Kamukha ni Daniel Matsunaga ang lalaking tila nakipaghalikan sa isang babae sa isang video na nakunan ng CCTV camera.

Photo: Screengrab from Youtube

May kumakalat ngayong video kung saan tila nakikipaghalikan ang isang lalaki sa isang hindi kilalang babae sa loob ng elevator. (CLICK HERE to watch the video.)

Base sa hitsura ng lalaki, hawig ito sa Brazilian-Japanese model-actor na si Daniel Matsunaga.

Naka-post na ang video sa YouTube simula pa kahapon, January 23. Ayon sa statistics ng video-sharing site, umabot na sa mahigit 1,000 ang nakapanood ng naturang video.

Kuha ng isang CCTV camera ang video na tumagal ng 38 seconds. Naka-imprint sa video ang oras at petsa na 3:17 p.m. ng January 8, 2011.

Sa video, makikitang magbubukas ang elevator, at papasok ang isang magandang babae. Susunod naman papasok ang isang lalaking kamukha ni Daniel.

Matapos magsara ang pinto ng elevator, may pupulutin ang lalaki sa sahig sa harap ng babae. Pagtayo niya, aakma siyang hahalikan ang babae, na hindi siya pipigilan.

Sa unang tingin ay parang hinahalikan ng lalaki ang babae, pero posibleng ikinakabit niya lang ang hikaw na nalaglag sa tainga ng babae.

Matapos ang pitong segundo, bubukas ang pinto ng elevator. Unang lumabas ang babae, at susunod ang lalaki.

Bago umalis ang lalaki ay titingnan niya ang CCTV camera, kung saan makikita ang mukha ng lalaki na kahawig na kahawig nga ni Daniel.

Hindi nakasaad sa video kung saan kinunan ang naturang video.

REAL OR TVC? Hindi rin malinaw sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kung totoo ang video, o staged ito.

Ayon kasi sa mga nakapanood na ng video sa YouTube, maaaring eksena lamang ang video sa isang upcoming TV commercial ni Daniel, na nagbida na sa maraming TV ads tulad ng Close-Up at Coffee Mate.

Ayon sa YouTube user na si cleng77, "He looked at the camera...maybe it's a setup, maybe this is for something talaga....unless he was stupid enough to do this knowing people could see." 

Ayon naman kay candiceman01, "The kiss is not real! Daniel Matsunaga's video is for an endorsement. Don't worry nothings wrong...."

Ngunit marami ring nagsasabing totoo ang video.