"Nababasa ko na po na ako nga raw ang napiling pumalit, pero hindi po ako naniwala kasi marami nang beses na may ganoong nangyayari, na kasama daw ako sa ganoong show, pero hindi naman po natutuloy. Kahit po nung sabihin na sa akin ng handler ko at may mga nag-congratulate na sa akin, hindi pa rin ako naniwala," says Paulo Avelino about replacing JC de Vera in Panday Kids.

Photo: Noel Orsal

"I'm happy and I feel blessed," sagot ni Paulo Avelino nang tanungin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang nararamdaman niya na siya ang pinili ng GMA Network at production staff ng Panday Kids na pumalit kay JC de Vera sa naturang fantaserye.

Nakausap ng PEP si Paulo sa pocket presscon na ibinigay ng GMA Artist Center sa kanya kahapon ng tanghali, March 9, sa Executive Lounge ng GMA Network Center. 

Si Paulo ay produkto ng StarStruck IV, kung saan ang mga nanalo ay sina Aljur Abrenica, Kris Bernal, Mart Escudero, at Jewel Mische. Ano ang feeling ni Paulo na mukhang siya na ang susunod na ibi-buildup ng kanyang home network?

"Masaya and thankful," nakangiting sabi niya. "Nakatutuwa po na napapansin na ang maliit kong kakayahan na ipinakikita sa bawat project na gawin ko. But at the same time, may halo rin pong nerbiyos dahil ang laki ng expectation nila sa akin dahil sa laki ng role na iniwanan ni JC. But I'm working hard at ito na ang chance ko na magpakitang-gilas. Four times a week po ang taping namin at kailangan ko ring mag-training at mag-workout for the role."

Kaya na ba niyang magpakita ng katawan at abs tulad ni JC?

"Konti pa po, six small abs pa lang po!" natatawang sabi ni Paulo.

REPLACING JC. Paano niya nalaman na siya ang napiling pumalit kay JC?

"Nakakatawa nga po, I'm the last to know," sabi ni Paulo. "Nababasa ko na po na ako nga raw ang napiling pumalit, pero hindi po ako naniwala kasi marami nang beses na may ganoong nangyayari, na kasama daw ako sa ganoong show, pero hindi naman po natutuloy. Kahit po nung sabihin na sa akin ng handler ko at may mga nag-congratulate na sa akin, hindi pa rin ako naniwala.

"Naniwala lang ako nang tawagan na ako ni Ms. Helen Sese [executive producer ng Panday Kids] at sinabing ako nga raw ang papalit kay JC at magte-taping na raw ako. So far, nakadalawang taping days na po ako at papasok ang character ko sa week four. Baka sabay kaming papasok ni Jackie [Rice] na siya partner ko dito."

Paano itinuloy ang character ni JC as Aureus sa role niya?

"Alfred po ang name ko talaga dito. Hinahanap ko ang kapatid ko na kinuha ng sindikato. Ang nailigtas ko, si Fatima [Rich Asuncion], pero nabaril ako at nag-50-50 ako sa hospital. Doon po sumanib ang kaluluwa ni Aureus sa akin at nabuhay ako, pero si Aureus na ako," kuwento niya.

Biruan tuloy, ang dali talagang gawan ng changes ang isang character sa isang telefantasya na gaya ng Panday Kids.

Nagkita o nagkausap na ba sila ni JC tungkol sa pagpasok niya sa Panday Kids?

"Hindi pa nga po. Gusto ko nga sana siyang makita para magpasalamat at humingi rin ng ilang pointers. Hindi ko po alam kung magkikita pa kami sa taping dahil hindi ko alam kung tapos na ang taping niya," sabi ni Paulo.

Nagpaalam na si JC sa Panday Kids dahil sa napipinto niyang paglipat sa TV5.