"Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga rumors na kinausap ko raw si Jennica at sinabi ko na hindi ko gusto ang boyfriend niya. Walang gano'n na nangyayari sa aming mag-ina," clarifies Jean Garcia.

Photo: Noel Orsal

Hangga't maaari ay umiiwas na si Jean Garcia sa pagsagot tungkol sa issue na hindi raw niya gusto ang young actor na si Alwyn Uytingco para sa anak niyang si Jennica Garcia.

Pakiramdam ni Jean, may ibang tao na gustong may masabi siyang hindi maganda tungkol sa current boyfriend ng kanyang anak. Nagtataka lang ang aktres na tuwing tatanungin siya about Alwyn ay may halong negative na issue.

"Sa totoo lang, wala naman akong problema with Alwyn," paglilinaw ni Jean nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa farewell/thanksgiving presscon ng Ilumina last Thursday, November 11.

"Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga rumors na kinausap ko raw si Jennica at sinabi ko na hindi ko gusto ang boyfriend niya. Walang gano'n na nangyayari sa aming mag-ina.

"Normal lang naman na magtanong ako sa anak ko, di ba? May mga nakakarating kasi sa akin na mga tsismis. Ayoko namang palagpasin 'yon. Kaya nga tayo tinawag na ina para protektahan natin ang ating mga anak, di ba?

"'Tsaka kelan naman naging masama ang tanungin ng isang ina ang kanyang anak? Tinanong ko lang si Jen kung totoo ba ito? Kung ano ang sagot ng anak ko, yun ang paniniwalaan ko.

"I know my daughter too well," patuloy niya. "Alam ko kung kelan siya nagsisinungaling. Hindi siya marunong kasi, e. Mahahalata mo agad kung nagsasabi siya ng hindi totoo.

"Kaya kapag nag-usap kami, she always tells the truth at wala namang problema talaga with Alwyn."

GOOD BREEDING. Ayon kay Jean, nakikita naman niya si Alwyn sa bahay nila. Magalang daw ito at mababait ang mga magulang nito.

"Sinasabi ko naman kay Jen na mas gusto ko yung pinupuntahan siya sa bahay ng boyfriend niya. Gusto ko yung nakikita ko sila.

"Gano'n din sila noon ni Mart [Escudero, Jennica's ex-boyfriend]. Susunduin si Jen at ipagpapaalam.

"Alwyn does the same at gusto ko 'yon. Kung lalabas sila, pinapaalam naman ni Alwyn kung saan sila pupunta ni Jen. Ang galang na bata, di ba?"

Dagdag niya, "'Tsaka mababait ang magulang ni Alwyn. Nakausap ko na sila dati at mga disenteng tao sila.

"Kaya alam ko na mabuting tao ang anak nila. Hindi ito gagawa ng kung anong kalokohan sa anak ko. Kaya nahihiya nga ako sa parents ni Alwyn kapag nai-issue ang anak nila lalo na kung may kinalaman sa akin.

"Ako na ang nagsasabi na I have no problems with Alwyn. I trust him because my daughter loves him."