"Kinukurut-kurot ko ang sarili ko para malaman ko kung totoo ba ito o hindi," says Glaiza, who made her mark in villainess roles. "May pagkakataon ngang naging kuntento na lang ako sa mga 'binibigay sa akin ni Lord. Ang sa akin lang naman ay basta may trabaho tatanggapin ko. Ngayon ay sobra-sobrang biyaya ito at pangako ko na pangangalagaan ko ito."

 

Hindi makapaniwala si Glaiza de Castro na magiging bida na siya sa sarili niyang drama-fantasy series sa GMA-7. Ang title ng kanyang series ay Grazilda, at sa September na ito mapapanood sa primetime block ng Kapuso network.

"Kasi nga, always nga na nasa supporting cast ako. Nitong huli nga, kontrabida ako ni Ms. Regine Velasquez sa Diva. 'Tapos biglang dumating itong Grazilda. Masyado akong overwhelmed ngayon kasi pinagkatiwalaan ako sa project na ito," sabi ni Glaiza noong story conference para sa kanyang pagbibidahan.

"Kinukurut-kurot ko ang sarili ko para malaman ko kung totoo ba ito o hindi. Ang laki ng pasasalamat ko sa GMA-7 sa pagtitiwala na binigay nilang ito sa akin."

PRIMETIME BIDA. Actually, nagbida na rin naman si Glaiza, pero sa mga afternoon series, tulad ng Kaputol Ng Isang Awit with Lovi Poe, at Dear Friends: Igorota with Patrick Garcia, at sa late-night SRO Cinemaserye Presents The Eva Castillo Story.

Ngunit naging mas matatak ang papel ni Glaiza bilang kontrabida dahil sa pang-aaping ginawa niya kay Regine Velasquez sa Diva, kay Rhian Ramos sa Stairway To Heaven, at kay Maxene Magalona sa Sine Novela Presents Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin.

Pero ang versatile na si Glaiza ay part din ng gag series na Laf En Rol with Boy 2 Quizon, at regular siya sa Party Pilipinas.

Ang magiging leading man niya sa Grazilda ay si Geoff Eigenmann, sa ilalim ng direksyon ni Dominic Zapata. Hihiwalay muna si Geoff sa ka-love team niyang si Carla Abellana para tumambal kay Glaiza. Inuunahan na ni Glaiza ang mga fans ng Geoff-Carla love team na wala siyang intensiyong agawin si Geoff kay Carla.

"Hinihiram lang naman si Geoff para sa series na gagawin namin. Si Geoff ay para kay Carla pa rin. Trabaho lang po ang lahat."

READY FOR HER CLOSE UP. So, handa na ba si Glaiza na maging bida sa sarili niyang drama series?

"Siguro handa na ako... Dapat lang siguro na maging ready na ako kasi nandito na, e. 'Tapos ang gagaling pa ng mga kasama ko sa show. Lahat naman ng nagiging artista ay pinangarap ang magbida, di ba? Hindi naman ito basta lang dumating sa akin. Matagal ko rin itong pinangarap at hinintay.

"May pagkakataon ngang naging kuntento na lang ako sa mga 'binibigay sa akin ni Lord. Ang sa akin lang naman ay basta may trabaho tatanggapin ko. Ngayon ay sobra-sobrang biyaya ito at pangako ko na pangangalagaan ko ito."

Kabilang rin sa cast ng Grazilda ang mga batikang aktor na sina Joel Torre, Cherie Gil, at Rio Locsin, ang mga mas batang sina Dominic Roco at Stef Prescott, at ang mga baguhang sina Gwen Agnese, Djanin Cruz, at Benedict Campos.

Kasama rin si Yasmien Kurdi na sa unang pagkakataon ay gaganap na kontrabida.