Ngumiti si Polo Ravales nang tanungin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang masasabi niya sa balitang engaged na raw ang dating na-link sa kanyang si Krista Kleiner, na mas kilala noon bilang si Krissa Mae Arrieta, sa boyfriend nitong si Jay-R.
Pinalabas kasi noon sa programang Showbiz Central ang interview ng reigning Bb. Pilipinas-International na kinunan sa Amerika. Suot ng beauty queen ang isang singsing na hinihinalang engagement ring daw nila ni Jay-R. Pero ipinaliwanag naman ni Krista na "promise ring" 'yon at hindi pa engagement ring.
Dati kasing na-link si Polo kay Krista, pero nagsisimula pa lang ang anumang namamagitan sa kanila ay nagkaroon na agad ng problema ang kanilang samahan. Pero ayon kay Polo, naayos na nila ni Krista ang kanilang naging problema. Matagal na raw 'yon at nakapagtrabaho pa nga silang dalawa sa TV series na Darna ng GMA-7.
"Matagal na naming naayos ang problema. Wala na 'yon. We've been friends na. Hindi nga ba nagkasama pa kami sa Darna? Kaya all is well between me and Krista," nakangiting sabi ni Polo.
Natural daw na maging masaya siya sa nangyayari kina Krista at Jay-R. Aniya, mukhang masaya naman ang dalawa at deserving sila sa isa't isa.
"Bagay naman sila, di ba?" sambit ni Polo. "Nakita ko naman sa VTR na masaya si Krista at siguro nga si Jay-R na yung guy na para sa kanya."
NON-SHOWBIZ GIRLFRIEND. Hindi naman loveless si Polo dahil may karelasyon din naman siya ngayon—isang non-showbiz girl na nagngangalang Lorraine Shasta.
Ilang buwan pa lang daw ang relasyon nila, pero kitang-kita sa pictures nila sa Facebook album ni Polo na bagay sila at mahal na mahal nila ang isa't isa.
Sabi ni Polo, tama na ang non-showbiz girl sa kanya dahil hindi na siya masyadong naiintriga. Hindi tulad noong nali-link siya sa mga showbiz stars—tulad nina Sunshine Dizon, Alessandra de Rossi, Ara Mina, at Jean Garcia—na hindi natatahimik ang dapat ay pribadong buhay niya. Ang huling naging girlfriend ni Polo ay ang sumali sa Bb. Pilipinas 2009 na si Maria Paula Bianca Paz.
"Mas tahimik ngayon at hindi magulo," sabi ni Polo. "Noong maging kami nga ni Lorraine, alam ko na hindi kami mapag-uusapan. First of all, hindi naman siya taga-showbiz at private person siya. Mas gusto ko kasi nga for the first time, walang intriga sa lovelife ko.
"Iba talaga kapag taga-showbiz ang karelasyon mo, di ba? Lagi ka na lang napupuna. Ngayon ay hindi taga-showbiz, we are left alone. Mas gusto ko talaga ang ganito, yung tahimik lang."
Huling napanood si Polo sa GMA-7 telefantasya na Panday Kids at hinihintay pa niya ang magiging next project niya. Sa ngayon ay abala muna si Polo sa pag-asikaso ng restaurant-bar na Stoodio Bar. Business partners niya rito sina Joseph Bitangcol at Frank Garcia.
