Edward dela Cruz (extreme right) with his family at sister Angelika's wedding last December 4, 2009 in Tagaytay. From left: Erick, Mika, Mrs. Angelica Egger, Angelika and husband Orion Casareo (holding their son Gabby), Mr. Ernie dela Cruz and the late Edward.

Photo: Courtesy of YES! / Wally Gonzales

Dumalaw ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa unang gabi ng lamay para kay Edward dela Cruz, ang nakababatang kapatid ng aktres na si Angelika dela Cruz na nasawi sa isang road mishap kahapon ng madaling-araw, June 7. (CLICK HERE to read related story.)

Pasado alas dose na ng madaling-araw kanina, June 8, nang mailagak ang mga labi ni Edward sa Floresco Heritage sa Dagat-Dagatan Ave., Baragay Longos, Malabon. Pero maaga pa lamang ay matiyaga nang naghihintay ang mga kamag-anak at kababayan ni Edward sa pagdating ng kanyang mga labi.

Nanalo si Edward sa nakaraang eleksiyon bilang konsehal sa Malabon. Pero bago pa man siya maiproklama ay naganap ang isang malagim na aksidente na ikinasawi ng kanyang buhay.

Naiwang nangungulila ngayon ni Edward, 28, ang kanyang ama na si Ernie dela Cruz, ang kanyang Austrian mother na si Angelica Egger, at mga kapatid na sina Angelika, Erick, at Mica.

THE TRAGEDY. Ayon sa impormasyong nakuha ng PEP mula sa ilang malalapit na tao kay Angelica na naroon din sa burol, pauwi na galing ng Pampanga si Edward bandang alas-singko ng umaga kahapon nang maganap ang aksidente sa NLEX. Na-flat daw ang gulong ng sinasakyan nitong van noong nasa bandang San Simon, Pampanga na siya. Pagkatapos daw i-check ang na-flat na gulong at pabalik na sa loob ng kanyang sasakyan si Edward ay saka naman daw siya nahagip ng isang rumaragasang delivery truck.

Dead on arrival na raw si Edward nang isugod siya sa isang hospital sa Pampanga.

May kuwento rin na nagtangka pa raw tumakas ang driver ng delivery truck na nakasagasa kay Edward. Mabuti na lang daw at naging maagap ang mga patrol sa NLEX na siyang umasiste agad sa kapatid ni Angelika kaya nahuli rin ang driver ng delivery truck.

Si Angelika at ang mister nitong si Orion Casareo ang nagtungo ng Pampanga upang alamin ang nangyari kay Edward at mag-asikaso na rin ng kung anumang dapat ayusin. Inabot na raw ng gabi ang mag-asawa sa pakikipag-usap sa fiscal at pagsasampa ng kaso sa driver ng truck, na kasalukuyan daw nakakulong sa Pampanga.

May unconfirmed report din na natanggap ang PEP na pagkatapos masagasaan ang kapatid ni Angelika ay may sumunod pa raw na dalawang aksidente na kinasangkutan ang driver pagkatapos.

A GRIEVING FAMILY. Dahil sina Angelika at Orion lang ang nagpunta sa Pampanga, nakahiga na sa kabaong si Edward nang makita siya ng kanyang mga magulang at iba pang mga kapatid.

Mugto na ang mga mata ng mommy ni Edward nang abutan namin, gayundin ang bunso niyang kapatid na si Mika na wala halos tigil sa pag-iyak. Si Daddy Ernie naman ay halos pigil ang ipinapakitang emosyun sa unang gabi ng lamay ng anak, pero may mga pagkakataong hindi na rin nito napipigilan ang pag-agos ng luha.

Halos wala naman nang mailuha si Angelika nang dumating ang mga labi ng kanyang kapatid sa funeral home. Sabi nga nito, inubos na niya ang luha niya bago raw siya pumunta ng bahay nila sa Malabon.

Nagpapakita ng kakaibang katagan ngayon si Angelika sa biglaang pagpanaw ng kanyang kapatid. Sa maikling pakikipag-usap ng PEP sa kanya, nasabi niyang kailangan daw niyang maging matatag para sa kanyang pamilya. Ang aktres ang nakikita naming umaalo at umaasiste sa kanyang mga magulang at kapatid.

Bukod sa pamilya ni Edward, hindi pa rin makapaniwala at ngayo'y nangungulila rin ang mga kaibigan at constituents niya sa Malabon. Halos lahat sila ay hindi makapaniwala at nanghihinayang sa maaga at biglaang pagpanaw ng binata, na minsan na ring sinubukan ang mundo ng showbiz.

Napansin ng PEP ang kulay purple T-shirts na suot-suot ng ilang constituents ni Edward. Sa T-shirt ay naka-print ang pangalan ng kapatid ni Angelika.