"Kami po ay boyfriend-girlfriend. May relasyon po kami talaga sa totoong buhay. Kaya bakit naman po namin pepekein yung ipinapakita namin sa mga tao?" says Jason Francisco on his relationship with Melai Cantiveros.

Photo: Noel Orsal

Masaya si Jason Francisco na patuloy siyang binibigyan ng projects ng ABS-CBN magmula nang lumabas siya sa reality show na Pinoy Big Brother Double Up.

Hindi raw siya nababakante ng trabaho ngayon bagkus ay nadadagdagan pa. Gaya na lang ng pagkakasama niya sa cast ng bagong early primetime fantaserye ng Kapamilya network, ang Kokey@Ako, na mapapanood na simula sa Lunes, September 20, bago mag-TV Patrol.

Directed by Wenn Deramas, ang Kokey@Ako ay pinagbibidahan ng alien na minahal ng maraming manonood, si Kokey, kasama ang kapatid niyang si Kekay. Ang mga bida naman sa Earth ay ang tandem nina Vhong Navarro at Toni Gonzaga kasama ang love team nina Jason at Melai Cantiveros.

Ani Jason, "Masaya ako kasi mapapanood na namin yung aming pinagpuyatan. At saka marami kaming nakakatawang mga eksena. Siyempre, nandiyan din yung mga nakakatuwang alien.

"Nag-e-enjoy kami sa tuwing nagte-taping. Madalas tawanan lang kami nang tawanan."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jason sa presscon ng Kokey@Ako kahapon, September 15, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.

Blessing nga para kina Jason at Melai—na tinaguring "Prinsipe at Prinsesa ng Masa"—ang muli nilang pagsasama sa isang project dahil nagkakaroon sila ng pagkakataon na magkita at magkausap.

Bilang magkarelasyon in real life, madalang na raw kasi silang magkasama off-cam dahil may iba pang projects na ginagawa si Melai na hindi kasama si Jason.

"'Etong nakaraan, busy si Melai, madami siyang TV shows, may movie pa siya," banggit ni Jason.

"Sa taping na lang po kami ng Kokey at Banana Split nagkikita. Madalang na kaming magkita sa condo."

Nakakaapekto ba ang pagiging busy ni Melai sa relationship nila?

"Minsan, pero siyempre nandiyan na yun, e. Siyempre, trabaho po yun, e," sagot niya. "Kaya kailangan na lang intindihin. Susuportahan ko na lang siya.

"Pero pinag-uusapan din namin. Sabi namin, saka na lang namin talaga pakikialaman ang isa't isa kapag mag-asawa na kami. Pero alam ko, hindi po ganun kadali yun."

NOT SEPARATED. Pinabulaanan naman ni Jason ang balitang hiwalay na raw sila ni Melai. Sa katunayan nga raw ay seven months na ang relationship nila last September 8.

"Hindi po totoong hiwalay na kami. Siguro po hiwalay kami sa ibang projects. Pero yung sa relasyon po, hindi po kami hiwalay," diin ng reality-show star turned actor.