Nagsalita na si Sam Milby sa pagkaka-link niya sa international acoustic singer na si Marie Digby. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang Fil-Am actor-singer sa grand opening ng Mang Inasal sa ground floor ng Market Place sa Kalentong, Mandaluyong.
Ayon kay Sam, nagkakilala sila ni Marie sa pamamagitan ng Twitter.
"Through KC [Concepcion], pero thru Twitter actually. It was February, pina-follow niya ako pero nauna na akong mag-follow sa kanya. And then, ayun, nag-follow din siya sa akin hanggang nagse-send na kami ng mga direct messages sa Twitter," kuwento ni Sam.
Nang mag-celebrate si Sam ng kanyang kaarawan last May 23 ay dumating si Marie sa Pinas. Pero ayon sa kanya, nataon lang daw talaga ang pagbisita nito sa kanyang kaarawan.
"Actually, she was in Japan and she wanted to visit the Philippines and it happened to be around my birthday," aniya.
Inamin din ni Sam ang pagpunta nila sa Boracay.
Aniya, "Yeah, we went to Bora, one day lang kami doon. She was here tapos I had two days off since it was my birthday. So, parang it's nice to show her to a nice place."
Nilinaw naman ni Sam ang tsismis na magkasama silang nag-stay sa isang room sa Bora. "Same place but it wasn't the same room," saad niya.
Bukod sa Bora ay dinala rin daw niya ang singer sa Antonio's sa Tagaytay. Aminado si Sam na sobrang nag-e-enjoy siya sa company ni Marie.
"Marie is one of the nicest people that I've ever met, she's really pure-hearted. Isa siyang pinakamabait na tao na nakilala ko ever," sabi niya.
Aminado rin si Sam na "dating" sila ngayon ni Marie. Pero aniya, mahirap din para sa kanila dahil si Marie ay sa U.S. nga naman nakatira at siya naman ay nandito sa Pinas.
"We're getting to know each other," sabi ni Sam. "We haven't known each other for long, and dalawang beses pa lang kaming nag-date. Siyempre, mahirap din because nandun siya sa States, nandito ako. I mean, kelan ulit ang susunod na beses na magkikita kami? So, medyo mahirap. It's the first time that I've been seeing a person who's overseas."
Dagdag niya, "Basta we enjoy lang, no expectations, no commitment, ganun lang."
MAJA SALVADOR. Tungkol naman sa young actress na si Maja Salvador, na katambal niya sa afternoon soap ng ABS-CBN na Precious Hearts Romances Presents Impostor, iniintriga na kakaiba raw ang sweetness nila sa taping.
Ayon kay Sam, nag-e-enjoy raw siya kay Maja dahil very accommodating at generous sa lahat.
"Mabait talaga ang batang 'yan," sabi pa ni Sam.
Bakit nakipag-agawan siya ng bayad sa treat ni Maja sa cast at sa production nang mag-dinner sila?
"Wala...ganun talaga ako," sagot ni Sam. "Gusto ko mag-treat dahil marami akong blessings. Masarap para sa akin kung isi-share yung blessings ko. Masarap ang feeling."
Nade-develop na ba siya kay Maja?
"Friendship lang," mabilis niyang sagot.