"Ito naman yung na-realize ko, na decent talaga ako pagdating sa relationship. Pati yung mga barkada ko na girls, since high school, sila yung mga best friends ko na matagal ko nang kakilala. So, same with guys, na it takes time and you can't rush me. It takes time, lots of time, kasi multi-layered din akong tao. Ibig sabihin, parang sibuyas na isa-isang pini-peel, ang daming layers. So, it takes time to get to know me," says KC Concepcion.

Photo: Noel Orsal

Puno ng sigla si KC Concepcion sa launching ng kanyang second album simply titled KC under Sony Music, na ginanap kahapon, April 14, sa Hard Rock Café Makati.

Kumanta si KC ng tatlong songs kabilang na ang carrier single niyang "Not Like The Movies," na sinulat ng international composers na sina Jaye Muller at Ben Patton. Inawit din ni KC ang isa sa tatlong kantang sinulat niya para sa album, "Magandang Umaga." "Takipsilim" at "Worth The Wait" ang titles ng mga sinulat pa niyang kanta.

Bukod pa riyan nag-co-produce pa si KC with Jinno Mina sa apat na tracks sa album, ang "Hulog," "Naantig Ako Sa 'Yo," "Girl Most Likely To," at "Tayo Na."

Ang iba pang mga kanta sa all-original album na ito ay kinabibilangan ng "Di Bale Na," "After The End," at "Breathe You."

Ayon kay KC, kumpara sa kanyang Platinum-selling debut album na a.k.a. Cassandra na binubuo ng variety of musical genres, dito sa bago niyang album ay mas nag-concentrate siya sa pop sound, lalo na't pawang love songs ang laman nito.

After ng mini-performance at question and answer portion ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si KC.

"Sa album kasi na ito, it's all-original songs, so three songs I wrote. Very personal and siguro mas sensitive, mas romantic, mas inspiring, mas siya sa pumapasok sa isip ng girl na hindi naman niya masabi because our society says you have to be coy. Nagpapakatotoo lang ako dito sa album na ito talaga. I guess yun ang number one pinaka-bottomline ng album na ito," paglalarawan ni KC sa kanyang bagong album.

LOVE TALK. Dahil nga mostly love songs ang laman ng album niya kaya hindi pinaligtas ng press si KC sa mga tanong tungkol sa pag-ibig at sa kanyang lovelife.

Kailangan ba ng inspirasyon pag magsusulat siya ng love songs?

"Wala naman po," sagot ni KC. "Ano lang siguro yung mga pinagdadaanan lang ng isang babae, in general. Parang yung mga naiisip lang ng mga babae. Yung 'Takipsilim' nga po nagsimula yun sa PA [production assistant] ko, e. Yung boyfriend niya kasi, dating seaman. So, nakikita ko yung 'pagluluksa' niya, yung kalungkutan niya. Minsan po naa-affect ako ng mga taong nakapaligid sa akin."

So, experience ng iba ito at hindi sa kanya?

"Sa akin din po. Kasi may mga times din naman na inspired din talaga ako."

May inspirasyon ba siya ngayon na may pusong involved?

"Opo naman. I've been meeting people here and there," aniya.