"Pero sa eight years na pagsasayaw ko at sa ilang taon na umarte ako sa Daisy Siete, siguro para sa sarili ko, time na rin na maging mature na ako, na mag-grow na ako," says former SexBomb member Sunshine Garcia.

Photo: File photo

 

Matapos ang walong taon ng pagiging miyembro ng all-female group na SexBomb ay tumiwalag na rito si Sunshine Garcia.

 

Nagdesisyon kasi si Sunshine na mag-solo na at mag-concentrate bilang isang aktres.

 

"Noong una, sa totoo lang po, pinag-isipan ko itong mabuti. Tinanong ko din sa sarili ko kung kaya ko na.

 

"Pero sa eight years na pagsasayaw ko at sa ilang taon na umarte ako sa Daisy Siete, siguro para sa sarili ko, time na rin na maging mature na ako, na mag-grow na ako.

 

"Iyon din po ang gusto ko sa sarili ko. Gusto kong mag-grow, gusto kong tingnan yung ibang buhay, yung ibang gawin na hindi pagsasayaw," pahayag ni Sunshine nang nakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa opisina ng Focus Entertainment, Inc, sa Kamias, Quezon City.

 

Pero kahit umalis na si Sunshine sa SexBomb, nananatili naman siya sa pangangalaga ng Focus E ni Joy Cancio. Suportado rin daw ng kanyang manager ang desisyon niyang mag-solo na.

 

Handa na raw si Sunshine na talikuran ang pagsasayaw at magpakaseryoso sa pag-arte sa harap ng kamera.

 

"Kasi ako po, aminado ako sa sarili ko na hindi ako kasing galing ni Ate Aira [Bermudez] sumayaw. So, sa pagsasayaw, alam ko lang kung hanggang saan lang yung limitasyon ko.

 

"Sa pag-arte po kasi, kung tututukan din ako, kung talagang laging may work... Kung minsan, nagsasabi nga ako kay Ate Joy, gusto kong mag-workshop.

 

"Feeling ko, doon talagang mahahasa ako. Kasi sa Daisy, medyo nahasa naman ako kahit papaano," saad ni Sunshine.

 

PROUD TO BE SEXBOMB MEMBER. Sa simula raw ay nahirapan siyang magdesisyon na umalis na sa SexBomb.

 

"Nahirapan ako noong una. Nahirapan akong magdesisyon, lalo na yung last na sayaw ko sa Danz Showdown. Dyusko, umiyak talaga ako!

 

"Off-cam naman na naiyak ako kasi parang eight years, iiwan mo yung grupo mo. So, sabi ko nga, kahit anong mangyari, lagi kong ipagmamalaki na naging SexBomb ako, ipinagmalalaki ko.

 

"Kumbaga, iyon ang grupo ko. Proud ako na naging SexBomb ako," deklara niya.

 

Ano ang naging reaksiyon ni Rochelle Pangilinan sa kanyang pag-alis sa SexBomb? Si Rochelle kasi ang isa sa pioneers sa grupo, na kahit ngayong sikat na ay hindi iniiwan ang SexBomb.

 

"Yung suporta niya naman kasi sa akin, sinabi niya na siguro time na rin, na kaya ko raw.

 

"Sabi ko naman sa sarili ko, parang 'Kaya ko nga ba?' Pero hindi ko naman malalaman kung hindi ko ita-try, e."

 

Si Rochelle at si Mia Pangyarihan ang dalawa sa pinaka-close ni Sunshine sa grupo.

 

FORMER MEMBERS. May ilang members din na umalis sa SexBomb na may mga binitiwang salita laban sa kanilang manager na si Joy Cancio. Na kesyo unfair daw si Joy at hindi pantay-pantay ang pag-aalaga sa SexBomb members.

 

Ano ang masasabi ni Sunshine dito?

 

"Desisyon nila yun, e," sabi niya. "Kasi sila mismo...opinyon po nila yun, e. Sa dami namin, hindi naman po talaga lahat mabibigyan agad ng opportunity na mabigyan ng break, so paisa-isa.

 

"Siguro nabigyan man sila, e... Kung tutuusin, nasama sila sa mga raket, nakapag-abroad sila. Kumbaga, siguro kulang pa din, baka sakaling sa iba nila mahanap."

 

May iba bang members na nagmadaling sumikat kaya umalis?

 

"Siguro, pero hindi ko rin masabi kasi kilala ko din naman... Alam kong may mga talent sila, hindi pa lang siguro ngayon yung break talaga," sabi ni Sunshine.

 

BIGGEST BREAK. Sa ngayon, bilang aktres, isa sa mga latest breaks ni Sunshine ay ang paglabas niya sa primetime series ng GMA-7 na Grazilda. Gumaganap siya rito bilang kontrabida ni Glaiza de Castro.

 

"Inaaway ko si Glaiza," banggit ni Sunshine.

 

"Bale kapitbahay ako nina Geoff Eigenmann. May gusto ako kay Geoff doon, na ang gusto naman niya si Grazilda kaya inaaway ko siya. Meron kaming conflict.

 

"As guest artist lang naman ako doon, pero nakadami ako ng taping days sa kanila. May mga scenes na talagang nag-aaway kami ni Glaiza."

 

Bago ang Grazilda, naging guest din si Sunshine sa Pilyang Kerubin at nakailang season din siya noon sa Daisy Siete.

 

Idolo raw ni Sunshine sa acting sina Jean Garcia at Cherie Gil. Hangad din niyang palarin bilang isang mahusay na character actress katulad ng kanyang mga idolo.

 

Gusto naman niyang maging kapareha sina John Lloyd Cruz, Akihiro Sato, Daniel Matsunaga, at Diether Ocampo.

 

SURVIVOR PHILIPPINES. Muntik na rin palang nakasama bilang castaway sa Survivor Philippines Celebrity Showdown si Sunshine. Tatlo raw sila nina Aira Bermudez at Mia Pangyarihan na nag-audition para mapabilang sa reality show ng Kapuso network.

 

Kuwento ni Sunshine, "Una sinabihan kami, 'Mag-audition kayo sa Survivor.' Nag-isip din ako sa sarili ko kung kaya ko ba. Mamaya ganito ipagawa, ganito-ganyan, baka mamaya hindi ko naman pala kaya.

 

"So, nung nagkakaroon na kami ng meeting, parang, 'Kaya n'yo ba?' Tinanong naman kami. Sagot ko talaga, na hindi ako sigurado. Parang ganun din si Mia, hindi rin siya sigurado.

 

"Kasi aminin na natin, alam ko mahirap ang buhay dun, e. E, si Aira, talagang go na go siya. So, nung siya yung nakuha, okay lang naman sa akin.

 

"Kasi nakita ko din naman yung hirap nila. Na hindi kumakain. Sabi ko, naku, ako pa naman yung tipong kailangan maya't maya may kinakain ako. Pag hindi mo ako pinakain, baka sabihin ko, 'I quit!'" natatawa niyang sabi.

 

Kaya in a way, natuwa si Sunshine na hindi siya ang napili.

 

"Okay lang. Oo, okay lang naman sa akin. Pero tinanong ko din si Aira na, 'Mahirap ba talaga?' Sabi niya mahirap, mahirap daw talaga.

 

"Parang minsan, may ano lang din ako sa sarili ko na bakit hindi mo i-try. Kung hanggang saan lang yung kaya mo, e, di hanggang dun ka lang.

 

"Kaso, pag-iniisip ko, baka sobrang hirap. Ayoko din naman na sumali ako, tapos biglang sasabihin ko, 'Ayoko na, ayoko na.' Na hindi ko naman na-try lahat.

 

"Parang ganun. Sayang din lang," ani Sunshine.