Kung biglang nagpaalam si Mark Anthony Fernandez noon sa Darna, ngayon naman ay nakahanda na ang susunod niyang primetime series, ang Diva, kunsaan ay makakasama niyang muli ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez.
"Nandito na kami ngayon sa story con, so, coming soon na talaga. Composer po ako rito. Tagagawa ng kanta," kuwento ni Mark.
Kung matatandaan, ang napipintong surgery niya para ipatanggal ang cyst sa dibdib ang naging dahilan ng pagpapaalam muna niya sa Darna.
"Okey na siya. Ang ginawa, hindi na siya kinailangang operahan, injection-an lang. Parang namuo lang siyang taba, so, injection na lang sa Belo [Medical Group]."
STIGMA. Aware naman daw si Mark na ikinakabit agad ang isyu ng drugs sa kanya nang magbitiw siya sa Darna.
Aniya, "Expected ko naman na if I'll do anything wrong, kung sumablay ako nang konti anywhere, magkakaroon sila ng chance na isipin, di kasi nga, may stigma na. Pero, no..."
Mukhang ang panganay na anak ni Mark na si Chelsea, 10, ay nagkakahilig ding sumali sa showbiz. Pero ayon kay Mark, kapag medyo malaki na raw siguro ito. Nagbiro pa itong kapag 30 years old na lang daw.
"Ang pagkakaalam ko naman, hindi naman yata niya gustong mag-artista, ang gusto niya yata ay maging singer."
CLAUDINE. Pagdating naman sa kanyang ex-girlfriend na si Claudine Barretto, very much aware si Mark na galit daw sa kanya ito dahil sa naudlot nilang balik-tambalan. Dahil sa di pagsipot ni Mark sa mga meetings, di na muna itutuloy ang pelikula.
"Dahil din sa mga schedule, nagkakasabay-sabay. Tapos di nga, medyo nagalit nang konti sa akin si Claudine. Pero ako, hoping ako na talagang matuloy kasi di nga rin, everybody's goal naman is to work with Claudine Barretto."
Si Claudine naman ay may sisimulan nang drama series sa Kapuso network.
Aniya sa Startalk, "Yes, meron na akong sisimulang drama series, weekly show siya. Kumbaga, iba-ibang mga episodes every week at saka siyempre, may teleserye at iba pang TV shows na aabangan."
Dugtong pa niya, "Ang tagal ko nang hindi nagdadrama kaya I'm very excited at siyempre, masayang-masaya dahil sa pag-welcome sa akin ng GMA at ng SOP."
Nang tanungin naman si Claudine tungkol sa di natuloy na project with Mark Anthony, ang bukod-tanging naging sagot ng nakangiting aktres ay, "Bye..."
