Bukas, June 10, ay may magaganap na rally sa harap ng gusali ng Department of Justice (DOJ). Ang rally ay para kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez, ang pinaslang na kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda.
Mag-iisang taon na bukas mula nang ma-recover sa karagatan ng Navotas ang bangkay ni Ruby Rose na nakasilid sa isang sementadong drum. Layunin ng rally na ito na hingin sa DOJ ang pag-usad ng kaso ni Ruby Rose.
Noong March 19 pa ng taong kasalukuyan ang huling hearing ng kaso at wala pang naka-schedule na susunod na hearing. Ayon kay Rochelle, nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong May 28 sa Lago del Rey event sa Camarines Sur, hindi raw makausad ang kaso dahil wala naman daw yung kakasuhan dahil hindi pa nga ito naaaresto.
Ang tinutukoy ni Rochelle ay ang asawa ni Ruby Rose na si Manuel "Third" Jimenez III, na pinapakasuhan ni dating DOJ Secretary Agnes Devanadera sa resolusyon na inilabas nito noong March 1, 2010. (CLICK HERE for related story).
Matatandaang sa Resolution ni Sec. Devanadera, pinatatanggal sa mga kinasuhan ng murder kay Ruby Rose ang businessman na si Lope Jimenez, habang pinapakasuhan naman ng Parricide si Third Jimenez.
Ngunit hindi pa raw maaresto si Third dahil wala pang inilalabas na Warrant of Arrest ang korteng in-charge sa kaso—ang Malabon-Navotas Regional Trial Court Branch 170.
Ayon naman sa Branch Clerk of Court na si Atty. Jesus Hernandez, hindi pa makakagawa ng Warrant of Arrest ang korte hangga't hindi pa nagpa-file ng Information o kaso ang DOJ Prosecuting Panel.
"We have to wait for the filing of Information by the Prosecution, before the court orders for the arrest of Third Jimenez," pahayag ni Atty. Hernandez.
ORDER SHOULD COME FROM CHIEF STATE PROSECUTOR. Nang makausap naman ng PEP ang isa sa mga miyembro ng DOJ Prosecuting Panel na si Senior Prosecutor Cielito C. Celi kaninang umaga, sinabi nito na hinihintay lamang nila ang utos na manggagaling mula sa opisina ng Chief State Prosecutor.
"Kahit na kami ang in-charge na panel, we have to wait for the Chief State Prosecutor kung sino ang gusto nilang mag-file [Motion to Discharge Lope Jimenez at Motion to File Information against Third Jimenez]. As a courtesy, we have to wait for his order," ani Atty. Celi.
Pero aminado si Atty. Celi na hindi siya sigurado kung sinong Chief State Prosecutor ang inutusan noon ni dating Sec. Devanadera. Sa kasalukuyan, ang Chief State Prosecutor ay si Atty. Claro Arellano. Pinalitan ni Atty. Arellano ang dating Chief Prosecutor na si Atty. Jovencito Zuño.
"Hindi ko alam. I'm not sure whether at that time, nag-assume na siya [Chief Prosecutor Arellano] ng office. Wala kasing binanggit na pangalan doon, e. Ang nakalagay doon, 'ordering the Chief State Prosecutor.' Hindi ko alam kung ano ang assumption of office ni Chief Arellano at kung kelan naman naging effective yun [Sec. Devanadera's orders]."
Hindi rin daw niya masasabi kung sila ang uutusan ng Chief State Prosecutor para mag-file ng mga motion sa korte. Ang Chief State Prosecutor daw kasi ang bahalang mamili ng uutusan nitong mag-file ng Motion to Withdraw at mag-file ng Information.
"Kung kami ang uutusan niya, di gagawa kami ng Motion, tapos pipirmahan niya yun," dagdag pa ni Prosecutor Celi.
Iniisip din daw kasi nila, bilang Prosecuting Panel na in-charge sa kaso ni Ruby Rose, maaaring sa iba iutos ng Chief Prosecutor ang order ng dating Sec. Devanadera, lalo na ang pagwi-withdraw ng kaso laban kay Lope Jimenez.






kahit na alam mong ikaw ang tama pero wala ka namang pera o kakilala sa DOJ at kahit saan pang hukuman, at ang kalaban mo ay mapera, matatalo at matatalo ka talaga.
kahit nga ang hlurb at ombudsman ganyan din. pera pera lang ang labanan. kaya sana mabago na ang ganitong sistema kasi kawawa talaga tayong mga walang pera.
kaya nasasabi ko ito kasi i have personally experienced and still experiencing ang nakakasukang sistema ng mga ahensya natin.
sa tingin ko mas masama ang ugali mo... namatayan na nga yung tao... ano naman ngayun kung plastic cya?... kasali ba sa kaso yun?