Politics is full of star power. (Clockwise, from top right) Celebrities who have careers in government include Batangas Governor Vilma Santos-Recto, Quezon City Mayor Herbert Bautista, Sarangani Rep. Manny Pacquiao, and Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla.

Photo: Noel B. Orsal

Mula ngayong Enero 2011 ay sisikapin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na sundan ang mga aksyon ng mga personalidad sa showbiz na may mga puwesto sa gobyerno.

Hangad ng PEP na magbigay ng isang pagtataya kung karapat-dapat ba ang mga natanggap nilang boto mula sa mga Pilipino.

Narito ang ilan sa mga bagong kaganapan tungkol sa ilang mga artista na nasa gobyerno:

 

HERBERT BAUTISTA. Noong isang linggo ay nabalita ang pagbibigay-gantimpala ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa isang traffic enforcer na pumansin sa traffic violation ng mayor mismo.

 

Ayon sa mga balita, ilang oras na lang bago ang New Year's Eve noong makita ni Sol Botillo, isang veteran traffic aide, ang isang pulang Ford Expedition sa intersection ng Kamuning at Tomas Morato. Tila nagmamadali ang sasakyan at nag-"beat the red light" ito.

 

Pinara ni Botillo ang sasakyan, at kinausap ang driver sa loob. Nag-lecture raw ito tungkol sa traffic rules. Dahil madilim na, hindi nakilala ng traffic aide na si Mayor Herbert ang siya mismong nagmamaneho ng Ford Expedition.

 

Hiningi raw ni Botillo ang lisensiya ng di pa niya nakikilalang driver nang dalawang beses bago raw magsalita at manghingi ng tawad ang driver para sa kanyang traffic violation.

 

Dito na raw nakilala ni Botillo ang boses ng alkalde, at siya naman ang humingi ng paumanhin dito. Gaya nang nararapat, binigyan ng traffic aide ng warning si Mayor Herbert bago ito pinamaneho muli.

 

Bago umalis si Mayor Herbert, inimbita niya si Botillo na pumunta sa kanyang opisina.

 

Noong sumunod na Lunes, Enero 3, tinawag ng alkalde si Botillo sa harap ng mga tauhan ng City Hall sa kanilang regular flag ceremony.

Dito ay binigyan ni Mayor Herbert ng promotion si Botillo at ng pabuyang P10,000 dahil sa pagiging tapat sa kanyang tungkulin.

 

"Dapat tularan siya ng ibang mga traffic aide dahil ginagawa niya nang maayos ang kanyang trabaho," pahayag ni Mayor Herbert sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News.

 

VILMA SANTOS-RECTO. Nakiramay naman si Batangas Gov. Vilma Santos-Recto sa mga biktima ng isang aksidente sa STAR Tollway.

 

Ayon sa website ng Provincial Government of Batangas, bumisita si Governor Vi sa tahanan ng pamilya Festijo sa Bgy. Tinga, Batangas City upang personal na makiramay.

Kasama ng gobernadora si Vice Governor Mark Leviste, at ipinaabot nila sa mga kamag-anak ng biktima na handang tumulong ang Pamahalaan Panlalawigan sa kanila.

 

Pitong miyembro ng pamilya Festijo ang nasawi sa aksidente, kung saan nabangga ng isang pampasaherong bus mula sa Gazat Bus Lines ang sinasakyang jeep ng mga Festijo sa STAR Tollway noong Enero 2.

Tatlo sa mga nasawi sa aksidente ay mga menor de edad.

Samantala, apat naman ang nasaktan at mabilis na isinugod sa ospital.

Bilang pangunang tulong, binigyan ni Governor Vi ng direktiba ang Provincial Social Welfare Office at Provincial Health Office na gawing prayoridad ang pinansiyal at medikal na pangangailangan ng pamilya ng mga nasawi sa trahedya.

Hihingi rin ng dayalogo ang gobernadora sa pamunuan ng STAR Tollway para maiwasan ang mga aksidenteng nangyayari sa mga sasakyang humahagibis sa expressway.

LANI MERCADO-REVILLA. Sa kasalukuyan ay author na si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla ng 26 House bills, ayon sa website ng House of Representatives, 15th Congress.

Kasama rito ang HB 00521, o "An Act of Creating the City of Bacoor." Matatandaang isa ito sa mga nasabing prayoridad ni Lani bago pa man siya mahalal na congresswoman.

Ayon sa kanya, mas mapapadali ang pag-unlad ng kanyang nasasakupan kung maging siyudad ito.

Isa pa sa mga House bills ni Representative Lani ay ang HB 02445, o "An Act Prohibiting the Riding or Transporting of Children Seven Years Old and Below on Motorcycles Along Highways."

Hangad nito ang maprotektahan ang mga batang inaangkas ng mga magulang habang nagpapaandar ng mga motorsiklo.

Isa pa sa mga batas ni nai-file ni Representative Lani ay ang HB 02658, o "An Act Prohibiting the Use of the Word 'Muslim' or 'Islamic' in Print, Radio, Television Including Cable Television and Other Forms of Broadcast Media to Refer To or Describe Any Person Suspected or Convicted of a Crime or Unlawful Act and Providing Penalities Therefore."