"2010 has been so good to our family. Kaya every Christmas, we want to give something back bilang pasasalamat namin sa mga biyaya na natatanggap namin," says actress-politician Lani Mercado.

Photo: Noel Orsal

Isa sa mga wish ni Rep. Lani Mercado ngayong Pasko ay ang manguna sa box-office ang pelikula ng kanyang mister na si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. with Vic Sotto, ang Si Agimat At Si Enteng Kabisote na ipapalabas na bukas, December 25.

Alam ni Lani na matitindi ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa taong ito kaya ang manguna sa takilya ngayong Pasko ang hinahangad ng mga may kalahok na pelikula sa taunang filmfest.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Lani sa isang event sa Eastwood City sa Libis, Quezon City, sinabi nito na saksi siya sa naging hirap ng kanyang mister sa paggawa ng pelikula nito with Vic.

Halos hindi na raw natutulog si Senator Bong dahil hinahati nito ang oras sa paggawa ng pelikula, taping para sa kanyang Kap's Amazing Stories, at sa tungkulin niya bilang isang senador.

"Gusto ko lang naman na masulit ang lahat ng naging hirap ni Bong sa movie nila ni Vic," sabi ni Lani.

"Nakita ko kung gaano sila nakatutok sa pag-shoot ng movie. Gusto kasi nila na maging maganda ito para sa buong pamilya ngayong Pasko.

"Saan naman kasi magkakamali sa movie nila? Two big actors in one big movie, parang aabangan talaga siya.

"Every year naman kasi, naglalabanan sila ni Vic sa box-office ng MMFF. Why not nga naman na magsama sila, di ba?

"Kung tutuusin ay very ambitious ang project pero nagawa nilang matapos ito despite their busy schedules."

VICTORIOUS YEAR. Naging maganda ang taong 2010 kay Lani at sa kanyang pamilya. Ang pagkapanalo niya bilang congresswoman ng Bacoor, Cavite at ang pagiging number one ni Bong sa senatorial race ay sobra-sobrang blessing na raw para sa kanila.

"2010 has been so good to our family. Kaya every Christmas, we want to give something back bilang pasasalamat namin sa mga biyaya na natatanggap namin.

"Kaya sa Bacoor, tuloy ang projects natin para sa kabataan at kababaihan. May projects din tayo for the different barangays of Bacoor.

"Unti-unti na nating nagagawa ang mga naipangako natin sa mga sumuporta sa pamilya namin," sabi ni Lani.

Panay rin ang bigay nila ni Bong ng advice sa anak nilang si Jolo Revilla, na nanalo namang barangay captain sa Panapaan, Bacoor, Cavite sa nakaraang barangay elections.