Isang birthday celebration ang inihanda ng The Buzz para sa isa sa mga host ng show na si Toni Gonzaga noong Linggo, January 16.
Toni will turn 27 years old on January 19.
Pagkatapos bumati ng mga taong malalapit kay Toni ay magkasabay na ininterbyu nina Boy Abunda at Charlene Gonzalez-Muhlach si Toni.
Ang unang tanong ni Boy kay Toni ay kung kumusta na sila ng boyfriend niyang si Paul Soriano at kung may birthday gift na ba ito sa kanya.
"Wala pa siyang gift!" natatawang sagot ni Toni.
"Wednesday pa talaga ang birthday ko. Tapos, ang alam ko, nasa Makati siya ngayon. Final presentation ng ginawa niyang commercial.
"I don't know if he's watching, sana he's watching. Alam mo na?" natatawang biro pa niya sa boyfriend.
Sa VTR para kay Toni, first time na ni-reveal ng ama niya na boto na siya at gusto na niyang magkatuluyan ang anak at si Direk Paul. Ano ang reaction ni Toni sa sinabi ng kanyang ama na aprub siya kay Paul?
"Alam n'yo... Sige, ikuwento ko na nga. Inabot siya halos ng tatlong taon bago nasabi ng daddy ko 'yan. Three years na pinaghirapan ni Paul para makuha yung ganoong trust at pagmamahal ng daddy ko para sabihin ng daddy ko na aprub na siya.
"Kasi, di ba, ang lahat naman ng mga daddy, parang hirap na hirap silang tanggapin ang love life ng kanilang anak? Na dalaga na ang kanilang anak?
"So, ngayon, medyo natatanggap na ng daddy ko. At para sabihin niya yun, natutuwa ako. Thank you, Daddy."
IDEAL TIME. Hirit ni Charlene, siya raw ay nag-asawa when she was 27 years old. Si Toni ay 27 na, kaya may plano na rin ba siyang magpakasal in the near future?
"Palagi n'yo 'yang tinatanong sa akin," sabi naman ni Toni.
"Mabuti na lang, hindi ko hinabaan itong white kong dress. Kung mahaba pa 'to, magmumukha na talaga akong ikakasal, diretso na talaga ng kasal!
"Palaging tinatanong 'yan sa akin. And I always say, darating tayo diyan.
"At saka, wala naman sa babae yun. Magpapa-sweet lang, magpapaganda lang ako. Pag go na, e, di go! Wala naman talaga sa babae yun."
May ideal time ba siya to get married?
"Alam naman ni Paul ang ideal time ko, e. Ang ideal time ko talaga at palagi kong sinasabi, at the age of 30.
"Siguro by that time, na-enjoy ko na lahat ng mga leading men. Charos!" natatawa niyang biro.
Dugtong niya, "Na-enjoy ko na ang trabaho. Lahat sa industriya.
"Kasi kanina sa ASAP, I celebrated my 10 years in the industry at sampung taon na ako.
"At para sa akin, napakasarap ng pakiramdam na magtagal ng ganoon sa industriyang ito. And given the opportunity to stay, I would like to stay longer.
"Kaya sabi ko, ang trabaho minsan lang dumating. Pero ang pagpapakasal at pag-aasawa, e, any time naman yun, di ba?"
Pero kinontra ni Boy ang sinabi ni Toni na any time ang pagpapakasal.
WISHING FOR WISDOM. Boy then asked Toni kung ano ang laman ng puso nito ngayong nagdiriwang siya ng kaarawan.
"Yung isa kong wish, sabi ko, nagpi-pray ako last year, noong ginagawa ko ang My Amnesia Girl. Sabi ko, 'Sige, i-package deal ko na Lord, birthday gift at saka Christmas gift ko, sana kumita yung Amnesia Girl.'
"So, noong mangyari yun, sabi ko, 'Ang bait mo, Lord. Ang hinihingi ko lang naman kahit mag-break-even. Ang ibinigay Mo, sobra-sobra naman.'
"So, parang this year, instead of wishing something for myself, siguro I'd rather give back na lang sa mga natanggap kong blessings.
"At siguro, wish ko personally for myself would be wisdom. Wisdom in terms of discernment. In terms of decision-making and in terms of dealing with people na sana, madagdagan ang wisdom ko. And also, with hosting."
MARIEL'S TEXT MESSAGE. Sa puntong ito, Boy cut the interview to tell Toni na may sorpresa na dumating para sa kanya. Ito ay isang text message mula kay Mariel Rodriguez.
Si Mariel ang isa sa pinakamalapit na kaibigan ni Toni, pero noong nakaraang taon ay nagkaroon sila ng tampuhan dahil sa ilang isyu na naglabasan sa pagitan nila.
Binasa ni Boy ang nilalaman ng text message na alaga niyang si Mariel:
"Happy, happy, happy, happy birthday, Toni!
"I'm very happy for you dahil napakarami mong blessings na natatanggap. You deserve them because you worked so hard.
"A lot have happened. But one thing is for sure, you will always have a friend in me.
"It's not the first time that it happened to us. But I think our friendship is strong enough to surpass any obstacle. Mangingibabaw at mangingibabaw ang ating pagiging magkaibigan.
"Hindi lamang kaibigan ang turing ko sa 'yo. Isa kang kapatid. Alam mo 'yan.
"Happy, happy, happy birthday, Toni.
"My birthday wish is just simple. I hope you're happy and Toni, ako, nagpakasal na. Ikaw naman ang next. He-he-he!
"Happy Birthday!"
Pagkatapos nito ay nagbigay naman ng pahayag si Toni tungkol sa text message ni Mariel.
"Thank you, thank you, Ma. Thank you, thank you for that message.
"It's been a long time since huli tayong magkita. And I'm looking forward na magkita tayo one of these days.
"Thank you for wishing me well kahit noong Christmas.
"And just like kung ano ang nararamdaman mo, kung anuman ang nangyari noon, I will always treasure you in my heart. I miss you."
Nag-follow-up naman si Charlene ng tanong kung ano ang nararamdaman ni Toni hearing Mariel again.
"I think, siguro, yung mga ganitong pinagdadaanan, or yung mga ganitong nararasanan namin, it helps us mature and really know who and what to value in life.
"Kaya that's one thing siguro that we're taking away from what we've been through—ako, si Bianca [Gonzales], at si Ma."
