"Gusto ko pong kumita ng malaki, gusto kong yumaman. Gusto ko pong patunayan na kaya kong buhayin ang sarili ko at gusto ko ring matulungan ang Mama ko dahil may sarili na rin siyang pamilya, at ang lola ko nga," says Diva Montelaba.

Photo: Noel Orsal

Isa sa intrigang ipinupukol ngayon sa StarStruck V First Princess na si Diva Montelaba ay nagbago na raw siya. Kaya ito ang unang itinanong sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling press sa pocket interview na ibinigay ng GMA Artist Center para sa kanya sa Souvenir Room ng GMA Network Center Annex last Monday, May 24.

Nagbago na nga ba ang Cebuana beauty?

"Siguro po, nagbago na nga ako," pag-amin ni Diva. "Nagbago po ako, pero hindi totoong lumaki na ang ulo ko, na part yata ng paninira sa akin ng mga friends ko from Cebu. Siguro po dahil hindi na ako tulad ng dati, na konting intriga, umiiyak na ako. Ngayon, hindi na ako umiiyak, lumalaban na ako, ipinagtatanggol ko na ang sarili ko. 

"Yes, nagbago na po ako. Mas maputi na ako ngayon!" biro niya. "Hindi po ganito ang kulay ko noong dumating ako ng Manila from Cebu. Yes, nagpapa-body scrub po ako."

Sabi naman ng mga kaharap ni Diva, tama lang 'yon at pinuri nila ang pantay na kulay at pinong skin ng dalaga.

BUSY EVEN WITHOUT MANY PROJECTS. More than three months na mula nang ganapin ang grand finals ng StarStruck V. Sa ngayon, maliban sa Party Pilipinas, wala pa siyang ibang regular show. Hindi ba siya naiinip na wala siyang masyadong ginagawa?

"Hindi naman po," sagot ni Diva. "Dahil ang totoo, busy rin po ako, kami ng mga kasama ko sa StarStruck V, dahil sa workshops namin. Kahit po ang rehearsals namin sa Party Pilipinas, inaabot din po ng three days hanggang sa actual show ng Sunday."

Paano ang gastos niya, nakakaya ba naman ito ng suweldo niya?

"Opo," sagot ni Diva. "Nakatira po kami ng Mama ko sa isang apartment sa Quezon City. Bale P11,000 po 'yon plus tubig at kuryente. May mga TV guestings naman po ako at out-of-town shows. Kung minsan nga, nakakapagpadala pa ako sa lola ko sa Cebu para makatulong naman ako sa kanya. May sakit po siya. Baka papuntahin ko siya dito para maipa-checkup kung may breast cancer siya."

Ano ang balak niyang gawin ngayong heto na at tuluy-tuloy na ang pagpasok niya sa showbiz?

"Gusto ko pong kumita ng malaki, gusto kong yumaman," seryosong sagot ni Diva. "Gusto ko pong patunayan na kaya kong buhayin ang sarili ko at gusto ko ring matulungan ang Mama ko dahil may sarili na rin siyang pamilya, at ang lola ko nga."

ESTRANGED FATHER. Nakumusta rin kay Diva kung may communication na sila ng father niya.

"Wala po," sabi niya. "Pero lately, nagti-text siya sa akin, nagso-sorry, nagsisisi na raw siya. Hindi po mababayaran ng pera ang mga pagkukulang niya sa akin. Ni hindi ko po siya nagisnan.

"Sixteen years old ako nang ma-trace ako ng mga kapatid niya dahil nasa Dumaguete po siya noon at ako naman, nagho-host na ng mga show ng GMA Network sa Cebu. Dinala po nila ako sa Dumaguete. Pero nang magkakaharap na kami ng tatay ko, bigla po akong tumakbo kaya hindi ko siya nakilala. Ang sakit po noong hindi siya nag-effort na hanapin ako," kuwento ni Diva.