Balik-sitcom si Gelli de Belen sa latest comedy show ng GMA-7, ang JejeMom, bilang si Bunny, ang sosyalerang kapitbahay ni Gigi na ginagampanan ni Eugene Domingo.
First time ni Gelli na makatrabaho si Uge, kaya wala pa raw siyang masyadong masasabi tungkol sa komedyana dahil hindi pa sila nakukuhanan ng mga eksena, sabi ni Gelli sa JejeMom presscon last Friday, August 6, sa 17th floor the GMA Network Center.
Pero nang tanungin kung mai-intimidate ba siya sa husay ni Uge, natatawang sinabi ni Gelli, "Nai-intimidate lang siguro 'ko sakali, sa lakas ng boses nitong babaeng 'to!"
"Pero sanay naman na ako sa kanya. Nakakasama ko na siya before sa mga pelikula, so, okey lang."
JEJEMON PEEVE. Naka-mala-JejeMom outfit si Uge nang dumating sa presscon. Kabaligtaran naman daw ang part ni Gelli sa character ni Uge. Pero personally, ano nga ba ang tingin niya sa mga jejemon?
"Can you define jejemon for me? Kasi, baka mali ang iniisip ko, e... Yung alam ko lang, like kapag nag-text sila, mas mahaba... abala!"
Ayon sa online Urban Dictionary, basically, ang jejemon is any "person WhO tyPeZ lYKeS tH1s."
"Imagine mo, ha, binabali-baligtad nila, e, puwede namang diretso. Ibig sabihin, marami silang oras na isip-isipin ang mga bagay-bagay, pag-arte-arte, ang hirap kaya no'n! Nahirapan na nga akong basahin, how much more pa yung i-text ko."
Nakatanggap na ba siya ng mala-jejemon na text?
"Once, twice! Nahirapan ako, ha! Nag-storycon nga kami, yung lahat ng characters namin naka-jejemon, nahirapan akong magbasa."
STAYING KAPUSO. Bago naging TV host, at bago pa maging dramatic actress si Gelli, na nanalo ng Best Actress award sa 1995 Gawad Urian para sa portrayal niya sa The Secrets of Sarah Jane, sitcom ang karamihan sa mga naunang TV shows ng aktres, tulad ng Ober da Bakod sa Kapuso network.
How does it feel na balik-sitcom siya ngayon?
"Excited ako, although, hindi pa ako nagti-taping. Kung napanood niyo, wala pa akong scene sa trailer, kasi hindi pa ako nagti-taping."
Itinanggi naman ni Gelli na totoo ang balitang lilipat na siya ng network.
Aniya, "Let's just say this, may mga nag-alok. Kaya lang kasi, since nandito na naman ako for eight years, binigyan ko ng priority ang GMA. So, nandito pa rin ako."
Dugtong pa niya, "Actually, meron akong gagawin, kaso, ka-tema ng JejeMom, so, huwag na lang.
Siguro raw iyong paglipat niya kay Boy Abunda bilang manager niya ang pinag-ugatan ng ispekulasyon. Talent kasi ng ABS-CBN si Boy.
Pinalinaw ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Gelli kung nagkaroon ba siya ng tampo sa Kapuso network—actually, siya at ang kaibigang si Carmina Villarroel—dahil sa nakaraang 60th anniversary ng GMA-7 sa Araneta Coliseum ay wala sila?
"May pagtataka, pero, hayaan mo na, ganyan talaga," nakangiti naman niyang sabi.
Dahil ba do'n kaya parang may lumabas na lilipat?
"Ah, hindi. Para naman kaming bata kapag gano'n. Ay, ayoko na diyan, hindi ako inimbita. Parang hindi ako isinali sa laro," natatawa niyang sabi.
MISSING HOSTING. Kung matatandaan, matagal-tagal ring naging reyna ng morning shows sina Gelli, Carmina at Janice de Belen through their SiS program bago ito kinansel. Kaya tinanong si Gelli kung anong nararamdaman niya na nabigyan sina Carmina at ang asawa nitong si Zoren Legaspi ng morning show bilang hosts ng Love ni Mister, Love ni Misis.
"I'm happy for them. Bagay sila. Kasi, hindi niyo napapansin, si Zoren, maraming sinasabi 'yan, e," natatawang sabi ni Gelli. "Magugulat na lang kayo kung paano si Zoren. Actually, nag-guest na 'ko."
Katuwiran pa ni Gelli, "Kanya-kanyang oras 'yan. Ngayon, napunta kay Mina ang slot na 'yan. I'm happy for her."
Naisip na ba niya na puwede rin sila ng asawang si Ariel Rivera na mag-host ng talk show?
"Puwede... puwede... Kaya lang, masyado siya minsang maraming opinion. Baka marami siyang makaaway, natatakot ako," natatawa sabi ni Gelli.
Pero aminado siyang gusto niya uling magkaroon ng hosting job. "I missed hosting. Kahit na morning, afternoon, evening. Nami-miss ko rin mag-host talaga."
Nag-guest host na siya sa Showbiz Central. Type ba niya ang ganoong klaseng hosting na showbiz-oriented talk show?
"Naaliw rin naman ako. Naisip ko na medyo mahirap lang gawin yun every week. Kasi yung ginagawa niyo okey, kasi 'yan ang trabaho niyo bilang mga reporter. E, ako, artista. So, ang hirap mang-intriga ng kapwa artista. Lalo na tayong mga Pinoy, pikon tayo. Aminin na," natatawa niyang hirit.
