Tila nabitin ang mga manonood sa live interview ng The Buzz co-host na si Toni Gonzaga sa guest nilang si Bea Alonzo sa show last Sunday, August 29. Marami kasi ang naghintay sa mga sasabihin ni Bea tungkol sa pagkaka-link niya sa young actor na si Gerald Anderson. Pero ni hindi nga naitanong ni Toni kay Bea ang isyung ito sa segment na "TGIS (Toni Gonzaga Intriga Statements)."
Gayunpaman, sinagot ni Bea ang iba pang isyung kinasasangkutan niya base na rin sa ilang maiintrigang pahayag ng tabloid columnists, pati na rin ng ilang kasama ni Bea sa trabaho.
OSKAR PERALTA. Unang intriga statement na hinarap ni Bea ay mula sa tabloid columnist na si Eddie Littlefield na nagsabing: "Oskar Peralta, may tampo kay Bea Alonzo." Si Oskar ay isang sikat na fashion designer na siyang naka-discover sa young actress. (CLICK HERE to read related story.)
"Alam n'yo si Tito O, isa siya sa mga naka-discover sa akin. Siya yung naniwala sa akin nung baguhan ako...ano 'yan sa Pasig, sa isang beauty contest," sabi ni Bea.
Sumasali pala siya sa beauty contest?
"Oo, nung bagets ako. 'Kala ko nga, parang magiging Venus Raj ako. Pero si Tito Oskar, siya yung talagang tumulong sa akin nung nag-uumpisa ako. Lagi ko 'yang sinasabi sa maraming tao."
Isa sa mga naging guest fashion designers si Oskar sa Magkaribal, na pinagbibidahan ni Bea with Gretchen Barretto sa ABS-CBN. Ngunit hindi pala ito alam ni Bea.
"Sa Magkaribal, napanood ko na lang siya sa TV. Hindi ko alam na guest siya sa Magkaribal at hindi kami nagkasama."
So, bakit may tampo si Oskar sa kanya?
"Pero si Tito O, knowing him, hindi naman siya ganun kababaw na magtatampo kaagad. Pero hindi nga kami nagkakaroon masyado ng contact sa isa't isa. Sana, Tito O, para ma-clear din ito, sana magmeryenda tayo. Siyempre, gusto ko ring mag-catch up," saad ni Bea.
Wish din ni Bea na sana ay mai-guest ulit si Oskar sa Magkaribal at magkaroon sila ng eksena na magkasama.
ENCHONG DEE. Ang sumunod na intriga statement naman ay galing kay Enchong Dee: "Gusto namin makasama yung isa't isa."
"Ano namang masama dun?" patanong na sagot ni Bea. "Alam mo, sobrang lovable nitong tao ito [Enchong]. Kahit sino sigurong isama mo sa kanya, hindi maiiwasan i-love itong taong ito."
Si Enchong daw ang isang tao na madaling makasundo at kumportableng makasama.
"Kasi sobra niyang totoo. Sobra niyang ipapa-feel sa iyo na kumportable ka. You can be yourself."
Best friend na may gusto sa character ni Bea na si Gelai ang role ni Enchong sa Magkaribal.
Ibinuking naman ni Toni, na kasama nina Bea at Enchong sa ASAP XV, na magkausap daw lagi ang dalawa sa show. Pansin ni Toni, dati raw ay hindi close ang dalawa, pero simula nang magkatrabaho sila ay lagi niyang nakikita ang dalawa na nagkukuwentuhan.
"Oo, sobra," pagsang-ayon ni Bea. "Siya yung tao na puwede mong pagsabihan na, 'Hoy, bakit hindi mo ako pinapansin?' Na hindi niya dadamdamin o hindi ka mahihiyang sabihan."
Pag nag-text ba sa kanya si Enchong, nagre-reply ba siya?
"Oy, nagre-reply naman ako paminsan-minsan!" natatawang sabi ni Bea.
Pambubuking kasi ni Toni, may ugali raw kasi si Bea na hindi nagre-reply sa text.
BEA'S FATHER. Tungkol naman sa tatay ni Bea ang sumunod na intriga statement galing sa tabloid columnist na si Veronica Samio: "Di bitter, Bea umaasa pa ring makita ang tatay."
Bago sumagot si Bea ay inihayag muna ni Toni ang naging pag-uusap nila na sabi ni Bea ay hindi siya maka-let go sa pelikulang Sa 'Yo Lamang dahil ang feeling niya ay daddy niya talaga rito si Christopher de Leon. Sa istorya kasi ay iniwan sila ng tatay nila.
"Kasi si Tito Boyet [palayaw ni Christopher], nakasama ko na siya sa Maging Sino Ka Man nang matagal. Pag ganun katagal, parang nagiging kumportable ka na at pag tinitingnan mo yung tao na yun, talagang mahal na mahal mo na siya bilang tatay. Ngayong nagkatrabaho na naman kami...
"Ako kasi, wala akong visual ng tatay, e, walang mukha. So, tuwing makikita ko siya sa Sa 'Yo Lamang, parang feeling ko, siya yung talagang tatay ko.
"Meron kaming isang eksena na nakikita sa trailer na confrontation. Nung natapos yung eksena, talagang nginig na nginig talaga ako, tandang-tanda ko. Tapos humagulgol ako at ayokong magpa-hug. Nilapitan nila ako, yung makeup artist ko, ganyan, kasi gusto nila akong hagurin.
"Pagkatapos noon, parang na-realize ko, parang hindi pa ako nagalit nang ganito sa buong buhay ko. Yung kaya ko palang ma-reach yung ganun," kuwento ni Bea.
HAPPINESS IS A CHOICE. Sa huli, tinanong ni Toni kung bakit blooming at masaya si Bea ngayon.
"Siguro ang realization ko this year...kasi ang laki-laki ng difference ng last year sa taon ko ngayon, e. I mean, yung transition ng 2009 to 2010, ang laki-laki talagang talon. Pero inisip ko na kailangan kong pagdaanan yun para maging ako ngayon. So, ngayon na-realize ko, happiness is a choice. You can always choose to be happy. Depende kung paano mo ite-take yung mga bagay-bagay."