Hindi naiwasan ni Congressman Manny Pacquiao ang tanong ng media tungkol sa pagpapakasal ni Krista Ranillo sa press conference niya kanina, August 11, para sa Sony 3D World. Ang presscon ay para ipakilala ang athlete-politician bilang bagong brand ambassador ng naturang technology company, at ng 3D products nito.
Naunang nilimitahan ng organizers ng naturang presscon na tungkol lamang sana sa technology ang mga tanong na ibabato ng press sa international boxing champion. Ngunit dali-daling nagkaroon ng ambush interview matapos bumaba ni Manny sa panel ng Sony.
Hindi na nakatanggi ang congressman ng Sarangani sa mga tanong ng press kaya’t sinagot niya na lamang ang mga ito. Gayunpaman, naging matipid pa rin ang kanyang mga pangungusap.
Agad na itinanong kay Manny kung ano ang reaksiyon niya sa pagpapakasal ni Krista sa businessman na si Jefferson Niño Lim sa Long Beach, California noong Linggo, August 8. (CLICK HERE to read related story.)
Mainit ang usap-usapan noong isang taon na nagkaroon umano ng relasyon ang boxer at ang sexy actress. Hindi man nakumpirma ang nasabing usap-usapan, maraming mga lumabas na mga larawan at sightings ng dalawa.
“Masaya ako kasi may pamilya na yung tao… Wala nang problema,” tugon ni Manny sa tanong ng press.
Alam ba ng asawa niyang si Jinkee ang nasabing kasal ni Krista?
“Oo, alam niya,” sagot ng kongresista.
Ano ang message niya kay Krista?
“Sana masaya siya,” maikling tugon nito.
Matapos ang nasabing ambush interview ay tumuloy na ang boksingero sa House of Representatives para gampanan ang trabaho niya bilang congressman ng Sarangani.
3D WORLD. Sa naunang press conference ng Sony, nasabi ni Manny na “honored” siya na maging brand ambassador ng isa sa pinakamalaking technology companies sa mundo.
“Malaki ang maitutulong nito para mapanood na ng Pilipino ang laban ko at hindi na sasakit ang mga mata nila!” pagpapatawa ng boxing champ turned politician, na kitang-kitang nasa good mood noon.
Tuwang-tuwa rin siyang tanggapin ang regalo sa kanya na 3D TV at DVD player. Si Manny na ang unang Filipino na may ganitong mga gadget sa Pilipinas.
Mapapanood na rin ang mga laban ni Manny sa 3D. Ayon sa People’s Champ, sa November 13 na ang susunod niyang laban, ngunit wala pang katiyakan kung sino ang kanyang makakasuntukan sa ring.
“Actually, I don’t know yet who’s the one on November 13, but the date is definitely November 13,” saad nito.