Isa sa dumating na nakasama sa YES! 100 Most Beautiful Stars kahapon sa Crowne Plaza Hotel si Bangs Garcia. Tagged under the category, "The Newbie," biniro ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Bangs na mukhang paborito siya sa Summit Media. Dahil kahit sa FHM, isa siya sa nakakasama sa top ten sexiest.
Pero pagbabalik-tanaw ni Bangs, sa Candy magazine daw ng Summit talaga siya nagsimula.
"Actually, maganda nga ang transition ko. Sa isang pambata munang magazine, unti-unti ako nag-ano. Yung sa Candy, Let's Go! time, pa-sweet pa 'ko noon hanggang sa hinubaran na ako ng FHM," natatawa pa niyang kuwento. Let's Go! ang ABS-CBN show niya noon kunsaan nakilala talaga siya as Bangs, ang character niya sa show. Valerie Garcia pa noon ang ginagamit niyang screen name.
Tungkol naman sa pagkakasama niya sa 100 Most Beautiful Stars list ng YES!, very proud daw talaga siya sa pagkakasali ng pangalan niya.
"Sabi wala raw ranking, pero, kahit ano pa ang ranking, I'm very honored that I became part of YES! 100 Most Beautiful. Actually, I didn't know na may ganito kaya nakakatuwa."
FHM RANKING AND CHRISTOPHER DE LEON. Sa sexiest list naman ng FHM, kumusta naman ang ranking niya?
"Hindi ko pa alam. Hindi ko pa nababalitaan. Pero sa July 15, inimbitahan na ako to perform. Last year kasi, ako ang opening number. But I heard ngayon, yung magiging dance ko medyo challenging kasi aerial," pagbabalita ni Bangs.
Excited din na ikinuwento ni Bangs na meron daw siyang MMK (Maalaala Mo Kaya) episode this Saturday with Christopher de Leon.
"Supposedly, Father's Day episode siya, kaso, hindi natapos. Dad ko siya. Probinsiyano't probinsiyana lang kami rito, so, sa tabing-dagat kami nakatira. Sana panoorin ng mga tao, kasi bihira lang na makatrabaho ang isang legendary star katulad ni Christopher de Leon. I'm really happy na nabigyan ako ng chance to work with him. May maipagmamalaki na rin ako," nakangiting saad pa ng dalagang Davaoeña.
STILL SINGLE. Matagal nang sinasabi ni Bangs na wala siyang boyfriend at very single siya. Hanggang ngayon daw, single pa rin siya. Katuwiran niya, hindi niya raw kasi kayang mapagsabay ang career at lovelife.
"Mahirap, e. Feeling ko, hindi ko talaga kayang isabay sa career. At saka, kawawa lang din ang guy. Siyempre, papaasahin ko, 'tapos, hindi naman pala. Kapag may work, biglang maiitsapuwera siya."
Natawa kami sa ginamit niyang term, "maiitsapuwera."
Natawa rin si Bangs nang ma-realize ang sinabi pero aniya, "Mahirap kasi talaga. Mahirap mag-budget ng time. Dapat marunong kang mag-budget ng para rin sa kanya."
Dugtong pa niya, "Wala, e. Wala talaga. Sana meron."
Pero kung sa pag-e-entertain naman daw ng manliligaw, okey naman daw sa kanya. Meron din daw siyang mga manliligaw from showbiz pero hindi naman daw niya kayang mag-name-drop.
"Mahirap magsalita. Tingnan na lang natin. Mga text-text lang, but I don't wanna name-drop. Mahirap na. Baka hindi umamin," pag-iingat pa ni Bangs.
NO TO TOPLESS SCENES. After Magkano Ang Iyong Dangal, wala pa raw alam si Bangs na bagong TV project na gagawin niya.
"Sa serye wala pa. Puro movies ang target namin ngayon. May offer na movie with Direk Joel Lamangan, pero hindi pa nako-close ang deal, but I heard, sexy. Titingnan ko muna kung gaano ka-sexy yun.
"Gusto ko munang malaman kung gaano ka-sexy. Baka mamaya may topless. Hindi ko kaya," natatawa pa rin niyang sabi.
BANGS'S NATURAL WONDERS. At dahil sa sinabi niyang topless, may nakapansin na isang entertainment press sa boobs ni Bangs na tila lumaki raw.
Depensa naman niya, "Push-up [bra] lang yan! Siguro kasi, as I'm getting older, nagma-mature na rin ang body ko. Promise, wala akong ginawa na kahit ano on my body. Kaya nga ang tawag sa akin ng FHM, ang bansag nila sa akin, 'Natural Wonders.' Kasi alam nga nila na wala akong ginawa na kahit na ano. Naniniwala ako sa push-up lang."
So, pupuwede pa rin panindigan ng FHM ang tag nila kay Bangs na "Natural Wonders"?
"Oo naman! Mas happy ako kung iko-quote pa rin nila ako as 'Natural Wonders,'" nakangiting pagtatapos ni Bangs.
