"I'm happy that the Court decided [in] our favor and the complaint was dismissed," says Dra. Vicki Belo about the dismissal of the multiple case filed by a former client.

Photo: Noel Orsal

Bukod sa mga intriga na may kinalaman sa karelasyon niyang si Hayden Kho, kasama sa mga matitinding hinarap ni Dr. Vicki Belo simula noong isang taon hanggang ngayon ay ang mga kaso at reklamong isinampa laban sa kanya at sa pag-aari niyang cosmetic-beauty clinic, ang Belo Medical Group Clinic.

Matatandaang isa sa pinag-usapan at nabalita pa ay ang patung-patong na kaso ng "reckless imprudence resulting in serious physical injuries, estafa, tax evasion and false, deceptive or misleading advertisement" na isinampa ng isang Josefina Norcio, na sumailalim sa hydrogel butt augmentation sa Belo Clinic sa Tomas Morato, Quezon City noong December 2002 at June 2005.

Napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na noong isang buwan pa napawalang-saysay ng Office of the City Prosecutor ng Quezon City ang reklamong isinampa ni Norcio laban kina Dra. Belo at dalawa pang cosmetic surgeons na sina Dr. Ronaldo Cayetano at Dr. Francis Decangchon.

Sa resolusyon na inilabas noon pang May 17, sinabi ni Assistant Quezon City Prosecutor Romana Lindayag del Rosario na walang matibay na ebidensya na nagtuturo na si Dr. Belo ang gumawa ng procedure sa kanya. Dahil dito, wala raw batayan na idamay pa rito ang cosmetic surgeon.

Dagdag pa ng resolusyon, napatunayan ng test na ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) Forensic Chemistry Division na nagka-infection nga si Norcio. Pero hindi naman nito napatunayan na may kinalaman sa infection ang hydrogel na inilagay sa kanya apat na taon na ang nakararaan.

"Taking into account the time or period that has elapsed since the butt augmentation procedure and the manifestion of the alleged infection, there is no doubt as to whether the said procedure is indeed the proximate cause thereof," saad ng resolusyon.

Ipinaliwanag din ng resolusyon na "proximate cause is that which in natural and continuous sequence, unbroken by any efficient, intervening cause, produces the injury and without which the result would not have occurred."

Ibig sabihin ay marami na ring mga bagay ang puwedeng nangyari sa loob ng apat na taon mula noong huli siyang operahan hanggang sa kasalukuyan.

Ang iba pang inakusahan na sina Dr. Cayetano and Dr. Decangchon, na parehong hindi na nagtatrabaho sa Belo Clinic, ay na-clear na rin sa kaso. "The court finds no probable cause to hold the two doctors liable for reckless imprudence resulting to serious physical injuries, since the complainant herself admitted that she felt no discomfort or pain until after seven years from the first procedure and four years after the second."

Lahat ng iba pang kasong isinampa ni Norcio laban kay Dra. Belo ay na-dismiss na rin. 

Dahil sa nalaman ng PEP, sinubukan naming hingan ng pahayag at reaksyon si Dr. Belo kaugnay ng pagkaka-dismiss ng mga kasong ito. Pero hindi kaagad nakatugon si Dr. Belo dahil nga sa sunud-sunod na pag-alis niya ng bansa.

Kamakailan lang nakahingi ng tugon ang PEP kay Dra. Belo na ipinadala nito sa pamamagitan ng e-mail. Ayon sa celebrity cosmetic surgeon, nasa New York daw siya para sa Philippine Independence Day celebration nang makarating sa kanya ang magandang balita

"It's great news for me," sambit ni Dr. Belo sa kanyang e-mail sa PEP. "I'm happy that the Court decided [in] our favor and the complaint was dismissed."

Inilarawan din ni Dr. Belo ang reklamo ni Norcio na isang "sham" o panloloko.

"The prosecutor's office saw what it really is: a sham. Hingan ba naman ako ng P200 million ng complainant! I'd like to stress that neither I nor the Belo Medical Group was responsible for her alleged infection. I wasn't even the one who performed the procedure on her," paliwanag ni Dra. Belo.