The radio jock, who made "May gan'on!" a catchphrase on 91.5 Energy FM, has transferred to his new home on 103.5 Wow FM! and hopes that listeners will "Lahveet!"

 

Photo: Glen P. Sibonga

Sa Lunes, August 23, ay opisyal nang ilulunsad ang pinakabagong pangmasang radio station, ang 103.5 Wow FM! Ito ay bahagi ng group of radio stations sa bansa na itinataguyod ng The Radio Partners, Inc. (TRPI) na kinabibilangan din ng Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9 at 99.5 RT.

Handang-handa na ang limang radio disc jockeys na sina Mr. Fu, Laila Chikadora, Tina Ryan, Tito Potato at Justin Bibo para magbigay ng kakaibang aliw sa mga tagapakinig. Pawang mga galing sa ibang radio stations at piniling lumipat sa Wow FM! ang mga naturang DJs.

STAR DJ. Hindi mai-deny ng star DJ na si Mr. Fu ang excitement sa nalalapit niyang pagtrabaho sa bagong tahanan. Ang tinaguriang "tagabulabog ng universe" at ang nagpauso ng mga katagang "May gano'n!" ay dating DJ ng 91.5 Energy FM.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mr. Fu (Jeffrey Espiritu in real life) sa presscon ng 103.5 Wow FM! kahapon, August 20, sa Chili's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Kaagad naming tinanong, ano ang pakiramdam ng pagiging star DJ niya?

"Parang beer house lang na may star dancer... may gano'n!" biro ni Mr. Fu. "Masaya ako dahil nabibigyan ng magandang puwesto yung pinaghihirapan ko bilang DJ. Above anything else, masaya ako kasi ito yung gusto kong gawin, e, magpasaya ng maraming tao. Yun lang. Nag-try na ako ng ibang trabaho, hindi ako umepekto. Masaya ako na napapansin yung pinaghihirapan ko, yung pinagpupursigehan kong trabaho."

Ano ba talaga ang dahilan at umalis siya sa Energy FM?

"Isa kasi sa considerations ko ay mas marami akong magagawa sa Wow FM. Mas mag-e-evolve ako bilang DJ. Yung creativity ko mas mailalabas ko sa Wow FM. Pinag-isipan ko naman itong mabuti at nakipag-usap naman ako sa Energy FM. Matagal ito, hindi ito biglaan. Naintindihan naman nila ang mga rason ko at magkakaibigan pa rin kami ng mga taga-Energy FM lalo na yung mga bossing ko run.

"Of course, money is a consideration, hindi naman ako magpapakaplastik doon. Pero above anything else, yung pag-e-evolve ko bilang DJ ang malaking reason talaga," paliwanag ni Mr. Fu.

Sinasabing siya na raw ang highest paid DJ sa bansa. Ano ang masasabi niya rito?

"Ay, hindi! Si Mo Twister ang highest paid sa pagkakaalam ko. Yung sumunod sa kanya hindi ko na alam dahil wala akong record."

May pressure ba na ang goal ng Wow FM! ay maging number one radio station?

"Hindi ko masyadong iniisip ang pressure. I take it as a challenge. Positive lang ako na alam kong kaya namin, alam kong kaya ko. Alam kong magiging successful itong bagong venture namin. So, it's more of like that, it's a challenge. Kasi pag inisip ko na pressure baka masira yung diskarte ko, e."

Gagamitin niya pa rin ba ang famous line niyang "May gano'n!" sa Wow FM?

"I will still use it. Kasi dun naman ako nakilala, ako naman ang nagpauso nun talaga. Hindi ko naman kine-claim na inimbento ko pero lumabas lang talaga sa bibig ko. But I don't know in the future baka dito sa Wow may bagong lumabas sa bibig ko. Pero as of now, okay pa naman si 'May gano'n' sa akin, so go-go-go. Itutuloy ko pa rin siya. Ang bagong dagdag lang talaga na sasabihin ko ay ang tagline ng Wow FM na 'Lahveet!' as in mai-in love kayo sa pakikinig sa amin."