Edward dela Cruz (main photo), younger brother of actress Angelika dela Cruz (inset), died in a vehicular accident this morning, June 7.

Photo: Wally Gonzales/YES! (Edward) & Noel Orsal (Angelika)

Kumalat ngayong umaga, June 7, among showbiz people ang balitang namatay na ang kapatid na lalake ni Angelika dela Cruz na si Edward dela Cruz dahil sa vehicular accident. Kinumpima ng ilang tao ang balita sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ngunit wala pa silang malinaw na detalye tungkol sa pagkamatay ni Eduard dahil hindi pa raw makausap si Angelika at iba pang miyembro ng kanilang pamilya.

Nang makarating sa amin ang balita ay ilang beses sinubukang tawagan ng PEP si Angelika sa kanyang cell phone, pero hindi ito sumasagot. Tinawagan din namin ang opisina ng talent management ni Angelika na PPL Entertainment para alamin ang totoong nangyari, pero hindi pa raw sila makapagbigay ng malinaw na impormasyon dahil inaalam pa rin nila ang mga detalye.

Hindi pa rin daw nakakausap ng mga tauhan ng PPL si Angelika noong mga oras na yun. Nagpasabi lang daw ang aktres sa handler nito na kanselahin muna ang lahat ng schedules niya for today, kabilang na rito ang taping niya para sa bagong primetime series ng GMA-7 na Pilyang Kerubin.

Pero kaninang pasado ala-una ng hapon ay isang text message ang natanggap ng PEP mula kay Angelika, na nagsilbi na ring official statement ng kanilang pamilya. Narito ang pahayag ni Angelika:

"Sa mga oras na ito ay labis po ang aming kalungkutan sa biglaang pagpanaw ng aking kapatid. Hindi pa po kami makapaniwala at matanggap ang pangyayari. Nagpapasalamat po ako sa mga taong nakikiramay at gustong malaman ang buong pangyayari. Pero sana po ay maintindihan niyo po ang aking pakiusap, gayundin ng buo kong pamilya lalo na sa mga kaibigan natin sa media na kung maaari, ibigay niyo po muna sa amin ang araw na ito. Maraming salamat po."

Pero ayon sa initial report na nakarating sa PEP, sa NLEX sa may bandang San Simon, Pampanga naganap ang aksidente. Base sa kuwento, na-flat daw ang gulong na minamanehong sasakyan ni Edward kaya pumarada siya upang palitan ang gulong. Nang pabalik na siya sa loob ng kanyang sasakyan ay may isang delivery truck daw ang dumaan at nahagip si Edward.

Dead on arrival na raw si Edward nang dalhin sa pinakamalapit na hospital. He was 28.

Ipinanganak si Edward noong December 2, 1981. Siya ay isa sa nakababatang kapatid ni Angelika; ang dalawa pa ay sina Erick at ang child actress na si Mica dela Cruz (T2).

Minsan ding sinubukan ni Edward ang showbiz sa pamamagitan ng pagiging bokalista ng Freshmen band noong early 2000. Nakagawa sila ng ilang albums at nakakapag-perform nang madalas sa Japan. 

Noong nakaraang May 10, 2010 elections ay tumakbong konsehal sa Malabon si Edward at nanalo naman siya.

At press time, ang balitang nakarating sa PEP ay sa Malabon ito ibuburol simula mamayang gabi.