Hiro Magalona, 16, aspires to enter showbiz after winning in a model search. Hiro's father is a cousin of the late Francis Magalona.

Photo: File photo

Papasok na rin sa showbiz ang pamangkin ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona at apo ng isa sa pinakamalaking artista ng pinilakang tabing na si Pancho Magalona—si Hiro Magalona.

Si Hiro ang male winner sa Mr. and Ms. Olive C Campus Model Search na ginanap sa Skydome ng SM North Edsa noong October 28.

Sixteen years old pa lang si Hiro, pero 5'10" na ang height niya. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa St. John Technical School.

Magpinsan ang ama ni Hiro at si Francis M.

Ayon kay Hiro, marami ang nag-eengganyo sa kanya at nagsasabing puwedeng-puwede siyang pumasok sa showbiz. Bukod kasi sa dala-dala nito ang apelyidong Magalona ay pasok na pasok ang hitsura at height niya para maging isang artista.

MASAMANG EXPERIENCE SA SHOWBIZ. Pero noong una ay wala raw siya talagang balak pasukin ang mundo ng showbiz dahil sa sinapit ng kanyang nakatatandang kapatid na si Benjie.

Sinubukan din daw kasi ng kuya niya na mag-modelo at mag-artista, pero hindi pinalad at binawian ng buhay sa murang edad.

"Yung kapatid ko po talaga ang mahilig mag-artista at mag-modelo at hindi ako," sabi ng aspiring actor nang nakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa compound ng GMA Network noong October 30.

"Yun nga lang," patuloy niya, "hindi siya sinuwerte dahil napunta siya sa maling tao at barkada kaya nadisgrasya siya at namatay.

"Ako kasi, aral at bahay lang. Mahiyain po kasi ako at hindi sanay na makiharap sa mga tao, di tulad ng kuya ko na hindi mahiyain. Yun nga lang, katulad ng sinabi ko, maling tao yung mga nakilala niya sa showbiz. 

"Pero siguro kung okey yung naging manager niya noon, hindi siya magkakagano'n, siguro buhay pa siya ngayon. Nakakalungkot kasi nangarap lang naman ang kapatid ko, pero hindi siya sinuwerte.

"Kaya nga ayokong pag-artistahin o mag-modelo man lang ng parents at relatives ko. Kasi, baka maulit lang daw ang nangyari noon. Pero sabi ko, iba naman si Kuya at iba naman ako. Kaya sabi ko, gusto ko lang i-try."

PAGBAGSAK NG PANGARAP. Ano ba ang nangyari sa kapatid niya?

"Yung kuya ko kasi yung mahilig sa showbiz," sabi ni Hiro. "May naka-discover sa kanya. Pero hindi naman siya naalagaan ng maganda, ayun, napabarkada siya. Buti kung magandang barkada, kaso po hindi.