"Kahit sinong artista naman, kapag nagkaroon ng hilig sa showbiz ang anak, ang sasabihin dapat magtapos muna ng pag-aaral. Pero pag dumating ang tamang panahon, di sige, sabi ko, 'Tutulungan ko kayo... Gagawin ko kayong produkto, pero dapat patunayan n'yo na may talent talaga kayo,'" says Sylvia Sanchez about managing her children who will enter showbiz.

Photo: Noel Orsal

Malaking paghahanda para sa plano niyang mag-manage ng talents ang kasalukuyang binubusisi ng character actress na si Sylvia Sanchez. Sa palagay niya, ngayong 2011 ang tamang panahon para sa pagsisimula nito.

At kaiba sa karaniwang nagpaplanong mag-handle ng talents, extension ng kanyang mga responsibilidad ang gagawin ni Sylvia. Ito ay dahil ang pagiging mommy niya ng mga anak na sina Ria (18 years old) at Arjo (20 years old), na kapwa papasok sa showbiz, ang higit na masusubok. 

Kumbaga, may panibagong dimension sa pagiging ina ang susubukin ng actress-mom.

Sina Arjo at Ria ay dalawa lamang sa limang anak nila ng kanyang businessman-husband na si Art Atayde. Ang tatlo pa ay sina Pia, 22; Gella, 8; at Xavi, 1.

"Iba pala pag anak ko. Dahil may hilig sila, bibigyan ko sila ng pagkakataon, pero hindi ko rin sila puwedeng pabayaan na lang," sabi ni Sylvia nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Linggo ng gabi, January 16, sa TJ restaurant, na pag-aari nila ng kanyang mister. 

Nakausap ng PEP ang award-winning actress habang ginaganap ang birthday celebration ng kaibigan nilang si Alex Muhlach, ang ama ni Aga Muhlach.

"Kahit sinong artista naman, kapag nagkaroon ng hilig sa showbiz ang anak, ang sasabihin dapat magtapos muna ng pag-aaral.

"Pero pag dumating ang tamang panahon, di sige, sabi ko, 'Tutulungan ko kayo... Gagawin ko kayong produkto, pero dapat patunayan n'yo na may talent talaga kayo.'

"E, talented naman ang mga batang 'yan," pagmamalaki ni Sylvia sa mga anak. "Lahat sila, magagaling magsayaw at marunong ding kumanta. 

"Yung mga babae, puro magaling na dancer. Tapos, si Arjo, napakahusay ring sumayaw. Kasali sila sa [dance groups] sa schools nila.

"Si Arjo, sa La Salle nag-aral. Sina Pia at Ria, parehong nag-aral sa Poveda."

OFFER FROM STAR MAGIC. Nabanggit din ni Sylvia ang paghimok ng Star Magic na maging kabahagi ng talent management outfit ng ABS-CBN ang dalawa niyang anak.

"Noon pa sila gustong kunin ni Mr. Manahan [Johnny Manahan, Star Magic head]," pag-inform din ng aktres. 

"Si Arjo, sinabihan ni Mr. Manahan, 'Come back to me when you have abs...four-packs abs! E, ngayon nga, six packs na! He really did work out to get in shape."