[x]

 

The Eat Bulaga! Dabarkads, headed by Vic Sotto (left) and Joey de Leon (third from left), are grateful that their show has been making Pinoys here and abroad happy for 31 years now.

Photo: Ana Pingol

Successful na nairaos ng Eat Bulaga! Dabarkads ang kanilang show sa Anaheim, California, noong September 18. Humigit kumulang 1,800 katao ang sumadya sa Heritage Forum, kung ang saan ang price range ng tickets ay mula sa $58 hanggang $128 para sa VIP section.

Bandang alas-sais ng gabi nang umalis sa Knotts Berry Farm hotel, na siyang naging official residence ng grupo, ang main hosts na sina Vic Sotto at Joey de Leon patungo sa venue.

Sila ang pinakahuling dinala sa Heritage Forum dahil unlike the female hosts, hindi naman nila kailangan ng mahabang oras for makeup and grooming.

Habang hinihintay ang kanilang limo bus, nagpaunlak muna ang dalawa sa picture-taking para sa mga Pinoy na nakatira rin sa hotel. May dalawang ginang nga na nagmula pa sa San Francisco at nag-abot kay Joey ng sobre. Later ay nalaman naming naglalaman ito ng tig-iisang $20 at $25 bill (o 877 at 1,097 pesos sa kasalukuyang exchange rate).

Para raw ito sa portion na "On the Spot...Jackpot," na pinagbibidahan nina Jose Manalo at Wally Bayola kung saan ay sumusugod ang dalawa sa mga bara-barangay at ang mapiling bahay na may TV set na naka-tune in sa Eat Bulaga! ay maaring magwagi ng premyo. Nangako naman si Joey na makakarating sa kinauukulan ang donation at nagpasalamat sa mga ginang.

Cool na cool lang sina Joey at Bossing Vic habang nasa daan, at dito naikuwento ng huli na nasarapan siya sa Five Guys Burgers, kung saan sila kumain ng nobyang si Pia.

Wala pang 15 minutes ang layo ng venue ng show sa hotel kaya maliwanag pa nang dumating ang dalawang bida sa venue. Ang alas-sais ng gabi kasi doon ay tila alas-kuwatro lamang ng hapon dito sa atin. Ang kaibahan lang ay medyo chilly dahil palapit na ang autumn season. Sa likod sila idinaan para maiwasan ang commotion sa harapan, kung saan nakapila ang mga Pinoy.

SCENES FROM THE DRESSING ROOMS. Backstage, hiwalay ng dressing rooms ang mga lalaking Dabarkads sa mga babae, habang ang mga EB Babes, na may last-minute rehearsal, ay sa mas malaking waiting room nag-ipon-ipon.

Sa dressing room ng mga lady Dabarkads, may tatlong makeup artists cum hairstylists na nakatalaga sa kanila. Pero dahil bihasa rin naman silang mag-makeup ng mga sarili ay buhok na lang halos ang kanilang pinaayos. Si Pia Guanio, pilit na pina-style ang buhok à la Kim Kardashian ng U.S. reality show na Keeping Up With the Kardashians.

Iba naman ang eksena sa dressing room ng male Dabarkads. Tila si Allan K. lang ang namataan naming busy sa harap ng salamin habang ang iba, nagtsitsikahan lang. Inaalaska nina Bossing at Joey si Jimmy Santos, na namalat ang boses. Pinipilit ng dalawang komedyante na magsalita ito pero gesture lang ang ibinigay niyang sagot.

Pine-preserve kasi ni Jimmy ang boses dahil ang pagra-rap niya ang magsisilbing opening number ng show. Tawa nang tawa sina Bossing at Joey sa kanya at lalong kumuwela pa ang alaskahan noong sumali sa usapan si Jose.

BEFORE THE SHOW. Sa lobby ng venue ay busy naman ang mga sponsors sa pagtatayo ng mga booths nila. Kanya-kanyang lagay ng signages, posters, at paninda—ranging from shirts to perfumes and beauty products.

Ang dinig namin ay $2,500 daw ang bayad ng mga sponsors na ito sa producer kapalit ng chance na makapagtinda at makapag-promote ng produkto sa venue during the show. Bale three to fours hours lang sila to do just that dahil after ng show ay pack-up na rin sila.

Alas-siete pasado nang magpapasok ng tao kaya hindi agad nasimulan ang show sa takdang oras na 7:30 p.m. Habang naghihintay, namapak muna ng mga pagkain sa likod ang ilan sa mga Dabarkads. May mga nakahain kasing Pinoy viands at delicacies sa waiting room at tila ang pinaka-hit ay ang biko at turon.

Habang nagpapapasok ng audience, nagkaroon ng last-minute run-through ng show si Direk Bert de Leon, Poochie Rivera, at ang writer na si Jenny Ferre.