"I enjoy being busy again in showbiz dahil ito naman ang mundo na una nating minahal bago ang politics. Ngayon, bumabalik lang tayo sa unang minahal natin," says Jestoni Alarcon.

Photo: Noel Orsal

Kahit hindi pinalad na manalo si Jestoni Alarcon bilang congressman ng 2nd district ng Antipolo, Rizal, noong May 2010 elections, hindi ito naging dahilan para itigil ang kanyang pagtulong sa tinakbuhang distrito.

Ayon sa aktor, hindi matatapos sa kanyang pagkatalo ang kanyang ipinangakong tulong sa mga kababayan niya sa Rizal. May mga proyekto pa rin daw siyang itinutuloy sa tulong ng ilang mga kasamahan niya.

"Hindi porke't natalo ka, hanggang doon na lang 'yon," sabi ni Jestoni.

"Siyempre, may mga binitawan kang mga pangako sa mga tao doon. Ako naman, win or lose, nandiyan pa rin tayo para tumulong at ipatupad ang mga nasabi ko.

"Hindi naman tayo tulad ng iba diyan na hindi lang pinalad na magkaroon ng posisyon, titigil na sa pagtulong.

"Kung sincere ang iyong hangad na tumulong, you don't really have to be in government or have a position in government in order to help."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jestoni sa presscon ng Dwarfina sa Studio 7 ng GMA Network Studios noong Martes, January 4.

Nagsilbi bilang councilor noong 2001 at vice governor noong 2004 ng Rizal si Jestoni kaya marami na siyang naging experience pagdating sa pagtulong sa maraming tao.

Aniya, "Kung experience din lang, marami na tayong nagawa. And siguro nga, hindi para sa atin ang maging congressman.

"Baka sa susunod na election, hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari. I can say na naging maayos naman ang pagsilbi ko sa mga taga-Rizal and makakaasa pa rin sila sa mga maibibigay kong tulong sa kanila."

FOCUSING ON SHOWBIZ CAREER. Ngayon ay ang showbiz career naman niya ang haharapin ni Jestoni at ipagpapaliban niya muna ang politics.

Nitong Metro Manila Film Festival (MMFF) nga ay nakasama siya sa dalawang pelikula—Ang Tanging Ina Mo (Last Na 'To!) at Super Inday and the Golden Bibe.

Sa TV naman ay kasama siya sa cast ng bagong telefantasya ng GMA-7 na Dwarfina, kunsaan gumaganap siya bilang Ditu Calixto, ang butihing hari ng mga duwende.

"Nagkasunud-sunod ang mga projects ko and natutuwa naman ako at nagiging busy ulit tayo kahit na nasa ganitong edad na tayo," nakangiting sabi ni Jestoni.

"I'd like to thank GMA-7 kasi parati naman akong may project sa kanila basta available ako. Ginawa ko before sa kanila yung Twin Hearts, Sugo, Marimar, Darna, at Stairway To Heaven. Nagkaroon din ako ng guest role sa Beauty Queen.