Rochelle gets to sing and dance in season 26 of Daisy Siete, but half the time as a guy! Photo shows Rochelle in both guises as twins Rochelle and Andrew.

 

Pinabulaanan ng SexBomb Girl na si Rochelle Pangilinan ang balitang aalis na siya sa poder ng kanyang manager na si Joy Cancio dahil gusto niyang magpa-manage sa isang executive ng GMA-7.

"Para naman yatang hindi mangyayaring iwan ko si Ate Joy," diin ni Rochelle.

"Marami na kaming pinagdaanan ni Ate Joy at ng SexBomb. Sa simula pa lang, kami na ang magkakasama. Noong mawala kami before sa Eat Bulaga!, magkakasama pa rin kami at walang iwanan. Kumbaga, tried and tested na ang samahan naming lahat.

MANAGER IS A JOY. Masaya daw siya sa nangyayari sa career niya sa ilalim ng Focus Entertainment, Inc. ni Joy Cancio.

"Hindi ako nawawalan ng trabaho. At kapag may request ako kay Ate Joy, tulad noong gusto kong gumawa naman ng primetime na show, nagawa naman niya.

"Kaya walang rason at walang dahilan para iwan ko siya. Kung kilala kami ng kung sinuman na nagsulat niyan, alam niya na more than magkakapatid pa ang turingan namin. Para ko nang pangalawang ina si Ate Joy. Lola na nga ang tawag namin sa kanya, e.

"Kung ano man ang narating ko ngayon, utang na loob ko 'yan kay Ate Joy at sa Focus E. Kaya mali ang nasulat na 'yan at mali ang nakuhang tsismis ng nagsulat na 'yan. Obvious na hindi niya alam ang magandang samahan namin ni Ate Joy."

BOND BEYOND CONTRACTS. Sa katunayan, magpipirmahan na nga ulit sila ng kontrata sa Focus E.

"Sa totoo lang, hindi na nga kailangan ng kontrata sa amin ni Ate Joy. Kumbaga, ang loyalty ko kay Lola ay higit-higit pa sa inaasahan ng maraming tao.

"Yung kontrata kasi, parang formality lang naman since may opisina nga si Ate Joy at business iyon, e. Kailangan ng mga papers talaga. Pero kung sa akin lang, wala nang ganyang kontrata dahil alam naman niyang hindi ko siya iiwan.

"Minsan nga hindi ko na tinatanong ang tungkol sa kontrata. Basta sasabihan na lang niya ako na mag-renew na kami ng contract. Walang problema sa akin iyon."

DUAL GENDER ROLES. Sa season 26 ng Daisy Siete, titled Adam Or Eve, gaganap bilang kambal si Rochelle. Gagampanan niya ang roles na Rochelle at Andrew. First time na dual role ang gagawin ni Rochelle at iyong isa'y lalake pa.

Panibagong challenge daw ito para sa kanya. Kuwento niya, "Yung babae kasi na si Rochelle ay pinalaki ng istriktong tiyahin niya sa probinsya at member siya ng isang choir sa simbahan. Yung lalake naman na si Andrew ay inampon ng tiyuhin namin na taga-Maynila at naging member ng isang bagong rock band.

"Sa hindi inaasahan na pangyayari, ilang araw bago ma-launch ang banda nila ay naaksidente si Andrew. Doon na papasok si Rochelle at magpapanggap siyang Andrew para lang matuloy ang banda. From there ay kung anu-ano na ang nangyari para lang ma-convince ni Rochelle ang band members na siya si Andrew."

Ang leading man dito ni Rochelle ay ang Are You The Next Big Star? winner na si Geoff Taylor. Kasama rin sa cast sina Ian de Leon, Malu Barry, Yayo Aguila, Ramon Christopher, Gian Magdangal, Lito Calzado, Presley Bellini, at ang bagong girl group ng Sony BMG na Daisies na binubuo nina Daisy Green, Daisy Blue, Daisy Pink, Daisy Yellow at Daisy Lavender.