Excited na si Kylie Padilla sa pagbabalik-showbiz niya at sa kanyang muling pag-arte sa telebisyon. Ito ay sa pamamagitan ng bagong telefantasya ng GMA-7, Dwarfina, na mapapanood simula Lunes, January 10.
Unang lumabas si Kylie sa Joaquin Bordado ng GMA-7 noon pang 2008, sa action series na pinagbidahan ng ama niyang si Robin Padilla.
Last year naman ay pumirma si Kylie ng two-year contract sa GMA-7 kaya siguradong tuluy-tuloy na raw ang pag-aartista niya.
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Kylie sa presscon ng Dwarfina kagabi, January 4, sa Studio 7 ng GMA Network.
BACK TO SHOWBIZ. Bakit natagalan ang pagbabalik-showbiz niya?
"Kasi nag-aral po ako noong 2009. Then 2010, nag-training po ako.
"Pinaghandaan ko rin yung pagbabalik ko sa showbiz—sayaw, kanta, martial arts din," paliwanag ni Kylie.
Pero ngayon daw ay nag-stop muna ulit siya sa pag-aaral para ituloy ang pag-aartista.
Ano ang nagtulak sa kanya para magdesisyong balikan ang pag-arte?
"Noong bumalik po ako sa Australia, na-miss ko pong mag-artista. Parang gusto ko pong mag-artista na ulit."
Sa Australia nakatira ang ina niyang si Liezl Sicangco at mga kapatid na sina Zhen-Zhen at Ali.
Ano ang advice ng ama niya ngayong balik-showbiz na siya?
"Huwag masyadong mahiyain, sabi ni Papa," sagot ni Kylie.
How about her mom, ano ang sabi sa kanya nito?
"Be strong. Kasi may mga darating na intriga."
Nilinaw rin ni Kylie ang lumabas na isyung ayaw ng ina niya na pag-artistahin sila ng kapatid niyang si Queenie Padilla.
"Hindi naman po siya umayaw. Siya po ang nagsabi na okay lang na mag-artista kami basta masaya kami sa ginagawa namin," paglilinaw ng dalaga.
ON HAVING A LOVE TEAM. Kung sa Joaquin Bordado ay sumabak si Kylie sa action scenes dahil sa role niyang lady warrior, dito sa Dwarfina ay magda-drama naman siya bilang si Chloe, ang "Am girl" na kapatid ni Lyndon (Dennis Trillo).
"Mature na rin po ang role ko rito sa Dwarfina, hindi na po yung pa-cute. Magda-drama na po ako rito," banggit niya.
Hindi pa raw siya nakakapag-taping kaya wala pa siyang gaanong maikuwento about her role. Pero may ka-love team si Kylie sa Dwarfina—ang tween star na si Derrick Monasterio.
Okay lang ba sa Papa Robin niya na magkaroon na siya ng ka-love team?
"Okay na po sa kanya," sagot ni Kylie.
THE DEBUTANTE. Sa January 25 ay ipagdiriwang ni Kylie ang kanyang ika-18 na kaarawan. Pero ayon sa dalaga, wala raw siyang planong magkaroon ng debut party.
"Mas gusto ko pong magtrabaho sa birthday ko kaysa mag-party," aniya.
Ayaw niya bang mag-debut katulad ng ibang kadalagahan?
"Siguro po, maghahanda na lang ako. Magpapakain na lang ako. Pero wala nang party na malaki."
Paano kung bigyan siya ng big party ng Papa Robin niya sa birthday niya?
"Thank you na lang," ang matipid na sagot ni Kylie.
Ano na lang ang birthday wish niya?
"Maging masaya kaming lahat ng pamilya ko. Pati pamilya ni Papa at pamilya ni Mama," na ang tinutukoy ni Kylie ay ang bagong pamilya ng kanyang mga magulang matapos silang maghiwalay.
SUITORS. Ngayong dalaga na siya, inamin ni Kylie na marami na ring nanliligaw sa kanya. Pero wala pa raw siyang sinasagot sa mga ito.
Ayaw pa raw niyang magka-boyfriend sa ngayon dahil gusto nga niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang showbiz career.
Hindi ba siya hinihigpitan ng Papa Robin niya sa mga manliligaw niya?
"Pumayag na po siya basta po pupunta lang sa bahay. Kailangan, sa bahay po manliligaw," sabi niya.
Ano ba ang ideal man niya for a boyfriend?
"Honestly, yung aalagaan ako. Hindi babaero."
May usapan ba sila ng ka-love team niyang si Derrick na wala munang ligawan ngayon?
"Nahihiya pa rin siya, e!" natatawang sabi ni Kylie.
"Secret" naman ang sagot niya nang matanong kung sino ang showbiz crush niya.
ON TITA MARIEL. Tinanong din ng PEP si Kylie tungkol sa bagong asawa ng kanyang ama na si Mariel Rodriguez.
Kumusta sila ng Tita Mariel niya?
"Mabuti naman po. Magkasundo po kami sa makeup at saka sa mga damit. Magkasama po kaming mag-shopping. Parang yun po ang bonding namin," sabi ni Kylie.
Niregaluhan na raw siya ni Mariel ng Mac makeup. Siya ba ay may ibinigay na kay Mariel?
"Wala pa, kasi nag-iipon pa ako. Ngayon lang po kasi ako magkakatrabaho ulit," sagot niya.
Ano ang nagustuhan niyang ugali ni Mariel?
"Sweet po siya," maikling tugon ni Kylie.