"I am just thankful na may kumukuha pa sa akin knowing na marami nang mga bagong artista," says Carmi Martin.

Photo: Noel Orsal

Thirty years na sa showbiz ang aktres na si Carmi Martin. Nagpapasalamat siya dahil nabibigyan pa rin siya ng mga magagandang projects sa TV at pelikula.

Ang latest project niya ay ang upcoming primetime series ng GMA-7, ang The Beauty Queen. Pinagbibidahan ito ni Iza Calzado, kasama sina Katrina Halili, Miss Universe 2010 4th runner-up Maria Venus Raj, Bb. Pilipinas-World 2007 Maggie Wilson, at Miss Universe 1969 Gloria Diaz.

Kasalukuyan ding mapapanood si Carmi sa episode ng Lovebug na "Say I Do" kasama sina Mark Anthony Fernandez at Lovi Poe.

MOTHER ROLES. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Carmi sa story conference ng The Beauty Queen last September 15, sinabi niyang never siyang naging choosy sa mga role na ibinibigay sa kanya.

Ilang beses na raw siyang gumanap bilang ina at nagbiro siya na sana ay maging tunay na ina siya sa totoong buhay.

"Siguro kung kada labas ko bilang mother, nagbubuntis ako, e, di sana ang dami ko nang anak!" tawa ng 46-year-old actress.

"Ginagawa ko na lang talagang katatawanan ang magkaroon ng anak. Ano pa nga ba ang magagawa ko, di ba, kung hindi pa tayo nabibiyayaan ni Lord? Kaya siguro hanggang sa showbiz na lang ako kunwaring isang ina."

Single pa sa totoong buhay si Carmi.

Hindi raw big deal sa kanya ang gumanap sa mother roles. Sa tinagal-tagal na raw niya sa industriya, wala na siyang kinaiinsekyuran.

"Naku, tatlong dekada na ako sa showbiz, ano pa ba ang pangamba ko? I am just thankful na may kumukuha pa sa akin knowing na marami nang mga bagong artista.

"Hindi big deal sa akin ang mother roles kasi nga, may mga mas bata pa sa akin na gumaganap na rin na mga nanay.

"Minsan nga natatakot ako, baka one day, kunin na ako bilang lola! Dyusko naman, huwag naman muna!

"Hindi pa naman ako pang-lola, di ba? Nanay na lang muna tayo!" tawa niya.

THE BIRTH OF CARMI MARTIN. Nagsimula sa showbiz si Carmi Martin noong 1980 sa pelikulang Dolphy's Angels, kunsaan nakasama niya ang Comedy King at ang mga baguhan din noon na sina Anna Marie Gutierrez, Liz Alindogan, at Yehlen Catral.

Simula noon ay nalinya na si Carmi sa comedy films, tulad ng The Quick Brown Fox, Mahinhin Vs Mahinhin, Stariray, For Your Height Only, Boogie, Mr. One-Two-Three, at Manedyer si Kumander.