Isang bonggang press launch ang ibinigay ng GMA-7 para sa bagong primetime series nilang Pilyang Kerubin kagabi, May 31, sa Studio 5 ng GMA Network Center. Ito ang papalit sa timeslot ng magwawakas na ngayong linggo na Panday Kids simula sa June 7. Tampok dito ang tambalan nina Barbie Forteza at Joshua Dionisio, na huling napanood sa katatapos lang din na First Time.
Pagkatapos ng presentation ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Barbie. Ayon sa 12-year-old actress, hindi mawawala ang pressure sa pagsisimula ng kanilang bagong palabas. Idagdag pa rito ang pagbibigay sa kanya ng title ng GMA-7 bilang "New Primetime Princess."
"Siyempre po, nandun ang pressure. Hindi naman po mawawala yun. Pero siyempre po, ibibigay namin ang best namin dito para po mapasaya namin ang mga viewers. Pero siyempre po, habang nandiyan ang suporta ng pamilya ko at mga artistang kasama ko, lalo na nila Direk [Andoy Ranay], e, nilalakasan ko po ang loob ko," saad niya.
Ayon pa kay Barbie, ibang-iba ang atake niya sa bago niyang role dito sa Pilyang Kerubin kumpara sa naging character na ginampanan niya sa First Time.
"Medyo tomboyish po kasi ako dito. Sorang pagbabago ang ginawa namin. Sa First Time po kasi, mahinhin ako. Pero dito po kasi, magalaw ako. Lahat ginagalaw n'yo po!" natatawa niyang sabi.
Ano pa ang mga kapilyahang ginawa niya?
"Yun nga po, lahat ng action ko, kahit malungkot ako, kailangan may galaw pa rin ako. Lahat ng sinasabi ko kailangan may actions. Hindi naman po ako mami-misinterpret kasi tinutulungan naman po ako ng director namin at mga kasamahan sa set."
ELMO IN, JHAKE OUT. Kung sa First Time ay si Jhake Vargas ang "ka-love triangle" nina Barbie at Joshua, dito sa Pilyang Kerubin ay hindi na nila makakasama si Jhake. Imbes ay ang young rapper na si Elmo Magalona na ang kasama nila.
Ano ang pakiramdam ni Barbie dito?
"Malungkot na excited," sagot niya. "Malungkot na excited kasi nga, simula Stairway [to Heaven], kasama namin si Jhake. Masaya rin kasi may bago na kaming makakasama."
Ano ang pagkakaiba ng first impression niya noon kay Jhake sa first impression niya ngayon kay Elmo?
"Si Jhake po, ang first impression ko noon, tahimik. At tahimik naman po pala talaga. Ito pong si Elmo, tahimik, pero simula na yung pagkakulit niya. Pero wala na pong mas titindi pa sa kulit ni Joshua!" natatawa niyang sabi.
Nalulungkot din ba siya na hindi na nila kasama si Jhake ngayon?
"Opo, siyempre sanay ako na si Jhake ang nandiyan. Pero kahit na naninibago ako kay Elmo, mukhang makakasundo namin siya dahil mukhang makulit din. Sa dressing room pa nga lang po, ang kulit-kulit na namin, e," sabi ni Barbie.
JHAKE-DIREK ANDOY ISSUE. Si Andoy Ranay pa rin ang direktor nila ngayon sa Pilyang Kerubin. Pagkatapos ng intriga sa pagitan nina Jhake ay Direk Andoy, may pag-iingat na ba silang ginagawa ngayon dito sa Pilyang Kerubin?
"Hindi naman po. Mabait po si Direk Andoy. At saka wala po kaming alam dun. Nasa standby area po kami noong mangyari yun," sagot ni Barbie.
Ano ang naging reaction niya noong mabalitaan nila ang isyu?
"Hindi po kami makapaniwala na nangyari yun. Kasi, hindi naman po ganun si Direk," sabi ni Barbie.
Hindi rin naman daw nila napag-uusapan sa set ng Pilyang Kerubin ang nangyaring insidente. Sabi pa ni Barbie habang natatawa, "Pilya po kaming lahat sa set!"
Pero lahat daw silang naging bahagi ng First Time ay nalungkot dahil nabahiran pa ng intriga ang show nila kung kailan papatapos na ito noon.
"Malungkot po kasi matatapos na nga ang First Time noon, dadagdagan pa ng intriga. Pero hindi po namin napag-usapan yun kasi masyado rin naman pong delikado saka personal para pag-usapan po namin," pagtatapos ni Barbie.