7 na hinu-host ni Regine Velasquez, hindi nagtagal ay nabigyan agad si Jay Perillo ng bagong show—ang BandaOke Rock & Roll to Million, na hinu-host nina Jaya at Allan K. Dito ay kasama rin ni Jay ang dalawang winners ng The Next Big Star na sina Geoff Taylor at Frencheska Farr.
Enjoy raw si Jay sa ginagawa nila sa BandaOke.
"Noong una, parang nangangapa pa po," sabi niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Pero siyempre, music, sobrang masaya ako and it's my first band experience. Kaya noong una, parang nangangapa pa po ako. Pero ngayon, sobrang saya na. Like nilu-look forward na namin every week yung magte-taping kami. 'Magte-taping na, excited na!' Parang ganun. Kasi, masaya talaga ang nangyayari every episode namin."
GEOFF & FRENCHESKA. Kahit tapos na ang The Next Big Star, hindi pa rin maiwasang maikumpara sina Jay at Geoff. Pero para kay Jay, walang kumpetisyon sa kanilang dalawa.
"Ano naman po, e, may kanya-kanya naman po ang mga tao. For example po, may mga taong ang gusto nila si Geoff, meron din naman po na ang gusto, sa akin. Pero ako po, personal, nagagalingan po ako kay Geoff."
Ayon kay Jay, wala raw pumuporma sa kanila ni Geoff kay Frencheska.
"Parang batang kapatid po namin si Frencheska. Kahit noong Big Star po, parang kami na ang kuya niya, e," sabi niya.
Tinanong namin si Jay kung sa palagay niya ay nakakatulong ang presence nila sa BandaOke since pinalitan ng kanilang programa ang All Star K, na ilang taon ding namayagpag sa ere.
"Feeling ko naman po, so far po, based sa mga naririnig namin, okey naman po," sagot ni Jay. "Yung mga viewers po na nakakausap ko, like for example meron akong out-of-town show at natatanong kung nanonood sila ng BandaOke, nanonood naman sila at yun nga, nag-e-enjoy sila sa show. Kasi yung format ng All Star K, halos ganun siya, game pa rin siya. Pero yun nga, meron nang theme na rock. Tapos, yung mga supporters namin, natutuwa sila dahil nandun kami. So, parang feeling ko, okay naman po."
Kung dati medyo ilang pa raw sila sa dalawang main hosts ng BandaOke na sina Jaya at Allan K, ngayon daw ay mas relaxed at nakaka-bonding na rin nila ang mga ito. Kuwento nga ni Jay, minsan daw ay tumatambay sila sa bahay ni Allan. Marami rin daw silang natutunan sa dalawa.
"Yung pagiging professional po nila pagdating sa trabaho, na minsan po kahit alam naman nating sobrang busy sila, pero kahit inaabot na kami ng anong oras dito sa taping, makikita mo po yung pagiging professional sila. Nagagawa pa rin nila nang maayos. Parang hindi mo makikitaan na napapagod sila, palagi silang nakangiti, which is good kasi kaming mga bago, nakikita namin sila as example talaga," saad niya.
STILL LUCKY. Masaya rin daw na kahit hindi siya ang nanalo, meron pa rin siyang shows sa GMA-7.
"Sobrang thankful lang po ako," sambit ni Jay. "Tulad nga po ng sinabi ko dati, nagpapasalamat lang ako, hindi ako humihiling. Ngayon, doble-doble ang pasasalamat ko. Sobrang itong 2010, sobrang suwerte po talaga."
Bukod sa BandaOke, kasama rin si Jay sa Aga Muhlach-Regine Velasquez movie na Of All The Things ng Viva Films. Nangiti ito nang kamustahin namin sa kanya ang movie at kung kailan ba ito maipapalabas since ang original playdate sana nito ay sa Valentine's Day.
"Basta ang alam ko lang po, ipapalabas po siya ng February. Yun ang as far as I know. Meron pa pong mga ginagawa pa po, pero as far as I know nga po, February po yung showing," sabi ni Jay.
