Labis na nagpapasalamat si Aljur Abrenica sa mga nanonood ng kanyang pinagbibidahang telefantasya sa GMA-7, Machete.
Nag-pilot ang Machete noong Lunes, January 24, at nagtala ito ng rating na 12.8 percent ayon sa People Ratings ng AGB Nielsen Philippines among Mega Manila Households. Tinalo nito ang katapat na programa sa ABS-CBN, ang Mara Clara, na nakakuha ng 11 percent. (CLICK HERE to read related story.)
Masayang-masaya nga si Aljur nang maabutan siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Machete sa Quezon City kahapon, January 25. Para raw siyang nasa cloud nine dahil sa dami ng text messages at tawag na natatanggap niya na kino-congratulate siya sa tagumpay ng Machete.
"Hindi po ako makapaniwala!" sambit niya.
"Talagang ang saya-saya po ng pakiramdam ko. Kaming lahat sa set, masayang-masaya dahil maganda ang mga reviews at pati ang rating ng pilot episode namin.
"Umpisa pa lang ang napanood nila at abangan pa nila ang mga susunod na mga mangyayari sa Machete. Tiyak na mas magugustuhan pa nila ang kuwento ng series namin."
Inamin ni Aljur na punung-puno ng kaba ang kanyang dibdib nang magsimula noong Lunes ang Machete. Nag-break muna raw sila sa kanilang taping para mapanood nila ang pilot episode. Nagpalakpakan daw ang lahat nang matapos ang pinaghirapan nilang pilot.
"Ako mismo nagulat sa produkto. Para siyang pelikula na. Hindi ko alam na gano'n pala kalaking tingnan ang kinunan naming fight scene sa Machete.
"Ilang oras din kasi naming kinunan 'yon. Paulit-ulit kami para makunan ang iba't ibang anggulo. Tapos may mga aerial shots pa kami.
"Napanood ko lang siya sa maliit na monitor. Pero noong mapanood ko sa wide screen TV, talagang napabilib ako. Parang pelikula na ang ginawa namin," saad ng 20-year-old actor.
ROMANTIC SCENES. Nakatanggap naman ng kantiyaw si Aljur nang ipakita ang romantic scenes nila ng leading lady niyang si Bela Padilla na kinunan sa Daranak Falls sa Tanay, Rizal.
"Kung alam lang nila kung gaano kalamig ang tubig sa lugar na 'yon!" tawa niya.
"Mahirap mag-concentrate kasi parang yelo ang tubig sa Daranak Falls. Pareho kami ni Bela na nilalamig kasi ilang oras na rin kaming nagsu-shoot doon.
"Pero mas nilamig ako kasi bahag lang ang suot ko. Si Bela, may suot siyang damit. Ako, hubad ang upper body ko kaya nagtsi-chill na ako.
"Si Bela pa ang nagsabi sa akin na isipin ko na lang na hindi malamig ang tubig para matapos na kami. Kung iisipin ko na malamig, talagang manginginig ako at hindi kami matatapos. Ginawa ko naman at nawala ang ginaw ko noong kunan na namin ang scene.
"After nga ng last take sa tubig, umahon ako kaagad. Napakain tuloy ako ng kanin kasi nga sobrang nilalamig ako. Kailangan ko ng pampainit sa katawan ko kaya hindi ko natiis na kumain ng rice para magkaroon ako ng carbohydrates.
"Ilang weeks na rin kasi akong puro kamote, gulay, prutas, at lean meat lang. Nandaya lang ako noong araw na 'yon kasi sobra na akong gininaw. Madali ko namang mabe-burn 'yon dahil sa diet at workout ko."
MEN'S HEALTH. Hinahangaan ng marami ang magandang pangangatawan ni Aljur, na produkto ng kanyang tinatawag na "Machete Diet" at "Machete Workout."
At dahil sa magandang resulta ng paghihirap ni Aljur sa kanyang katawan, siya ang latest cover boy ng Men's Health magazine for the month of February.
Natuwa si Aljur dahil matagal na niyang pangarap ang malagay sa cover ng Men's Health.
"Naging cover na ako ng iba't ibang magazines, pero iba kasi kapag pinili ka ng Men's Health. Ibig sabihin, may karapatan ka at maganda ang pangangatawan mo kaya worthy kang mailagay sa cover.
"Noong sabihin nga sa akin na magpi-pictorial na ako for Men's Health, talagang natuwa ako kasi hindi lahat ay naiimbitahan para ma-shoot for the cover ng magazine na 'yan. Kaya isa 'yan sa masasabi kong malaking achievement ko sa taong ito," ngiti ni Aljur.
GOODBYE TO CONTROVERSIES. Dahil sa sa sunud-sunod na blessings ni Aljur ay nasabi nito na gusto niyang positive vibes lang for 2011. Kung ano man daw ang mga kinasangkutan niyang mga kontrobersiya ay isinantabi na niya dahil may natutunan naman daw siya sa mga ito.
Kabilang sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ni Aljur ay ang engkuwentro nila ni Richard Gutierrez sa Fiamma Bar sa Makati City noong October 2008. May kinalaman diumano ang naging engkuwentro nila Aljur at Richard ng dahil kay Jewel Mische, ang nababalitang girlfriend ni Richard that time. (CLICK HERE to read related story.)
Nagkaroon na ba sila ng chance ni Richard na magkausap at magkapatawaran tungkol sa pangyayaring iyon?
Sagot ni Aljur, wala siyang pagkakataon na makasama o makasabay si Richard sa anumang guestings sa GMA-7.
Pero aniya, "Para po sa akin, tapos na 'yon. Hindi naman sa kinalimutan ko na, pero nakaraan na 'yon. Hindi ko na dapat balik-balikan pa kasi hindi naman ako yung tipong nagtatanim ng sama ng loob or galit.
"Kung sakaling nakasabay ko po si Mr. Richard Gutierrez, magbibigay-galang pa rin ako sa kanya. Bilang mas nakakatanda siya sa akin sa industriyang ito, magbibigay ako ng respeto sa kanya.
"Sa akin lang, tapos na 'yon. May natutunan ako sa pangyayaring 'yon and it made me a stronger person. Sa lahat naman ng mga pinagdadaanan natin, mabuti man o hindi, may nakukuha tayong leksiyon sa buhay.
"At saka, pangaral sa akin ng mga magulang ko na maging humble parati. Huwag akong maging mayabang o ilagay ang kasikatan sa ulo ko. Mas marami raw pong magmamahal sa atin kapag nagpapakumbaba tayo," saad ni Aljur.
