"Happy naman ako na hindi ako nagkamali sa pagtanggap ng Bantatay. Maganda kasi ang mga mensahe ng series tungkol sa pamilya at sa pagbibigay halaga sa animals, lalo na ang mga aso na nagiging parte na ng pamilya natin," says Camille Prats.

Photo: Noel Orsal

Masayang-masaya si Camille Prats dahil sa success ng GMA-7 drama series na Bantatay. Since nag-air ang show nila last September 20 ay maganda na ang ratings nito at maganda ang feedback na natatanggap ng kanilang show, lalo na mula sa animal lovers.

Gumaganap si Camille bilang ang kontrabidang si Daisy sa Bantatay. Marami ang bumabati sa mahusay niyang pagganap bilang mang-aapi ng mga bidang sina Krystal Reyes, Renz Valerio, at Sweet Ramos.

Siyempre pa, natutuwa si Camille sa mga natatanggap na papuri. Pero inamin niya na nagdalawang-isip siya bago gawin ang role. Dahil, bukod sa nakilala siya sa mga mababait na roles, may-ari pa siya ng isang school—ang Divine Angels Montessori sa Cainta, Rizal.

"Inisip ko talaga nang ilang beses bago ko tinanggap ang role na Daisy. Kasi nga, sobrang mean siya sa mga bata at sa mga animals. Para siyang si Cruella De Vil sa 101 Dalmatians.

"Tapos, jologs na jologs pa si Daisy at ang pamilya niya. Mga timawa sila, patay-gutom, at mapang-api talaga.

"Kaya naisip ko na kapag ginawa ko ito, baka matakot na ang mga magulang ng mga bata sa school namin. Baka i-pullout nila ang mga bata sa Montessori! Baka magsara kami... Yun ang mga naiisip ko!" sabay tawa ni Camille habang kausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa GMA Network Center.

A TOUCH OF COMEDY. Pero ipinaliwanag naman si Camille na ang pagiging kontrabida niya ay may halong katatawanan. Mang-api man siya ay napaglalamangan pa rin siya ng mga batang ginagawan niya nang masama.

"Na-convince naman ako kasi maganda talaga ang role. It's the first time na gaganap ako na sobrang bad girl ako. Nasubukan ko na before na magkontrabida sa Ikaw Sana, pero hindi naman masyadong masamang-masama.

"So I gave the role of Daisy a try at hindi ko in-expect na kakatuwaan din pala ng marami ang role ko. Hindi pala madali ang magkontrabida, kaya saludo ako sa mga tulad nila Cherie Gil, Gladys Reyes, Jean Garcia, at Eula Valdes.

"Kasi nga, kailangan in character ka parati. Lahat ng parte ng katawan mo, dapat gumagalaw. Pati ang boses mo, kailangan iibahin mo kasi nga you are keeping up with a mean character.

"So far, nagagawa ko naman nang tama at satisfied sina Direk Don [Michael Perez]. Mas pinu-push nga nila na paglaruan ko pa ang role ko as Daisy," saad ni Camille.

KIDS' REACTIONS. Ikinuwento rin ni Camille sa PEP ang isang insidente na nilayuan siya ng ilang mga bata nang magpunta siya sa isang mall.

Ang ginawa ni Camille, imbes na umalis ay tinawag pa ang mga bata at sinabing hindi naman siya bad girl in real life.

"Doon ko napatunayan na pinapanood talaga ang Bantatay. Kasi ang reaction ng mga bata sa akin, para feeling nila, tatarayan ko sila!" tawa niya.