Ilocos Sur Congressman Ronald Singson (in photo) was arrested and jailed in Hong Kong for carrying 26 grams of cocaine. His father, Ilocos Sur Governor Chavit Singson confirmed the report and said that his son is "brokenhearted" because of his recent breakup with young actress-singer Lovi Poe.

Photo: Mark Pimentel

Kinumpirma ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson na nakakulong ngayon sa Hong Kong ang kanyang anak na si Congressman Ronald Singson. Kilala rin si Ronald bilang rumored boyfriend ng young actress na si Lovi Poe at bilang concert producer.

Sinabi ni Gov. Chavit sa panayam niya sa TV Patrol ng ABS-CBN ngayong gabi, July 24, na "brokenhearted" si Ronald dahil hiniwalayan ito ni Lovi sa gabi ng concert ni Usher sa Mall of Asia Concert Grounds noong July 9, 2010.

Si Ronald ang executive producer ng concert ni Usher at siya rin ang may-ari ng Channel V music station.

Naniniwala si Gov. Singson na emotional si Ronald dahil sa breakup nila ni Lovi at nasulsulan ng barkada ang kanyang anak kaya nahulihan ito ng Hong Kong Police ng 26 grams ng cocaine sa Chek Lap Kok International Airport. "Drug trafficking" ang kaso na isinampa ng HK Police laban kay Ronald.

Ayon kay Gov. Singson, hindi pa sila nagkakausap ni Ronald mula nang madakip ito. Galit ang gobernador sa mga gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot kaya hindi raw niya gagamitin ang kanyang impluwensiya para makalaya si Ronald. Gayunpaman, umaasa siya na makakalaya ang kanyang anak dahil maliit na gramo lang daw ng cocaine ang nasa pag-iingat nito.

Humingi si Gov. Singson ng paumanhin sa mga tao dahil sa nangyari kay Ronald, kasabay ang apela na huwag tularan ang pagkakamali ng kanyang anak

Nagpunta si Ronald sa Hong Kong para sa concert ni Usher sa Macau nang madakip siya sa Chek Lap Kok Airport noong July 11, dalawang araw matapos ang successful concert sa Pilipinas ng sikat na American singer.

Sinubukan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na kunin ang pahayag ni Lovi tungkol sa kaso ni Ronald sa pamamagitan ng kanyang manager na si Leo Dominguez. Sinabi ni Leo na ayaw pa ni Lovi na magsalita.

Nakunan naman ng 24 Oras ng GMA-7 ng reaksiyon ang business partner at kaibigan ni Ronald sa Fearless Productions na si Jomari Yllana sa pamamagitan ng telepono. Ayon sa aktor, na nasa Naga ngayon para sa shooting ng isang pelikula, hindi pa niya nakakausap si Ronald ngunit bilang "best friend and brother" ay ipinagdadasal niya ang mabuting kalagayan nito.