"Noong lumapit ako kay Perry [Lansigan, his manager], talagang sinabihan ko siya na wala akong trabaho. Kailangan kong kumita ng pera. Kung ako ay may bading, hindi ako magpapakahirap na magtrabaho nang ganyan," says the young star of Jejemon and Bantatay.

 

Photo: Noel Orsal

Kitang-kitang masaya ngayon si Carl Guevara sa mga nangyayari sa kanyang career.  Dalawa ang shows niya sa GMA-7, ang sitcom na Jejemom at ang primetime series na Bantatay.

Ayon kay Carl nang makausap namin last Monday, September 20, sa PPL office, "Sobrang masaya. Maraming blessing na natatanggap. Maraming opportunities na dumarating. So, kailangan talagang pagtrabahuhan nang maayos."

Isa na rito ay ang pagsusumikap niyang maging fit sa ano mang oras, whether or not may pictorial or event na nangangailangan niyang magpakita ng magandang katawan. Kaya kahit busy siya sa kanyang showbiz career, basta may free time, hindi pinapalagpas ni Carl ang magpunta sa gym. 

Sa Bantatay, siya si Norbert na kargador sa pet shop na pagmamay-ari ng uncle ni Jennica Garcia.

"Kargador ako, pero, torpe, mahiyain. Magugustuhan ko siya [Jennica] at ako ang magiging gabay niya. Magiging magkaibigan kami, pero, hindi ko maipagtapat na may gusto ako sa kanya. Hanggang sa makakakita na siya, parang hindi ko alam kung magugustuhan niya ako o hindi."

Magkatambal din sila sa Jejemom, at dito naman, mag-boyfriend-girlfriend na sila, pero magkaiba raw ang dalawang palabas dahil comedy ang Jejemom at drama naman ang Bantatay.

TOTAL PRO. May rumored boyfriend si Jennica, si Alwyn Uytingco. Pero ang love team nina Carl at Jennica ang pinu-push ng GMA-7.  Nararamdaman ba niyang may following na rin sila?

"Tingin ko, oo... kasi, kahit yung ibang tao kinikilig sa tambalan namin. Kahit nga mama ko, sinasabi niya na bagay raw kami. 'Tapos, yung mga iba kong fans, sinasabi nila na gusto nila si Jennica."

Hindi raw hadlang na may boyfriend na in real life si Jennica. "Kasi, si Jennica naman, sa totoo lang, professional, e. Kahit sa trabaho, kung may eksena kaming nagyayakapan, nagki-kiss, minsan merong mga gano'n, okay lang sa kanya. Wala sa kanya yung may limitation kahit meron siyang boyfriend."

Pero minsan ba, naiisip niya na sana, single na lang ito?

"Sa akin kasi, personal na buhay niya yun. Pero mukha naman siyang happy. Kahit sa eksena namin. Kapag nasa taping kami, masaya siya. Blooming siya palagi. So, depende sa pagha-handle. 'Tapos ako, natapat na walang girlfriend.  At ang dami rin kasing trabaho kaya dinidirediretso ko."

Pero may nakarating sa amin na diumano'y sinabi raw niya na kung nagkataong walang boyfriend si Jennica, liligawan niya ito.  Nagulat si Carl sa sinabi namin, pero nakangiti pa rin siyang sumagot:

"Sa totoo lang, crush ko si Jennica. Isa sa mga crush ko 'yan.  So, sa akin, hindi yung in love na in love. Kasi, hindi ko naman siya ganoon kakilala talaga...

"Crush lang. [Ang] in love, ibang usapan na yun. Para sa akin, kapag in love, nasa isip ko palagi siya. Gusto ko siya. Sa akin, crush lang naman... yung humahanga ako sa kanya. Maganda rin siya."