"Siguro lang, hinahanap ng katawan ko ang trabaho. Fifteen years old ako, waitress na ako, tumutulong na ako sa pamilya ko. Sanay akong hindi humihingi, gusto ko, kumikilos din ako. Nabobobo ako nang walang ginagawa, hindi ako naggu-grow," says Klaudia Koronel.

Photo: File photo


ORLANDO, FLORIDA — Personal na nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang dating aktres na si Klaudia Koronel dito sa Orlando, Florida.


Bilang pagdiriwang kasi ng kanyang kaarawan last December 19, tatlong araw (December 18-20) na nagbakasyon si Klaudia at ang mister niyang si Andy Zhang sa Orlando.


Bakit sa Orlando niya naisipang mag-celebrate?


"Kasi hindi pa ako nakakarating sa Florida. Halos lahat ng states sa Amerika, e, napuntahan ko na, sa Florida na lang hindi pa," pahayag ni Klaudia.


Noon pa raw niya naging pangarap na maikot ang U.S. dahil noong una siyang mag-apply ng visa ay na-deny siya.


"Kasi, alam mo yung meron kang dream noon pa na hindi mo makuha-kuha? Kasi yung first time kong mag-apply ng visa, dinenay ako.


"E, na-depress ako noon. Mula noon, sabi ko, ayoko nang pumunta sa Amerika, na kung magta-travel ako, hanggang Canada lang.


"Alam mo yung na-trauma ka? Akala ko kasi ang pagpunta sa Amerika, parang Hong Kong lang, bibili ka lang ng tiket, tapos!" natatawang sabi pa ni Klaudia.


Ngayon, bukod sa nakapag-travel na siya sa iba't ibang parte ng mundo, nakatira na ngayon si Klaudia sa U.S., lalo pa nga at doon naka-base ang mister niya.


Isa pang ikina-excite ni Klaudia ay ang makita ang Disneyworld.


Narating na raw niya ang Disneyland sa iba't ibang bansa, kaya excited siyang marating ang Disneyworld sa Orlando, ang pinakamalaking Disney theme park, na masasabing dream come true rin para sa aktres.


Ikinagulat nga raw ni Klaudia na pinagbigyan siya ng mister niya na mamasyal ng tatlong araw.


"Adventurous akong tao, siya business-minded, gusto niya puro trabaho.


"Makikita mo sa kanya yung effort na pasayahin ako. Minsan hindi siya yung tao na ibibigay ang lahat ng panahon sa iyo, laging trabaho.


"Pero minsan naman pag nagbigay siya ng regalo, talagang mata-touch ka, na nakapasyal kami kahit sa maikling panahon lang."


BUSINESSWOMAN. Tulad ng mister ni Klaudia, negosyante na rin ang aktres dahil nagtayo siya ng isang homecare facility sa Gilbert, Arizona.


"November 10 kami nagkaroon ng license," banggit niya.


"Dito sa Amerika, hindi ganoong kadali magkaroon ng license, sobrang higpit, dadaan ka talaga sa inspection. Kailangan perfect kasi buhay ang aalagaan mo, e."


Bakit niya ito naisipan?


"Kasi dati... ako yung tipong... kung tatanungin ng 'Ano pa ba ang hahanapin ko sa asawa ko? Lahat ibinigay niya, bahay, magandang sasakyan.'


"Kahit siya minsan, tinatanong niya ako, 'Ano pa ba ang gusto mo, ibinibigay ko na naman lahat ng kailangan mo?'


"Siguro lang, hinahanap ng katawan ko ang trabaho. Fifteen years old ako, waitress na ako, tumutulong na ako sa pamilya ko.


"Sanay akong hindi humihingi, gusto ko, kumikilos din ako. Nabobobo ako nang walang ginagawa, hindi ako naggu-grow."


Dagdag niya, "Maganda ang tandem namin, siya sa accouting, sa pera. Ako sa pagma-manage mismo, sa pagiging hands-on.


"Bago kami nagkaroon ng unang pasyente, dumaan muna kami sa may mga pumunta, nag-inquire, pero hindi naman natuloy.


"Apat-tatlo ang pumunta. Pero siyempre dahil bago kami, wala pang trust sa amin, hindi natutuloy."


Naniniwala si Klaudia na magiging successful ang business niya sa U.S.


"Kasi sa Arizona, 'yan yung isa sa number one sa requirement, kasi dun, mainit.


"So, lahat ng galing sa malamig, like sa New York, Chicago, ang punta nila niyan, sa Arizona or Florida. Pero mas madalas sa Arizona kasi mainit.


"Pag malamig na, masakit na ang mga joints nila, so Arizona ang gusto nila.


"Hands-on ako, nag-training ako. Ako mismo ang naglilinis at gumagawa ng mga bagay-bagay.


"Kaunti pa lang ang staff ko, kasi nga, wala pa naman kaming pasyente, iisa pa lang.


"Hindi ganun kadali kasi buhay ang hahawakan mo, ang aalagaan mo.


"Kung alam ko lang sa medical ako [mapupunta], nag-Nursing na sana ako."


SETTLING IN U.S. Pero hindi naman niya pinagsisishan na nag-artista siya. At malamang na talikuran na ni Klaudia ang pag-aartista.


"Alam mo, kahit anong kagustuhan kong bumalik, e, nandito ang asawa ko, mahirap na."


So, magse-settle na siya sa U.S.?


"Oo, dahil nga nandito nga ang asawa ko, e," sagot ni Klaudia.


Paano ang mga naiwan niyang properties sa Pilipinas?


"Iyon ang worry ko. May tenants ako, may mga properties ako. Ang mga tenants ko, may nag-extend pa.


"Pero meron akong staff doon, may katiwala ako doon."


Pinag-iisipan rin niyang ibenta ang mga ari-arian niya sa Pilipinas.


"Pero siyempre, papakiramdaman ko muna, pag-aaralang mabuti."


So hangga't maaari, sa ngayon, magpapabalik-balik muna sa U.S. at Pilipinas si Klaudia.


Sa ngayon, hinihintay ni Klaudia ang pagbaba ng petisyon para maging green-card holder siya.


Ang asawa ni Klaudia na si Andy na based sa U.S. ay green-card holder.


Tinanong namin si Klaudia kung wala pa silang balak ni Andy na magkaanak.


"Kasi nagpa-TB test para sa papers ko sa Immigration, hindi puwedeng mag-pregnant for three months, baka magkadiperensiya yung bata o baka malaglag," saad ni Klaudia.