"Pagbalik ko dito, talagang dalawang kamay nakabukas. Tinanggap ako, hindi lang ng management kundi pati ng mga artista at buong production," says Bayani Agbayani about his return to GMA-7.

Photo: Noel Orsal

Sunud-sunod ang TV projects ni Bayani Agbayani sa GMA-7 simula nang bumalik siya sa Kapuso Network matapos ang ilan taon ding pagtatrabaho sa ABS-CBN. Ang latest project nga niya ay ang bagong youth-oriented teleserye na First Time na pinagbibidahan ng mga young stars na sina  Joshua Dionisio, Barbie Forteza, at Jhake Vargas.

"Ang maganda kasi, dito talaga planado, e, kung saan ka papunta, kung saan ka patungo. Kung ano ang dapat mong gawin, dapat kang magpapayat dahil may gagawin kang ganito, may gagawin kang ganyan.

"Isipin mo, ngayon pa lang meron na akong First Time, may SRO Meet The Fathers, may daily show, may isa pang show na pambata—apat na kaagad! Ano pang hihilingin mo sa GMA? Pagbalik ko dito, talagang dalawang kamay nakabukas. Tinanggap ako, hindi lang ng management kundi pati ng mga artista at buong production," pagmamalaki ni Bayani nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa grand presscon ng First Time last February 1 sa Studio 6 ng GMA Network.

Maayos ba ang naging paalam niya sa ABS-CBN?

"Oo," sagot niya. "Nagpaalam ako kay Tita Cory Vidanes [ABS-CBN executive], kay Direk Bobet [Vidanes]. Nagpaalam naman ako at pinayagan naman nila ako. Mas maganda kasi wala kang sinasabing masama against any network, e."

NO HARD FEELINGS. Wala ba siyang sama ng loob sa ABS-CBN kaya siya lumipat?

"Wala, kasi talagang ganyan, e. Kung minsan maraming trabaho, kung minsan wala. Pero syempre, bilang artista kailangan humanap ka kung saan ka magkakaroon ng trabaho. Kasi may binubuhay kang pamilya. And besides, marami pang ideas na alam kong higit ko pang maibibigay sa mga tao para makapagpasaya. At marami pa akong puwedeng ipakita sa tao na hindi ko pa naipapakita sa pag-stay ko sa kabilang network," saad ng komedyante.

Totoo ba na nakasamaan niya raw ng loob si Willie Revillame kaya siya lumipat sa GMA-7?

"Hindi," tanggi niya. "Yung sa amin ni Willie, matagal nang naayos yun. Ang talagang dahilan, siyempre, kailangan mo ng trabaho. At ako, naniniwala na bata pa ako at marami pa akong maipapakita.

"Salamat sa GMA at binuksan nila ulit yung pinto nila sa akin. Kasi dito naman talaga ako galing, e. Ang Bayani Agbayani, galing 'yan kay Ma'am Wilma Galvante. Dito ako nagsimula sa production. Hanggang dito ako nagsimulang mag-artista. Kaya dapat siguro dito na rin ako tumanda."

Sinabi niyang sa GMA-7 na siya tatanda, ibig sabihin ba nito ay hindi na niya kailanman iiwan ang Kapuso?

"Oo, awa ng Diyos. Kasi dito ako nag-umpisa, gusto ko dito ko na rin ibigay ang lahat ng nalalaman ko sa likod at sa harap ng camera. Yun na ang gusto kong mangyari sa buhay ko ngayon. Kasi puwede naman ako sa production, puwede ako kahit hindi na ako artista."

Ibig bang sabihin nito hindi niya nailabas yung galing niya off-cam sa ABS-CBN?

"Nung mag-artista kasi ako sa kabilang network, hindi naman ako nag-production, e. Dito kasi, nag-production ako at nag-artista ako. So, kung may babalikan man ako sa production, palagay ko dito ko na ibubuhos ang lahat."