"Hindi naman po ako magpapaalam dahil ayaw naman po akong pahintuin ng magiging asawa ko. I'm very thankful na sabi niya, kung pagod na ako, magpahinga ako sa ibang bagay na ginagawa ko. Pero huwag ko daw iwan ang pagkanta," says Regine Velasquez.

Photo: Noel Orsal

Naging emosyunal si Regine Velasquez sa huling araw niya sa Party Pilipinas kaninang hapon, December 12.

Pansamantala muna kasing hindi mapapanood ang Asia's Songbird sa musical-variety show ng GMA-7 dahil sa paghahanda sa kanyang kasal kay Ogie Alcasid sampung araw mula ngayon—December 22.

Sa bandang huling bahagi ng Party Pilipinas kanina ay binigyan ng maliit na "tribute" si Regine.

Pagkatapos kantahin ng singer-actress ang isa sa mga awitin sa kanyang bagong album na Fantasy—ang "Ok Lang Ako" na nilika ni Chito Miranda ng Parokya Ni Edgar—ay iginawad sa kanya ang Gold Record Award.

Wala pang isang buwan na na-release ang bagong album ni Regine, pero nag-Gold na ito. At ayon sa Universal Records boss na si Kathleen Dy ay No. 1 dahil sa lahat ng record stores.

Sa kanyang pagpapasalamat, nabanggit ni Regine na na-realize niya na ang Fantasy na pala ang huling album niya bilang "Regine Velasquez." Next year kasi ay magiging "Mrs. Ogie Alcasid" na siya.

Pagkatapos ng awarding kay Regine ay sumunod na ang pagkanta ng mga kasamahan niya sa programa na sina Jaya, Kyla, Rachelle Ann Go, at ang La Diva (Jonalyn Viray, Aicelle Santos, at Maricris Garcia) ng ilan sa mga pinasikat niyang mga kanta: "Kailangan Ko'y Ikaw, "Love Me Again," "Dadalhin," at ang cover version ng "On The Wings of Love."

Pagkatapos bumirit ni Jaya ng "On The Wings of Love" ay tinawag niya si Regine, na katabi ni Ogie sa may gilid ng stage, para magsalita at magbigay muli ng isang awitin.

NEW PAGE IN REGINE'S LIFE. Pag-akyat ng Asia's Songbird sa stage, natatawang sinabi niya kung bakit binibigyan siya ng tribute samantalang hindi naman siya tuluyang magpapaalam sa Party Pilipinas.

"Hindi ako magpapaalam, mag-aasawa lang ako!" bulalas niya.

Pagkatapos nito ay naging seryoso na si Regine at nagsalita siya tungkol sa bagong yugto na papasukin niya sa kanyang buhay.

Sabi niya, natapos na ang "pag-iisip" niya para sa kanyang mga magulang at mga kapatid.

"Tapos na po ako do'n. Lahat po ng mga kapatid ko, and thank God, they are all doing well. And my parents are doing well also.

"Maraming salamat kay Lord kasi natapos ko na 'yon," naluluha nang sabi ni Regine.