Tinatawanan lang ni Aiza Seguerra ang intrigang may namamagitan daw na tensyon sa grupo nilang ASAP Sessionistas na kinabibilangan din nina Richard Poon, Nina, Sitti Navarro, Duncan Ramos, Juris at Princess. Balita kasing nagkakaproblema raw sila sa pagpili ng kakantahin para sa segment nila sa ASAP XV.
"Well, if there is a conflict, hindi namin malalaman, e. Kasi unang-una, we don't choose the songs, e. Ang namimili yung production. And before sila maka-come up ng songs, ilang meeting 'yan. Tapos kino-consider din nila yung mga requests. So, I don't think may ganung nangyayari sa amin," paglilinaw ni Aiza nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Wala ba sa kanila yung tipong, 'Dapat sa akin yung song na yun'?
"Ay, wala! Kasi ang maganda sa group namin, may times na medyo ilang ako sa song na ito. Pag alam, let's say, ni Sitti, alam ni Richard, 'Uy, patulong naman...' Tulungan lang talaga kami. Kasi grupo kami, e, kaya mas magandang maging okay kami as a group kaysa naman magkapalpakan kami nang dahil lang may mga ego kayo o issues sa isa't isa."
So, halimbawa binigyan siya ng kantang hindi bagay sa boses o image niya, like songs ni Beyonce, tatanggapin na lang niya?
"Iba-iba kasi kami ng genre, e. So, kahit bigyan nila ako ng 'Halo' ni Beyonce, ilalagay nila yun sa style ko, so hindi mahirap. Like si Richard Poon, pinakanta siya ng Katy Perry. Inareglo na pang-big band, so pasok pa rin sa kanya. Actually, sa amin lahat, si Richard at si Sitti ang mahirap talaga kasi very distinct yung genre nila. Yun nga si Richard, big band, tapos si Sitti, bossa nova."
DIAMOND GIRL. Ano naman ang masasabi niya tungkol sa sabi-sabing kung iko-compute base sa present standards, dapat ay nauna pa siyang nakatanggap ng Diamond Record Award kaysa kay Nina?
"Kung ganun ang basehan, hindi lang ako dapat. Mas marami ang dapat na makatanggap ng Diamond. Si Regine [Velasquez], si Sarah [Geronimo]... mas marami. So, kumbaga okay lang yun. Kami sa Sessionistas, happy kami for Nina."
Proud lang si Aiza na magaganda ang mga nagagawa niyang albums.
"Nandito ako sa stage ng trabaho ko na mas nag-e-enjoy ako dun sa mga creation nung mga areglo. Gusto ko lang maganda. Kasi para sa akin, kahit gaano kabenta ang album mo, kung hindi naman quality, parang hindi ka rin magiging proud, e. At least ako, proud ako to say na yung mga nilabas kong album, kahit hindi man maging super-duper triple platinum o diamond pa, alam ko na pinaghirapan namin."
Sa tingin ba niya disadvantage sa career niya ang pagdating ng mas maraming acoustic singers?
"Siguro ang maganda lang is nauna ako. Ngayon kasi nagkaroon ulit ng bugso. So, hindi na ako kinakabahan. Pag titignan mo naman kasi yung iba pang acoustic singers, iba-iba rin kami ng styles, e... Pareho nga kami na gitara ang ginagamit pero iba-iba pa rin ng styles. At least maganda pa rin sa mga consumers na marami pa rin silang pagpipilian."
Pero ano ang feeling na kahit na madaming acoustic singers na ang sumulpot ay narito pa rin siya sa industriya at gumagawa ng hit songs?
"Feeling ko... matanda," biro ni Aiza. "Pero okay na rin kasi nag-e-enjoy naman ako. Yung mga locals na bago like si Princess, kapatid naman namin siya sa Sessionistas. So, walang kompetisyon na nagaganap. Tulungan lang talaga. Ang liit lang ng industriya kasi, e, kaya kung may nagaganap na inggitan, hassle yun."
SECOND INTERNATIONAL ALBUM. Higit sa mga intriga, mas gustong pag-usapan ni Aiza ang tungkol sa tinatamasang tagumpay ng kanyang bagong internationally released album titled Perhaps Love under S2S Music at Star Records. Follow-up ito sa Platinum Asian Edition album ni Aiza na Open Arms.
Another milestone ito sa career ni Aiza dahil ang Perhaps Love ay simultaneously released sa siyam na Asian countries: Singapore, Japan, Indonesia, Malaysia, Thailand, Hong Kong, Taiwan, Korea at Philippines.
Nakapaloob sa 10-track album ang mga kantang "Almost Over You," "I'll Be Over You," "She's Gone," "Perhaps Love," "Sukiyaki," "A Thousand Miles," "Ngayong Wala Ka Na," "Ellie My Love," "Forever And A Day" at "Angel."
Ang favorite song niya rito ay ang "Almost Over You" dahil ito ay "simple, pero rock."
"Okay yung album kasi hindi siya nakakasawang pakinggan. Kung pakikinggan mo, especially the instruments, talagang magaling din kasi ang mga musikero namin, e. Dun pa lang sulit na sulit na."
Bukod sa pagiging hit ng bagong album niya sa Pilipinas, ikinatuwa rin ni Aiza na nag-hit din ito sa abroad. Nag-number two pa ang kanta niyang "Ellie My Love" sa Singapore music chart.
"Masaya ako the mere fact na hindi lang mga Pinoy ang nakaka-appreciate sa mga kanta ko kundi pati rin sa ibang bansa."
Naunang nag-promote si Aiza sa Singapore at Malaysia at nag-perform pa sa isang cruise ship kasama si Erik Santos.
Nangangarap pa rin ba siya na magkaroon ng big hit na papantay sa tagumpay ng Pagdating ng Panahon?
"Alam mo, nung lumabas kasi yung Pagdating ng Panahon, naging at ease na rin ako sa sarili ko na alam ko it's such a phenomenal hit, e. If hanggang ngayon ay iwi-wish ko na magkaroon ako ng ganyan, okay lang naman. Pero kung yun lang ang magiging goal ko, parang mahihirapan lang ako. Baka ma-frustrate lang ako kasi hindi naman araw-araw nangyayari iyan sa buhay ng singer.
"And ako, I consider myself lucky dahil first album ko na lumabas noon may hit na kaagad na ganun kalaki. Kumbaga, right now, ang concentration ko is mag-grow pa as a musician. Right now I'm also producing songs na. Right now, ganun ang mas gusto ko. Para sa akin a hit is a blessing. Ang mas importante you have to make beautiful songs."